Hingal-kabayo man, narating ko rin ang Mt. Pulag Summit!
Hindi naging hadlang ang ulan, madulas at mabatong daan paakyat sa Campsite, pagod, antok, pagkauhaw, gutom o ng mabigat kong timbang na mas mabigat pa sa sako ng bigas, at kawalan ko ng pisikal na preparasyon para marating ang tutok ng bundok na ni sa hinagap ay hindi ko inakalang makakaya ko palang akyatin! Astig! Pwede na akong kunin ni Lord....JOKE LANG! Ehehe. Knock on wood! Masaya lang talaga ako at narating ko ang tuktok ng Mt. Pulag. :D
Sa loob ng dalawang araw, nagawa ko at ng mga kaibigan ko ang misyon namin na akyatin ang Mt. Pulag Summit. Pero sa totoo lang, bukod sa mithiing ito, may isa pa talaga kaming dahilan kung bakit sa dinami-dami ng bundok sa Pilipinas ay pinili namin ang Mt. Pulag. At ito ay ang masaksihan ang napaka-romantikong wedding proposal ng kaibigan naming si Poy sa kaibigan naming si Bebang.
Syet. Halos mawiwi kami sa sobrang kilig habang sinasabi ni Poy ang tindi ng pagmamahal niya kay Bebang!
Ang tanong, bakit nga ba sa Mt. Pulag pa ginanap ang wedding proposal at hindi na lang sa isang restaurant o fast food o sa kung saan man na hindi na kailangang umakyat ng bundok na 2, 922 meters above sea level ang taas?
Ang siste, isang araw, may pinagtalunan daw ang mag-jowa at nang makipagbati si lalake, sumulat siya kay babae na aakyatin niya ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas para ipagsigawan ang pagmamahal niya kay babae. Pero dahil malayo, magastos at mahirap akyatin ang Mt. Apo, naisip ni Poy na akyatin na lang ang Mt. Pulag, ang ikalawa sa pinakamataas na bundok sa Pilipinas at ang pinakamataas naman na bundok sa Luzon. At dahil hindi naman puwedeng umakyat ang mag-jowa na silang dalawa lang, isinama o mas tamang sabihin na "isinabit" kaming mga kaibigan nila sa gawaing ito.
Kinuntsaba kami ni Poy para sa kanyang plano na wedding proposal. Kahit kinabahan ako noon nang malaman na aakyat kami sa Mt. Pulag, kinilig ako ng todo-todo na parang bagong paligong aso na nagpagpag ng sarili para tanggalin ang tubig sa balahibo. Kaya hindi na ako nagdalawang-isip at pumayag agad ako sa plano ni Poy.
Ang iskedyul dapat ng akyat namin ay noong Abril 28. Kaya lang, marami sa mga inimbitahan ni Poy ang hindi puwede sa araw na iyon. Natuloy kami noong Mayo 4, 2012. Iyon nga lang, sa dami ng inimbitahan ni Poy, labing-tatlo (13) lang kaming nakasama. Pero ayos lang naman kasi masaya pa ring ang buong grupo kahit kakaunti lang kami. :D
At siyempre, sikretong malupit kay Bebang ang planong ito. May tamang-hinala siya, pero dahil magaling kaming magkakaibigan na magtago ng sikreto, hanggang tamang-hinala lang talaga siya. :D
Anakngputsa! Answeet ni Poy! Hindi ko kinaya ito. Ibang level! He-he-he! Kaya talagang napasagot agad ng "YES!" si Bebang. Naks! :D
At noon ngang May 6, 2012, naging isa ako sa mga nakasaksi ng buwis-buhay pero napakatamis na wedding proposal na ito.
Eto ang naging itinerary ng grupo namin bago naganap ang wedding proposal:
Day 1 (May 4, 2012)
9:00 pm--Assembly time sa Victory Liner. Nag-impake pa kami nila Bebang ng pagkain sa bahay nila bago kami dumiretso sa bus terminal kaya na-late kami ng konti. Marami na sa miyembro ng grupo namin ang nauna roon.
11:00 pm--Umalis ang Victory Liner bus na sinakyan namin sa Cubao patungong Baguio.
Day 2 (May 5, 2012)
5:00 am-- Nakarating kami ng Baguio City at doon ay nagpa-picture taking agad kami. Tapos kinontak na namin 'yung driver ng dyip na inarkila namin papuntang DENR Protected Area Office.
7:00am--Nag-stop over kami sa Pink and Juice restaurant at kumain ng almusal.
