Saturday, December 29, 2012

Iba't Ibang Anyo ng "End of the World"


End of the World na raw noong ika-21 ng Disyembre. Na naman? Pang-ilang
Photo credit: http://www.123rf.com/photo_16436832_man-is-waiting-for-end-of-the-world.html
beses na itong ibinabalita pero laging epic fail o palyado, ika nga. Hindi natutuloy. Pero ayos lang. Ayoko rin namang matapos ang pag-inog ng mundo kasi marami pa akong gustong gawin sa buhay ko. Sa tingin ko, ang katapusan ng mundo ay parang kadiliman na kusa na lang darating, babalutin ang kapaligiran bago pa kumurap ang ating mga mata.

Sa loob ng 32 taon,  naranasan ko na ang "katapusan ng mundo" sa iba't ibang anyo nito. Walang babala. Walang drama. Kapag nagparamdam, parang kagat lang ng langgam. At kung minsan pa nga'y para ring hanging habagat lang kung dumaan at handang ilipad palayo ang anumang nasa paligid ko. Kinuha ng walang paalam ang anumang may kinalaman sa buhay ko bagama't pilit kong itinago sa sulok ng isipan ko--bagay man 'yun, tao o pangyayari.  Basta kusa na lang dumalaw sa buhay ko at panandaliang pinuputol ang koneksiyon ko sa mundo.

Buhay pa ako. Kahit may mga panahong lumilipad sa kung saan-saan tulad sa  mga ulap, buwan, bundok, ilog, talon, gusali, dayuhang bansa, at kung minsan din ay sa kawalan ang kaluluwa ko. Bago pumunit ang silahis ng araw sa kalangitan, bumabalik ding muli iyon dala ang pangakong gigising pa rin ako sa pagsapit ng umaga. Ngunit ilang beses nang namatay ang puso ko. Oo nga at hindi inuuod o inaagnas ang kalamnan ko. Hindi rin naman ako nilamon ng lupa lalo na noong tumira kami sa Benguet at naranasan ko ang bagsik ng 1990 Earthquake. At hindi rin ako nalunod sa baha sa delubyong hatid ng Bagyong Ondoy ang Pilipinas noong Setyembre 2009.

Ngunit, may mga pagkakataon o panahon na binabalot ako ng katapusan.

Sa emosyonal na aspeto at mga paramdam nito sa buhay-pag-ibig ko. Ilang beses na ba akong namatay at muling nabuhay dahil sa pagkasawi sa pag-ibig? Lampas na yata sa dalawampung daliri ng mga kamay at paa ko ang bilang ng mga pagkakataong nabigo ako sa mga lalaking lakas-loob kong minahal o tinangkang mahalin. Walang kapaguran. Halos iisa ang ending. Palaging sawi. Kabalintunaan o kabaligtaran nito ang katapusan ng mga telenobela.

Buti pa ang telenobela, garantisadong happy ang ending. Nakapaloob man sa mga eksena ang histerya, suspense o drama, tipong mabibingit muna sa kamatayan ang bida o panay pagsubok ang haharapin, o panandaliang magbubunyi ang kontrabida, pero sa bandang huli, masaya pa rin ang katapusan. Sa kuwentong pag-ibig ko, predictable  na ang plot, mas lalong predictable pa ang ending.

Ang maganda lang nito, agad ding natapos ang malungkot na bahagi ng kuwentong pag-ibig ko dahil sa katotohanang halos dalawang taon na rin akong walang karelasyon ngayon. Ngunit, hindi ko rin maitatanggi na may nawala sa akin at namatayan ako ng pag-ibig sa aspetong emosyonal, espirituwal at sikolohikal. Wala ring katiyakan kung may darating pang muli para bigyang-buhay ang mga nalantang rosas sa buhay ko. Pero paulit-ulit ko ring sinasabi sa sarili ko na "kaya pa naman."

Hindi ko bibitawan ang mga hibla ng pag-asa sa mga kamay ko dahil sabi nga ng kaibigan ko, hangga't nasa thermometer pa raw ang edad ko, huwag daw akong mawawalan ng pag-asa. Darating daw ang panahon na mararanasan kong muling magmahal at mahalin ng totoo ng ibibigay na lifetime partner  sa akin ng Panginoon. Kunsabagay, sanay na naman ako dahil ang lovelife ko ay isang mahabang trial and error.  Parang eksperimento na ilang beses munang tutuusin ang mga pormula para makuha ang tamang solusyon o kombinasyon.

Kaya nga kung sakaling bibigyan akong muli ng pagkakataong magmahal, handa akong sumugal muli at tanggapin ang hamon na muli kong kakaharapin sa pakikipagrelasyon kahit hindi tiyak kung tatagal ba ito o hindi.

