Pamangkin: Naning,do you have a boyfriend? (Naning ang endearment niya sa akin. Halukay na ispeling ng Ninang).
Ako: Uhm, wala.
Pamangkin: But why?
Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Akala ko sa mga kamaganak at kaibigan ko lang maririnig ang mga ganitong klaseng tanong, iyun pala, pati ang pamangkin ko ay nagtataka na rin kung bakit hanggang ngayon ay single pa rin ako.
Taong 2012 noong muli akong nabigo sa punyetang pag-ibig na 'yan. Sundalo ang huling naging boyfriend ko at mas bata sa akin ng anim na taon. Nakipagbreak siya sa akin ilang araw bago mag-Valentine's Day. Sabi niya, hindi raw niya kayang ibigay sa akin ang buhay na nararapat para sa akin dahil nagsisimula palang siya sa career niya bilang sundalo. Hindi rin daw niya maipapangako na kapag ipinadala siya sa Cotobato o sa Basilan o kung saan man may giyera ay makakauwi siya ng buhay. Nakipagkita siya sa akin sa SM Muntinlupa at namumula ang mga mata sa pag-iyak na nagpaalam sa akin. In short, hindi na raw niya puwedeng ituloy ang relasyon namin.
Para akong binuhusan ng yelo noon. Hiniling ko pa nga na sana lamunin na lang ako ng lupa matapos kong marinig ang mga salitang binitawan niya. Hindi man lang niya kasi ako binigyan ng pagkakataon na patunayan sa kanya kung papaano akong magmahal. Pakiramdam ko, ambabaw ng pagkakakilala niya sa pagkatao ko at hinusgahan na agad kung ano ang magiging kahihinatnan ng relasyon namin gayong apat na buwan palang ang relasyon namin.
Napaisip tuloy ako, sadya bang malas ako sa pag-ibig? O nagkataon lang ba talagang hindi pa siya ang lalaking itinakda para sa akin? May mali ba sa pagkatao ko at napakailap sa akin ng permanenteng relasyon? Hindi na biro ito. Pang-ilang boyfriend ko na siya at heto, bigo na naman ako. Wala ba akong karapatang magkaroon ng matinong lovelife?
Andaming tanong na umuukilkil sa utak ko pero hindi ko mahanap ang sagot para sa mga tanong na iyun.
Lumipas ang ilang buwan at nawala rin ang bitterness sa puso ko matapos ang break up na iyon. Natutunan ko na hindi kailangang umaasa sa boyfriend o karelasyon para lang maging masaya. Nakakapagod din pala iyung paulit-ulit na mabigo sa pag-ibig kaya ibinaling ko muna ang oras ko sa ibang bagay. Buhay-single ika nga.
No. Hindi ako bumalik sa pag-inom ng alak at pagpunta gabi-gabi sa mga party o naging aktibo ang night life tulad ng iba. Ang una kong adventure bilang single ay umakyat ng bundok kasama ang mga kaibigan ko at mga naging bagong kaibigan. Naka-limang bundok din akong inakyat sa loob ng isang taon.
Taong 2013 naman, sumama ako sa mga kaibigan ko na mag-travel sa ibang bansa (sa Southeast Asia lang naman) para malibang at maranasan ko man lang na mangibang-bansa hindi upang magtrabaho kundi para magliwaliw. Lakas loob din akong nanood ng paborito kong Japanese rock band sa Thailand kasama ang mga kaibigan kong fangirls.
Sinubukan ko ring mag-organisa ng photo exhibit kasama ang mga kaibigan kong manunulat. Hindi ko nga akalaing magiging matagumpay ang exhibit naming iyon kung saan ang halaga ng mga naibenta naming mga larawan na may kasamang tula ay ibinigay namin bilang tulong sa isang eskuwelahan sa Tacloban na apektado ng bagyong Yolanda. Salamat sa mga kaibigan din naming tumangkilik sa aming exhibit.