8:00 am--Nakarating kami sa DENR Protected Area Office sa Ambangeg, Benguet at doo'y nag-register kami para alam ng mga taga-DENR kung ilan at kung sino-sino kami sa grupo na aakyat sa Mt. Pulag. Bago kami pinayagang pumunta sa Ranger Station kung saan magsisimula ang trekking namin papuntang Camp 2 ay nag-orientation muna kami. May isang DENR representative ang nag-orient sa amin tungkol sa rules, regulations at tips bago kami umakyat ng bundok.
11:00 am--Bago kami tuluyang nag-trekking paakyat sa Ranger Station, sinagupa muna namin ang bato-batong daan papuntang Summit View o bungad ng Ambangeg Trail. Literal na rough road ang dinaanan namin! Sobrang maalog ang dyip para lang kaming dice na inalog-alog at hinagis sa kung saan.
Nag-top load ang pitong mga kasamahan kong lalaki sa grupo kasi gusto raw nilang maranasan ang sumakay sa bubong ng dyip habang papuntang Ambangeg. Sa tagtag daw ng biyahe, panay ang likha nila ng lagabog sa bubong ng dyip. Pagkababa raw nila, pakiramdam nila ay nadurog ang mga itlog nila. Kaloka! Ha-ha-ha!
Pagdating pa ng Summit View, nag-hire ako ng porter sa halagang Php 100.00 at nag-rent ng tungkod sa halagang Php 50.00. Ambigat kasi ng bag ko. Parang isang sakong bato ang laman. E mabigat pa ang timbang ko kaya baka hindi ko kayanin ang pagod. Ayun, nag-hire na talaga ako ng porter.
Matapos ang "transaksiyon" ko sa porter, naghanda na kami sa paglalakad. Hindi pa kami nakababawi sa tagtag ng biyahe, nag-trekking kami papuntang Ranger Station. Halos 30 mins din kaming naglakad pero nakarating din doon ng walang aberya.
1:00 pm--Nagsimula na ang aming trek papuntang Campsites. Isang oras at kalahati ang iginugol namin sa paglalakad-akyat papuntang Camp 1 palang iyon. May mga pagkakataon na pahinto-hinto talaga ako sa paglalakad kasi sumasakit na ang mga binti ko at bumibilis na ang pintig ng puso ko sa pagod. Panay rin ang hingal ko kasi numinipis na ang oxygen na nasasagap ko habang tumataas ang inaakyat namin sa bundok.
Ang malupit pa nito, bumuhos ang ulan. Sabi ng guide namin, tuwing hapon daw talaga ay umuulan sa Mt. Pulag kaya buti na lang, bago pa kami pumunta roon, handa na ang mga kapote namin at naka-plastic ang lahat ng mga gamit namin sa bag para hindi mabasa ang mga iyon.
Sa totoo lang, dumulas ang daanan at lumambot ang mga putik paakyat sa campsite kaya nakadagdag pa 'yun sa challenges na sinagupa namin bago narating ang campsite.
5:00 pm--Sa wakas! Makalipas ang mahigit apat na oras, nakarating din kami sa Camp 2 kung saan kami nag-set up ng tent. Pagdating namin doon, marami ng tao ang nagtayo ng mga tent doon kaya napuwesto ang tent namin sa Camp 2 extension kung saan nasa slope na kami.
Nakaranas kami ng mga kaibigan ko ng altitude sickness. Nahilo talaga ang ilan sa amin. Kahit uminom ako ng Bonamine bago pa kami umakyat para kontrahin ang hilo, hindi umepekto. Nagsuka pa rin ako. Pero nakatulong din ang pagsusuka ko kasi guminhawa naman ang pakiramdam ko pagkatapos. Pero 'yung isa naming kasama, medyo masama ang tama ng altitude sickness kaya halos hindi raw sila nakatulog ng ka-buddy niya sa tent dahil inasikaso pa siya. Naroong panay ang suka niya, hilong-talilong siya, at nanginginig siya sa lamig. Buti na lang pala, nagdala ako ng gamot at first aid kit. Malaki ang naitulong ng dalawang tableta ng Bonamine at pagpapahid ng Efficascent Oil sa sintido, likod at tiyan niya kaya kinabukasan, sa pag-akyat namin papuntang Summit ay maginhawa na ang pakiramdam niya.
Sa kabila ng pagod at kaunting kain para hindi ma-jebs sa bundok, determinado ang buong grupo na akyatin kinabukasan ang summit. Dagdag pa sa nagpabuhay ng mga dugo namin ang kagandahan ng Super Moon na nagsilbing liwanag naming lahat sa kadiliman ng bundok. Halos walang mga bituin sa langit dahil tulad nga ng sabi ng mga eksperto, matatakpan ng halos ng Super Moon ang bahagi ng kalangitan kung saan nakasaboy ang mga bituin dahil sa laki nito. :)
Nananabik kaming makita ang sunrise dahil panigurado, isang obra maestra ang ipipinta ng kalangitan at magiging napakalapit namin sa tanawing iyon mula sa tuktok ng Mt. Pulag.