Manipestasyon sa anyong pisikal.  Magbibigay ako ng dalawang halimbawa—Una: Muntik nang makalas ang buto sa balikat mo matapos biglaang prumeno ang tren sa kahabaan ng riles patungong Ayala MRT Station. Pakiramdam ko ay nakalas din ang ribcage ko at tumilapon sa riles ng tren ang puso kong tila may pasak na pacemaker. Napaantanda ako ng krus sabay pikit nang mariin upang umusal ng maikling panalangin. Paulit-ulit kong tinanong sa sarili ko at parang betamax tape na ni-rewind  ang mga tanong na ito: Ano ang nangyari?  Nakatulog ba ang piloto? May lumuwag bang turnilyo sa kung saan mang bahagi ng tren? Nawalan ba kami ng preno at kinailangan pa na ang emergency break ang gamitin ng piloto para huminto kami.

Iisa lang ang sigurado ako, sabay nang pagmulat ng aking mga naluluhang mata, bumalik muli sa katawang lupa ko ang aking kaluluwa. Nauntog ako sa pader ng tren. Nabuhay akong muli. Halos araw-araw ko itong nararanasan sa pagbiyahe ko papuntang opisina. Kung tutuusin, sanay na akong makipag-drag racing kay Kamatayan. Marahil ay talagang hindi ko pa oras kaya suwerte at nakakauwi ako ng  buo at buhay.

Ikalawang halimbawa:  Noong 1997, isang taon bago ako maging botante, dinapuan ako ng matinding allergy. Tinubuan ako ng pantal sa buong katawan ko, mga laman-loob ko lang ang walang latay.  Mula anit hanggang talampakan, mga hugis mapa ng Asya ang mga pantal na sumulpot sa katawan ko. Dinala ako ng mga magulang ko sa Manila Doctors para patingnan sa isang Allergologist. Doon namin nalaman na may Acute Urticaria ako. Isang uri ng allergy na kung saan tinutubuan ng mga pantal na hugis mapa mula ulo hanggang paa ng taong dinapuan nito.

Sabi ng doktor ko, kapag nagkaroon daw ng pantal pati ang mga laman-loob ko, manganganib daw ang buhay ko. At posible rin akong mamatay kapag iyon naman ay tumubo sa trachea  o air passage ko. Binigyan ako ng gamot ng doktor pangontra sa pangangati ng balat ko at para umimpis o mawala ang mga pantal ko tulad ng Virlix, Claritin at Iterax.  Pero pabalik-balik ang makulit na mga pantal.

Anim na linggo akong tinorture ng sakit ko. Kaya nagdesisyon ang doktor ko na tuturukan ako ng steroids. Sasailalim daw ako sa anim na sessions nang gamutan. Hindi ko pa nararanasang matulog sa ospital bilang pasyente. Buti na lang at hindi naman ipinayo ng doktor na manatili ako doon hanggang sa matapos akong gamutin. Anim na beses lang daw akong magpapabalik-balik sa ospital.

Sa loob ng mga panahong tinutubuan ng mapa-mapang pantal ang buong katawan ko, pakiramdam ko'y bumalik ako sa pagka-sanggol. Bagama't 17 taong gulang na ako, kasama ko ang mga magulang ko sa pagtulog. Gabi-gabi, binabalot nila ng benda ang mga kamay ko at paa para hindi ako magkamot. Kapag daw kasi kinamot ko ang mga pantal ko, magsusugat iyon at dudugo. Para akong nakasuot ng straight jacket hindi dahil baliw ako kundi dahil nababaliw ako sa kati ng mga pantal ko.

Hindi namatay ang katawang-lupa ko pero panandaliang natuldukan ang kalayaan ko noong mga panahong iyon. Bawal magkamot. Bawal kumain ng itlog, hipon, alimango at balat ng manok. Bawal lumabas ng bahay. Hindi rin ako puwedeng pumasok sa eskuwelahan dahil bawal akong ma-expose sa polusyon. Pero siyempre, hindi pupuwede ang ganoon sa akademiya. Kaya umiinom ako ng gamot para hindi ako atakihin at nang makapasok ako. Kaso, pag-uwi ko ng bahay, doble ang atake sa akin ng allergy ko.

Sa totoo lang, ayokong magpaturok para lang gumaling hindi dahil takot ako sa injection kundi takot ako sa gastos. Isanlibong piso kada vial ng gamot ang ituturok sa akin. Takot din ako sa doktor kasi papasok ka palang sa klinika nila, nakaguhit na yata sa mga mukha nila na may matindi akong sakit at kelangan kong gumastos ng ilang libong piso para gumaling.

Doon ako pinayuhan ng labandera namin na magpatingin sa isang herbalist o espesyalista sa alternative medicine tulad ng mga halamang gamot. Isinama ako ni Manang sa kakilala niyang herbalist na kilala rin bilang mahusay na albularyo  sa Biñan. Pasensiya na at nakalimutan ko na ang pangalan ni Manong pero hindi ko makakalimutan ang tulong na ginawa niya sa akin.

