Tuesday, May 29, 2012

Rosas at Ice cream


Photo credits: http://www.rose-bushes.com/pages/pruning-your-rose-bushes/
Parang guwantes sa kapal ang malagkit na putik sa mga kamay mo. Katatapos mo lang magbungkal ng lupa kaninang alas-otso ng umaga. Nagtanim ng mga rosas sa paso. Iyong mga rosas na malago ang dahon at buong tangkay ang may tinik pero may mga pabukadkad palang na mga bulaklak. Kapansin-pansin din ang mga maliliit na galos sa palad mo sanhi ng mga tinik ng rosas na itinanim mo.

Lalapit ka sa lababo. Pipihitin mo ang gripo. Lalagaslas ang tubig sa gripo at isasahod mo roon ang mga kamay mo. Unti-unting hihiwain ng tubig ang mga nakakulapol na putik sa mga kamay mo pati ang  mga singit-singit na dumi sa mga kuko mo. Sasabunin mo ito ng Safeguard para siguradong mamatay ang mga mikrobyo. Kikirot ng bahagya ang mga galos mo.

Hindi mo iindain ang hapdi ng mga galos. Balewala lang sa'yo 'yun kumpara sa kutsilyong aksidenteng gumurlis sa kaliwang hintuturo mo noong naghiwa ka ng sibuyas para sa lulutuin mong sopas. Sa umpisa, parang wala lang sa'yo ang bumukang laman sa hintuturo mo. Hindi mo kasi agad napansin na nasugatan ito. Pero noong parang waterfalls na ang tulo ng dugo, tsaka mo unti-unting naramdaman ang kirot. Hindi lang basta naramdaman, nanlaki pa ang mga mata mo sa sakit. Nanghilakbot ka rin sa bumukang laman. Hindi lang ito simpleng galos. Malalim ang sugat. Akala mo'y napuruhan na ang kaliwang hintuturo mo. Buti na lang at hindi naputol. Wala sa pangarap mo ang mabuhay sa mundong ito na putol ang kaliwang hintuturo. Nakahinga ka lang ng maluwag nang tuluyang sinaid ng tubig mula sa gripo ang dugong tumulo sa hintuturo mo.

Pero mas lalong balewala sa'yo ang mga galos na ito kumpara sa sakit na idinulot ng sawi mong pag-ibig sa ex-boypren mong babaero. Basta nakapalda, pinapatulan. :P

Maiisip mo ang mga itinanim mong rosas sa paso. Sulit ang pagod at mga galos mo. Maganda ang kinalabasan ng ginawa mo. Hihilingin mo na sana hindi mainit ang mga palad mo para hindi mamatay ang mga rosas. Mangangako ka sa sarili mo na aalagaan mo ang itinanim mo. Ikaw ang magdidilig o ipapakiusap mo sa kasambahay ninyo na diligan ng maayos ang mga ito para maganda ang tubo.
Mapapangiti ka at pagkatapos ay mapapadako ang tingin mo sa mga kamay mong tapos mo nang banlawan.Bumalik na ito sa normal na itsura. Hindi na mukhang kamay ng maligno.

Lalapit ka sa bulaklaking tuwalya na nakasabit sa ref ninyo. Pupunasan mo ang mga kamay mo hanggang sa matuyo.

Photo credit: http://www.foodiecraft.com/2011/05/selectas-choco-almond-fudge-and-double.html
Sabay bubuksan mo ang ref. Masisilaw ka sa ilaw na nagmumula rito. Pipikit ka. Mai-imagine mong may ice cream sa loob ng ref. Dahan-dahan mong imumulat ang mga mata mo. Pagmulat mo, hahagilapin mo ng tingin ang freezer. Bubuksan mo ang freezer. Sabik kang makita ang ice cream (iyung double dutch flavor) na binuo ng imahinasyon mo.

Pagbukas ng freezer, kukulubot ang noo mo at labi sa pagsimangot. Walang lamang ice cream ang freezer maliban sa mga yelo at mga Tupperware na may lamang isda, baboy at manok. Bubuntung-hininga ka. Makakaramdaman ka ng kahungkagan at lungkot dahil wala ang paborito mong ice cream. Maski ube flavored ice cream, wala rin.
Bigla mong maaalala ang civil status mo. Single ka pa rin hanggang ngayon. May mga lalaking handang makipagrelasyon sa'yo, pero di mo gusto. Iba ang hinahanap mo. Parang freezer n'yo lang, madaming laman, pero wala 'yung hinahanap mong ice cream. Alam mong hindi mo naman iyon ang gusto mong kainin kaya isasara mo ang freezer at pagbabalingan mo ang tubig.

Kukunin mo ang pitsyel ng tubig tapos kukuha ka ng baso. Ibubuhos mo sa baso 'yung malamig na tubig at iinumin mo. Giginhawa ang pakiramdam mo. Walang ice cream pero pinawi ng tubig ang uhaw mo. Mawawala ang panghihinayang mo na walang ice cream sa ref ninyo. Sa isip-isip mo, bibili ka na lang next time ng ice cream o di kaya'y hihintayin mong bumili ang mga kapatid o magulang mo para may makain kang ice cream.

Maiisip mo ulit ang civil status mo. Hindi pa dumarating 'yung itinakda sa'yo kaya pansamantala, stuck ka sa pagiging single. Pero hindi ka nalulungkot. Busy ka e. At tsaka madaming nagmamahal sa'yo tulad ng mga magulang, kapatid, kamaganak at mga kaibigan mo. Samakatuwid, hindi ka gaanong nalulungkot.
Saka na lang ang ice cream.
Linggo, Mayo 28, 2012
BiƱan, Laguna

No comments:

Post a Comment

Followers