Natuto rin ako ng origami. Nakahiligan kong gumawa ng ibon at bituin mula sa makukulay na papel. Ginawa kong libangan iyon tuwing bumabiyahe pauwi sa boarding house. Nakaisang kahon yata ako ng mga papel na ibon at ilang boteng bituin. Tila ba nagpapahiwatig na pangarap kong lumipad o maabot ang mga bituin sa langit ngunit dahil tao ako at hindi ibon at lalong hindi rin ako isang astronaut, nakuntento na lang ako sa mga bagay na kayang gawin ng mga kamay ko at arukin ng aking utak. Hehe.
Naging aktibo rin ako sa panonood ng sine kasama ang mga kaibigan ko. Kapag may budget, hindi namin pinapalampas ang panonood ng mga gusto naming pelikula.
Binuhay ko ring muli ang pagiging fangirl ko. Pero this time, may pagka-hardcore ako kasi dumating ako sa point na gumawa ako ng fanpage para sa iniidolo kong Japanese band, anime at aktor. Na-motivate rin akong mag-ipon ng pera para makabili ng CD o DVD o kaya'y concert ticket ng paborito kong banda. Naranasan ko ring tumambay sa mall ng apat na oras para abangan ang pagdating ng paborito naming Japanese actor na pumunta sa Pilipinas para i-promote ang pelikula nito sa ating bansa. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwalang halos tatlong taon na pala akong updated sa mga iniidolo ko. Dahil sa pagiging fangirl, nakakalimutan ko ang mga problema ko at hindi ko masyadong iniinda ang pagiging single ko. :-D
Ang pinakanagustuhan kong pastime ay ang kumuha ng mga litrato. Binalikan ko ang hilig ko sa photography. Kasama ang ilang malalapit na kaibigan, naglakbay ako sa iba't ibang lugar na swak sa budget ko para magphotowalk. Masaya ako sa bawat lugar o bagay na kinukuhaan ko ng litrato. Maski nga sa rooftop ng bahay namin ay hindi ko pinalampas. Tuwing naglalaba ako ay inaabangan ko ang takipsilim para makunan ko ng litrato ang papalubog na araw. Pati mga bulaklak sa hardin ng nanay ko ay kinukunan ko rin ng litrato.
Ilan lamang sa mga nabanggit ko ang mga naging trip ko sa buhay bilang single. Masaya na malungkot. Sa kabuuan, anlaking tulong para sa mga tulad kong walang karelasyon.
Ngunit, sa pagitan ng mga libangang ito, nararanasan ko pa ring umibig. Hindi kailanman ako na-immune sa emosyong ito.
Credit to the owner of this picture. |
Sa katunayan, dalawang beses akong nainlababo. Kaso nga lang, as usual, bigo pa rin ako. Iyung isa, kaibigan ko siya na mas matanda sa akin ng dalawang taon. Nagtapat ako sa kanya ng pag-ibig kaso hanggang kaibigan lang daw ang turing niya sa akin. Iyung isa naman, kaibigan ko rin pero pitong taon naman ang tanda ko sa kanya. Akala ko, magiging kami, pero parang pinaasa lang niya ako at kailanman ay hindi siya nagtapat ng pag-ibig kahit sinasabi ng mga tao sa paligid namin na bagay kami at halata raw na may gusto siya sa akin. Samakatuwid, bigo rin.
Pero lumipas na ang lungkot at ampalaya moments. Marahil ito talaga ang kapalaran ko. O posible rin na talagang hindi ko pa natatagpuan si Mr. Right. Kung nasaan man siya, sana magpakita na siya sa akin. Lampas na sa kalendaryo ang edad ko kaya pinepressure na ako ng mga tao sa paligid ko. Hindi ko rin sila masisisi. Kasi sabi nga, my biological clock is ticking.
Pero siyempre, ayokong magpa-pressure. Darating din ang lalaking itinakda sa akin ng Panginoon. Tiwala lang. Ang hiling ko lang e sana huwag naman iyung tipong uugod-ugod na ako e tsaka pa siya dumating. Huwag namang ganoon, Lord. Hahaha!
x