Dumating ako sa bahay ng herbalist dala ang pag-asang gagaling ako. Natatandaan ko pa noon ang mahabang pila ng mga naghihintay na pasyente ni Manong pagpasok ko palang sa gate. Ang iba'y may dalang bayong na may mga lamang gulay at prutas, at ang iba'y may dalang mga kandila at manok. Ayon sa labandera namin, hindi tumatanggap ng bayad si Manong. Pawang mga donsayon lang tulad ng kandila, pagkain, atbp. Kung magbibigay daw ako ng pera, ilagay ko lang daw sa donation box na nakalagay sa altar ng albularyo.

Nang ako na ang sumunod na pasyente ng butihing herbalist, kumulo ang tiyan ko at pinagpawisan ng malapot dala ng kaba.

Hindi tipikal na albularyo si Manong tulad nang napapanood ko sa telebisyon. Wala siyang panyong nakatali sa ulo tulad ni Mang Kepweng sa pelikula ng namayapang komedyante na si Chiquito. Hindi rin siya nakasuot ng kamisa tsino at wala rin siyang suot na anting-anting. Natatandaan ko pa na nakasuot siya ng asul na polo na may kuwelyo at saka pantalong itim. Sa loob naman ng kanyang kuwarto ay may imahe ni Sto. Niño at Birheng Maria. Mayroon din siyang mga sertipikong mula sa mga dinaluhan niyang seminar sa Philippine General Hospital (PGH). Naka-laminate ang mga iyon sa kuwadradong kahoy. Kulang na lang ay may suot siyang estetoskopiyo at mukha na siyang relihoyosong doktor. Lumapit siya sa aking may dalang papel at kandila.

At doon ko unang naranasan ang matawas ng herbalist/albularyo gamit ang papel at kandila. Kadalasan kasi ay palangganang may tubig pinapatulo ng mga albularyo ang dala nilang kandila kapag may tinatawas sila. Wala naman siyang tinanong sa aking maski ano'ng impormasyon tungkol sa sakit ko kaya sa simula'y nagduda ako kung kaya niyang tukuyin iyon.

Nagdalawang-isip ako kung itutuloy ko iyon pero noong mga oras na iyon,  napabilib ako ni Manong Albularyo. Sinabi niya sa akin na may Urticaria ako. Pamilyar daw siya sa sakit na iyon kasi natutunan daw niya iyon noong dumalo siya sa isang seminar sa PGH. Ngunit, binanggit din niya sa aking hindi medikal ang sakit ko dahil napaglaruan daw ako ng laman-lupa.

Sinimulan niya ang pagtatawas sa akin. Sinindihan niya ang kandila at itinapat sa hawak niyang kapirasong papel. May gumuhit na larawan ng  babaeng nagdidilig at nakadungaw sa flower box sa parisukat na papel na singlaki lang ng palad ko.

Ipinaliwanag niya na hindi sinasadyang nabasa ko ang bahay ng mga laman-lupa sa baba ng flower box namin habang nagdidilig ako dahil nakatingin daw ako sa crush kong dumaan sa tapat ng bahay namin. Ayon kay Manong, natatandaan ko raw ba kung lumingon sa gawi ko ang crush ko at tiningnan ako ng masama? Siyempre, dahil mahigit isang buwan na ang sakit ko, hindi ko na gaanong matandaan ang pangyayaring iyon. Pero tama si Manong na nagdidilig ako ng mga halaman namin kasi iyon ang nakatoka sa aking gawaing-bahay noon tuwing walang pasok sa eskuwelahan.

Matapos niya akong tawasin, kumuha si Manong ng limang pirasong papel na may dasal na Latin. Inusal ni Manong ang dasal at pagkatapos ay hinipan tsaka idinikit sa noo, likod, tiyan, at mga hita ko gamit ang Agua Bendita na hiningi raw niya sa simbahan.

Ang naaalala ko pa, bago kami umuwi noon, sinabi sa akin ni Manong na sa loob ng pitong araw ay ididikit ko ang limang papel na iyon sa katawan ko. Pagkalipas ng pitong araw, sunugin ko raw ang mga iyon at ang abo ay gawing parang tsaa, ibabad sa tubig at pagkalusaw ay inumin ko raw ang kulay uling na tubig.

Desperado akong gumaling kaya ginawa ko bilin ng herbalist/albularyo. Dala siguro ng aking pananampalataya na eepekto ang rituwal na iyon, himalang gumaling naglaho ang mga pantal ko. Isang linggo bago ang iskedyul ko sa Manila Doctors para sa check-up at injection ko, hindi na ako inatakeng muli ng mga pantal. Sinuri ako ng doktor ko at  pati siya ay namangha sa resulta. Sinabi niyang wala na ang allergy ko. Obserbahan ko pa raw ng isang linggo pa. Kapag hindi na raw bumalik ang mga pantal ko, hindi ko na kailangang inumin ang mga gamot na inireseta niya sa akin.

