Saturday, January 12, 2013

Wala pa rin akong DSLR hanggang ngayon




Ano'ng petsa na? Ika-12 ng Enero 2013? Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakabibili ng pinakamimithi kong DSLR.

Buti na lang at maayos pa rin ang ginagamit kong Canon Digital Point and Shoot Camera na binili ng kapatid ko sa Japan.


Marami akong dahilan kung bakit hindi ako nakabili noong nakaraang taon. Ilan sa mga iyon, ililista ko rito sa blog ko para magsilbing paalala na gawin ko ng proyekto ito sa sarili ko at baka sakaling magawan ko ng paraan.

  1. Wala akong sapat na perang pambili ng DSLR. Kaya kong mag-ipon pero madalas ang naiipon ko ay napupunta sa ibang mas importanteng bagay.
  2. Buwan-buwan akong nagta-travel noong nakaraang taon kaya butas ang bulsa ko. Sa totoo lang hindi kasi naayos ang iskedyul ko noong 2012 kaya maging ako ay napapailing na lang kapag nakikita ko ang mga nakatalang mga lakad ko sa aking libreng planner mula sa Jollibee. Ang planner na iyon ang nagsisilbi kong social calendar.


3. Hindi pa ako nakakaisip noong 2012 ng mas sistematikong paraan kung papaanong makakaipon ng mahigit Php 30,000.+ + na pambili ng matinong DSLR. Kaya ngayong taong 2013, bumubuo na ako ng epektibong estratehiya para makaipon.

4. Ayokong mag-loan para lang bumili ng DSLR. Mas gusto ko kasing bibilhin iyon dahil may pera ako at hindi dahil inutang ko ang pambili niyon. Tiyak na makakatikim ako ng sermon sa Nanay ko kapag ginawa ko iyon. :-D

5. Nag-maganda rin yata kasi ako. Ayoko kasing makiuso sa pagkakaroon ng DSLR.  Noong nakaraang taon kasi, nagsulputang parang kabute ang mga taong may DSLR. Karamihan ay talaga nga namang animo'y mga propesyunal na photographer sa mahal ng mga gamit na kamera at lente. Naisip ko  na hindi ko kayang makipagsabayan sa kanila. Pero dumarating talaga ang oras na talaga nga namang nginangatngat ako ng kaunting inggit lalo na sa magandang kalidad ng mga larawang lumalabas mula sa DSLR kumpara sa point and shoot.

Kaya ngayong taong ito, sinisimulan ko na ang mga hakbang para makaipon. Kailangan ko na talagang tuparin ang planong iyon. Balak ko ay talagang rebyuhin at/o ayusing ang sistema kung paano ko ginagastos ang mga natatanggap kong pera para makita ko kung ano ang dapat kong gawin. At sa tingin ko, lilimitahin ko muna ang mga lakad ko para iwas-gastos.
Sa ngayon, praktis na lang muna ako nang praktis sa pagkuha ng mga larawan gamit ang P&S camera. Disiskartehan ko na lang ang paghahanap ng magagandang anggulo mula sa mga kinukuhanan ko ng mga litrato.

Isinama ko rito sa blog ko ang ilan sa mga kinunan kong litrato noong ika-1 ng Enero 2013. ^_^








No comments:

Post a Comment

Followers