Day 3 (May 6, 2012)
3:00 am--Sa tindi ng lamig, nagising kami ng oras na ito eksaktong pag-alarm ng cellphone namin. Paggising namin, mamasa-masa ang tent dahil siguro sa hamog at lamig na bumalot sa buong Camp 2 habang natutulog o nagpapahinga ang lahat ng campers.
Tinamad akong lumabas noon ng tent sa tindi ng epekto sa akin ng lamig. Pakiramdam ko kasi ay namamanhid ang buong katawan ko pero nangangatal ako at pakiramdam ko rin ay banat na banat ang balat ko sa sobrang lamig ng paligid.
Kinailangan naming uminom ng kape at kumain ng tinapay na may palamang Century Tuna para makaramdam kami ng init at normal na dumaloy ang dugo sa katawan namin.
4:00 am--Ito na 'yung oras na sinimulan na naming tahakin ang daan patungong Mt. Pulag summit. Tanging ang mga suot naming headlights at hawak na flashlights ang nagsilbing liwanag namin sa paligid. Iniwan muna namin ang aming mga backpack at ilang kagamitan sa Camp 2 para mas madali kaming umakyat sa summit. Binantayan na lang iyon ng isa pa naming guide para hindi mawala.
6:00 am--Actually, bago mag-alas sais, nagdesisyon ang guide naming babae na umakyat muna kami sa Peak 4 ng Pulag kasi malapit ng sumikat ang araw. At tsaka hanggang 147 na katao lang daw ang kayang i-accommodate ng summit e may mga mas nauna pa sa aming grupo nakarating na roon. Hinintay na lang muna namin silang bumaba tsaka namin ipinagpatuloy ang pag-akyat sa Peak 1 o pinakamataas na bahagi ng Mt. Pulag.
At ng makarating nga kami sa summit, nanlaki ang mga mata ko sa pagkamangha. Napakaganda ng Mt. Pulag! Kita mula sa tuktok ng bundok ang buong gulod nito na animo'y binalutan ng luntiang kumot. Para kaming napadpad sa New Zealand o sa kung saan mang Marlboro Country. Pakiramdam ko tuloy noong mga oras na 'yun ay may susulpot na usa o kabayo sa paligid at manginginain ng damo sa Mt. Pulag.
Matapos ang wantusawang picture-taking, ginanap na mumunti naming programa. Lahat ay hinikayat ni Poy na magsalita kung ano ba ang dahilan ng pag-akyat namin sa Mt. Pulag. Pinahuli niyang magsalita si Bebang. At pagkatapos ni Bebang, si Poy naman ang nagsalita.
Madamdamin siyang lumuhod at kinuha ang kanang kamay ni Bebang at isinuot doon ang binili niyang engagement ring. At tinanong ito ng makasaysayang "Will you marry me?" Iyak-tawa ang ginawa ni Bebang matapos mahimasmasan sa ginawang wedding proposal ni Poy. Pero buong puso niyang tinanggap ang proposal nito. :)
Noong mga oras din palang iyon, may mga taga-GMA7 palang naroroon sa summit. Nakita nila ang buong pangyayari. Ang grupong iyon ay talagang bakasyon ang pakay sa Mt. Pulag. Pero dahil nga mga reporter, hindi nila maiwasang interbyuhin at kunan ang newly engaged couple na sina Poy at Bebang dahil hindi raw nila maaatim na palampasin ang isang napakagandang kuwento. Ginanap ang interview kay Bebang at Poy noong nakarating na kami sa Camp 2. Kaming labing-isa ang taga-palakpak. :D
Naisip ko tuloy, makakatanggap din kaya ako ng ganitong ka-sweet na wedding proposal, balang araw? :)
7:30 am--Sinimulan na naming ang pagbaba sa Camp 2. At habang pababa kami sa summit, may nakasalubong kaming pulis na nakadamit ng pang-sundalo (camouflage). Noong una, kinabahan kami kasi baka hulihin kami o mapagkamalang miyembro ng New People's Army dahil sa mga suot namin. Pero buti na lang pala, wala namang ganoong intension si Kuyang Pulis. Nag-picture taking na lang kami kasama siya.