Awa ng Diyos, totoo ngang nawala na ng tuluyan ang urticaria ko. 

Marahil ay sa taimtim na dasal  o hustong pananalig ang tunay na nakapagpagaling sa akin at hindi ang gamot na bigay ng doktor ko o ang rituwal ng herbalist/albularyo na gumamot sa akin.

Bakit ko nasabi ito? Sa tingin ko kasi, kung hindi ako nanalig na gagaling ako, kahit uminom ako ng isang bayong ng gamot o kaya'y kahit hampasin ako ng buntot pagi ng albularyo na tumingin sa akin para tanggalin ang sumpa ng laman-lupa para lang gumaling ako, hindi eepekto iyon kung wala akong tiwala sa mga taong gumamot sa akin. At lalong hindi rin eepekto iyon kung sa puso ko ay duda akong gagaling nga ako. Pero nanalig ako. Gabi-gabi akong nagdasal ng taimtim. At ayun na nga ang resulta. Gumaling ako. Nabuhay akong muli. Sa puntong ito, naramdaman kong muli ang katapusan. Katapusan ng paghihirap ko.

Sa espirituwal na aspeto. Sa buong buhay ko, ilang libong beses na akong hinamon ng kalungkutan. May mga oras pa nga na animo'y binubulungan ako ng kalungkutan na yakapin ang katapusan. Paminsan-minsan din ay nararamdaman kong parang may umaakit o tumutulak sa akin na talikuran o kaya'y ihinto ang aking pangangailangang espirituwal.

Dumadating sa punto na kinatatamaran ko ang pagdarasal at pagsisimba, o kaya'y kinukuwestiyon ko ang aking pananampalataya. Tila pilit na iwinawaksi sa nakakuyom kong mga palad ang mahigpit kong kapit sa aking taimtim na paniniwala sa Nakatataas sa atin. Animo'y hanging may kasamang polusyon at nanunuot sa ilong ko hanggang sa buo kong sistema.

Nagpapahiwatig ang ganitong pakiramdam tuwing may kinakaharap na pagsubok ang pamilya namin lalo na sa aspetong pinansiyal. Tuwing pino-problema namin kung saan halimbawa kukuha ng pambayad sa matrikula noong high school palang kami ng mga kapatid ko, umiihip ang nakakapasong hangin ng kalungkutan sa sistema ko.

Binibira ko ng sunod-sunod na tanong ang Diyos, ang mga magulang ko pati na rin ang sarili ko. Tinatanong ko noon, bakit kami mahirap? Bakit iyong mga kaklase ko, bago palagi ang damit at hindi kailangang magbigay ng promisory note tuwing may eksamen kami? Bakit kahit magtrabaho ng labindalawang oras mula Lunes hanggang Biyernes ang mga magulang ko ay kinukulang pa rin kami ng pambayad sa matrikula?

Ngunit sa simula lang naman ako inaatake ng kalungkutan. Kapag nakakaisip na kaming mag-anak ng paraan kung paano maso-solusyunan ang pambayad namin ng matrikula, nawawala ang mga batong nakadagan sa puso ko. Ang isa sa mga paraan na ginagawa namin noon ay ang  tulungan ang mga magulang ko sa pagtitinda halimbawa ng mga porselanang pigurin, banana bread o kaya'y mga tinapay na may palaman sa kanilang mga opisina para may dagdag kita  kami.

Kaya tulad nang binanggit ko kanina, kahit paulit-ulit akong inaakit ng katapusan, iniismiran ko na lang. Hindi ko pinapansin kasi naglalaho rin naman kaagad ang bumabalot sa aking kalungkutan.  At saka, hindi rin naman ako puwedeng malungkot ng matagal kasi maraming umaasa at nagmamahal sa akin.

Ang siste: May kasabihan nga na ang kamatayan o katapusan ay paulit-ulit na magpaparamdam sa buhay natin pero kapag hindi mo pa talaga oras ay mananatili kang buhay.

Kaya sa susunod na may manghula na naman tungkol sa petsa ng katapusan ng mundo, malamang ay tatakpan ko na lang ang aking mga tainga at saka kakanta ng paborito kong awitin. O kaya'y isusulat ko iyon sa aking journal para pagdating ko sa huling pahina at magkatotoo ang prediksyon, maitatala ko ang mga pangyayari sa araw na iyon bago ako lamunin ng kadiliman.

—hcp—
Biñan, Laguna, Disyembre 27, 2012

No comments:

Post a Comment

Followers