Sunday, February 17, 2013

Kinamayan kami ni Congressman


Kinamayan kami ni Congressman
At abot-tenga ang kanyang ngiti
Ang halalan, ramdam ko na naman


Batang uhugin ang kanyang tangan
Kumaway-kaway s’ya at ngumisi
Kinamayan kami ni Congressman

Nagkalat ang posters n’ya sa bayan
Sampu ng kanyang mga kalahi
Ang halalan, ramdam ko na naman

Namimigay ng pera sa bayan
Dagdag laman sa mga kalupi
Kinamayan kami ni Congressman

Ang mga magkakalabang angkan
Mga handang mag-ubusang lahi
Ang halalan, ramdam ko na naman

Tikom ang bibig ng mamamayan
Kung sino ang bagong maghahari
Kinamayan kami ni Congressman
Ang halalan, ramdam ko na naman




No comments:

Post a Comment

Followers