9:30 am--Nagsimula ng bumaba mula sa Camp 2 ang grupo namin patungo sa Ranger Station. Halos isang ruler na ang buka nga bawat hakbang namin para mas mabilis kaming makarating sa Ranger Station, pero pagdating namin doon, mas nauna pa pala ang mga porter naming babae. Napakaliksi talaga nila. Palibhasa'y simula noong tinedyer palang sila ay hindi na mabibilang sa sampung daliri sa kamay kung ilang beses silang nakaakyat sa Mt. Pulag kaya mga sanay na.
1:30 pm--Nakarating din kami sa Ranger Station. Nag-hire ulit ako ng porter para tulungan akong bitbitin ang backpack ko papunta sa Summit View kung saan nakahimpil ang inarkila naming dyip.
Sampu kaming sabay-sabay na nakarating sa Summit View. Iyung tatlo pa naming kasamang lalaki, wala pa. Nang treinta minutos na silang wala, nagtanong-tanong na kami kasi baka naligaw sila. At tama nga ang hinala namin kasi humahangos na bumalik ang guide naming lalaki para ibalita na napadpad sa ibang direksiyon ang tatlong kasamahan namin. Iyong dalawa, naglakad pabalik sa Summit View, pero 'yung isa, pinaghintay na lang nila sa kung saan ito napadpad dahil nalaman namin na shortcut pala papuntang DENR ang narating niya.
Pakiramdam tuloy namin noong mga oras na iyon, nakatuwaan siya ng engkanto. Buti na lang at hindi siya limang araw na nawala. Katunayan, napadpad pa nga siya sa shortcut.
7:00 pm--Dumating kami sa Baguio ng ganitong oras. Nalaman namin na 11:00 pm pa pala ang ticket namin pauwing Metro Manila kaya pinapalitan namin ang oras sa Ticketing Booth ng Victory Liner. Buti na lang at puwede kaya lang walo lang sa amin ang pinayagang magpalit ng oras. Kasama ako sa pito na naging 9:30 pm na ang iskedyul ng pag-alis samantalang 'yung natitirang lima ay nanatili sa orihinal na iskedyul.
Bago sumapit ang oras ng pag-alis namin, kumain kami ng dinner sa Ebai's Cafe & Pastry na isang tawid lang mula sa Victory Liner Terminal. Umorder kami ng sinigang na bangus, tinolang manok, cauliflower tempura, calamansi juice at strawberry shake.
9:30 pm--Sakay ng Victory Liner bus, umalis na kami sa Baguio City.
2:30 am--Dumating kami sa Cubao ng madaling araw. Awa ng Diyos, sinundo ako ng Tatay ko at umuwi kami sa Laguna. Paglapag ko sa upuan namin ng higante kong backpack, agad akong sumugod sa aming banyo para magpasabog ng "sama ng loob" na mahigit dalawang araw ko ring "kinimkim" at pinagsumikapang pigilan noong umakyat kami sa Mt. Pulag ng mga kaibigan ko.
Sa wakas! Nakabalik na ako sa sibilisasyon! Pagkakita ko nga sa banyo namin, parang gusto kong yakapin iyung inidoro namin. :D
Ganito pala ang pakiramdam ng taong tumira ng halos tatlong araw sa kalsada at sa bundok na walang anumang bahid ng urbanisasyon. Walang duda na napakaganda ng Mt. Pulag, kaya lang, walang magamit na matinong banyo roon maliban sa latrine. Wala ring mahihigaang malambot na kama kundi insulator na hiniram ko lang mula sa sasakyan namin. Walang kuwarto maliban sa tent na kasya ang pitong tao lang ang kasya pati ang mga naglalakihan naming backpack. Higit sa lahat, dalawang araw kaming walang ligo at toothbrush.
Sagad sa buto rin ang lamig sa bundok. Sa tindi ng lamig, umuusok ang hiningang lumalabas sa bibig ko kada naghihikab ako. Maging ang ihi ko, umuusok pagtulo ng likido sa lupa. Nakakatakot ding lumabas ng tent kahit naiihi na kami kasi madilim ang paligid at malayo ang mga latrine sa Camp 2 ng Mt. Pulag mula sa pinagtayuan namin ng tent. Pero pag tawag talaga ng kalikasan, mahirap pigilan kaya napilitan kaming maglakad papuntang latrine.
Tiis-tiis lang talaga. Sa bandang huli, nakaraos din naman kami sa aming Mt. Pulag adventure!
Ansaya! Sana makabalik ako roon. Pero siyempre, paghahandaan ko muna para sa susunod, mamaniin ko na lang ang pag-akyat sa bundok.
Hay, salamat! Mission accomplished! :D
No comments:
Post a Comment