Tulad ng ipinangako ko sa sarili ko, isusulat ko ang maikling kuwentong ito sa blog ko kapag nagkaroon ako ng libreng oras.
Nangyari ito noong Disyembre 13, 2013. Halos wala pa palang isang buwan ang nakalilipas. Pagbaba ko ng MRT Taft Station, dumaan muna ako sa Metropoint Mall para mag-dinner sa KFC. Naririnig ko na kasi ang rambulan ng mga mala-sawa kong bituka sa sobrang gutom.
Pagkatapos kong bumili ng one piece chicken (breast part) original recipe with rice at Cheesecake Krusher, pumuwesto ako sa table na pang-apat na tao tutal hindi naman ganoon kadami ang taong kumakain noong araw na iyon. Katapat ko ng table ang mag-anak na binubuo ng tatlong dalaginding na marahil ay mga nasa edad 8 hanggang 12, isang batang lalake na sa tingin ko ay siyam na taong gulang, isa pang lalake na ala-Robin Padilla ang porma at mukhang 28 na ang edad, at isang may katandaang babae na tantiya ko’y lagpas 50 na ang edad. Masaya silang kumakain ng inorder nilang bucket meal. Panay ang tawanan, nagkukulitan at paminsan-minsan at nagkukuhaan ng litrato gamit ang kani-kanilang android cellphones. Sa gitna ng mesa, nakalagay doon ang nakabukas na kahon ng Goldilock’s chocolate cake roll na tumutulo na ang chocolate icing.
Inatupag ko ang pagkain ko ng manok na binuhusan ko ng paborito kong KFC gravy. Pero panaka-naka’y sinisulyapan ko sila. Natutuwa kasi ako dahil kahit kung tutuusin ay simple lang ang handa nila, pakiramdam ko ay napaka-espesyal pa rin ng okasyon na ipinagdiriwang nila.
Dahil ugali ko na rin ang makinig sa usapan ng iba kapag trip ko lang, nalaman ko na ang lalake ang kuya ng mga dalaginding at iyung may edad na babae ay Tiya nila.
Siyempre, para patuloy ko silang pagmasdan (at pakinggan ang pinag-uusapan nila), binagalan ko ang pagnguya. Tipong 20 beses ko yatang nginunguya ang manok sa bibig ko hanggang sa mawalan na halos ng lasa. Bawat pagnguya, narinig ko na humingi ang Kuya nila ng kutsilyo sa crew ng KFC para hiwain ang cake. Sabi ng crew, bawal daw na ipahiram ang kutsilyo nila kaya minungkahi niya na sila na ang maghihiwa ng cake para sa mag-anak. Ipagpapaalam lang daw muna niya sa manager nila. Pumayag naman sila Kuya at hinintay na balikan sila ng crew.
Habang wala pa ang crew, inutusan ni Kuya ang isa sa mga kapatid niya na kuhaan sila ng group picture tapos magsasalitan sila ng isa pang dalaginding na kapatid para magkaroon din ng litrato ang unang inutusan. Hindi pa ako nakuntento, mas lalo ko pang pinakinggan ang usapan nila. Buti na lang at hindi nila ako nabubuking kaya hindi nila ako pinapansin o sinisita.
Tulad ng nasa kasabihan, “Curiosity kills the cat.” Pero sa kaso ko, iba. Hindi naman ako namatay o napahamak.
Sabi ni Kuya sa kapatid niya na kukuha ng litrato, “Ging, galingan mo ang pagkuha ng litrato. Gumitna ka ng konti para kita pati ang nakasulat sa cake.”
Sabi ni Ging, “Okay po. Wait lang.”
Si Kuya ulit, “Ayusin mo ang pokus ng camera. Dapat mabasa ang nakasulat sa cake para matuwa si Bunso.”
Dumating ang crew para sabihing ginagamit pa ang kutsilyo nila sa kitchen kaya nanghingi na lang si Kuya ng plastik na kutsilyo para mahiwa ang cake. Pumayag naman ang crew at nangakong babalik agad.
Wala pang limang minuto, bumalik nga ang crew at binigyan sila ng plastik na kutsilyo. Pero bago hiniwa ni Kuya ang cake, sinabihan niya ulit ang kapatid, “Ging, group picture muna ulit bago hiwain ang cake. Iyung mababasa ang nakasulat ha?”
Sabi ni Ging, “Sige, Kuya!”
Na-curious ako sa cake. Bakit nga ba mahalaga na mabasa ang nakasulat doon? Ayun, binasa ko. Ang nakasulat sa cake, “Happy 1st Birthday, Bunso! –From Kuya and Family.” Pinagmasdan ko ulit ang mag-anak. Hinanap ko sa kanila kung mayroong isang taong gulang na bata silang kasama sa kanilang table. Kaso, wala naman. Tulad nang binanggit ko, ang pinakabata sa kanila ay walong taong gulang.
Sa puntong iyon, parang naging batong gumugulong sa lalamunan ko ang Cheesecake Krusher na iniinom ko. Nasabi ko sa sarili ko, “Pucha, parang alam ko na ang ibig sabihin nito a.”
Pinakinggan ko ulit ang magkakapatid na nagkukulitan. Sabi ng isa sa mga dalaginding, “Ging, dapat mabasa rin ang kabilang side ng cake.”
Sumabat ang Kuya nila at sinabi “Oo nga, Ging. Para matuwa rin si Nanay kapag nabasa niya.”
Sabay nagtawanan ang magkakapatid. Iyung tawang malungkot. Halakhak na hindi umaabot sa mga mata. Buhay na buhay, matunog, pero hindi umaapaw ang galak. Parang kalahating baso ng tubig.
Sa huling lagok ko ng iniinom kong Cheescake Krusher, nalasahan ko ang tamis at pait ng eksenang nakahain sa harap ko. Tumayo ako tutal tapos na akong kumain at uminom. Nagsimula na ring uminit ang mga mata ko. Konti na lang at alam kong magtutubig na at aagos sa mga pisngi ko ang maalat kong luha. Kaya bago pa ako mapansin ng mag-anak, minabuti ko na lang na tumakas agad.
“Tita, dikit ka kay Janina para kita ka sa picture,” sinabi ni Ging sa matandang babae na nakaupo sa pinakasulok katabi nang tinutukoy niyang si Janina.
Clik! Clik! Clik! Parang walang katapusang pagkuha ng mga larawan. Tila musika sa pandinig ko.
Tumayo na ako. Patuloy pa rin sa kanya-kanyang pagkuha ng litrato sa cake gamit ang kani-kanilang mga cellphone ang magkakapatid habang tahimik lang at kiming nakangiti sa kanila ang tiyahin. Naglakad na ako palayo sa mag-anak, palabas ng KFC, na tila may mainit na palad na pumipisil sa puso ko. Pero mabigat ang mga hakbang ko kasi hindi na naman ako mapakali sa matinding kuryosidad. Tiyahin naman pala kasi ang kasama ng magkakapatid at hindi ang kanilang nanay.
Isang hibla palang ang layo ko sa mag-anak, muli akong lumingon at pasikretong binasa ang nakasulat sa kabilang bahagi ng cake. Suot ko ang aking antipara kaya malinaw kong nabasa kung ano ang nakasulat sa cake.
“Happy 1st Death Anniversary, Nanay! –From your children.”
Binilisan ko ang paghakbang palayo sa KFC.
Buti na lang pala, suot ko ang aking antipara.