Taong 2004 ako unang nakarating ng Sagada, Mt. Province. Noong mga panahong iyon, sabik ako sa ganoong klase ng adventure trip kasi iyon ang mga panahon na hindi ko na kailangang humingi sa mga magulang ko ng panggastos kasi kumikita na ako ng pera mula sa trabaho ko.
Masaya ako noon kasi nag-do-it-yourself trip lang kami ng mga kaibigan ko. Nakarating kami ng Bokong Falls, Church of St. Mary the Virgin, Sagada General Hospital, Echo Valley, Hanging Coffins, Calvary Hills at nakapag-spelunking sa Sumaging Cave! Kumain din kami ng pagkasarap-sarap na Banana Split with yoghurt sa Yoghurt House. Dumaan din kami ng Bontoc Museum bago kami umuwi ng Maynila. Kahit sarado ang museum noon dahil Linggo, nakumbinsi namin 'yung curator na papasukin kami at i-tour sa museum. Naawa kasi siya sa amin kaya pumayag. :D
Kaya hindi na nakapagtatakang na-inlove sa Sagada! :D
Ngunit, bagama't gandang-ganda ako sa Sagada at halos ayoko ng umuwi dahil gusto ko ng tumira roon, naalala ko rin na medyo lampa at may kaartehan akong taglay noong pumunta kami roon. Kaya ang karanasan ko ay pinaghalong saya at inis. Hindi ko eksaktong alam kung bakit pero nabigla yata ang buong sistema ko kaya ambilis ko noong mairita sa putik, damo, at pagod. Naroon din na madalas akong madulas, mahuli sa paglalakad at nasalubsob pa ang daliri ko sa paa. Pinilit kong tanggalin ang manipis na kahoy na sing-haba ng takip ng bolpen mula sa hinlalaki kong daliri sa paa kaya dumugo iyon at bumuka ng bahagya ang laman. Hindi tuloy ako nakasama sa mga kaibigan ko na umakyat sa Mt. Ampacao sa sakit ng daliri ko at sa takot na ma-impeksiyon ang sugat ko.
Naisip ko na kaya siguro ako nagkaganoon ay dahil nasanay na ang katawan ko noon sa magulong buhay sa Metro Manila at nagulat sa adventure ang katawan ko. :D
Sa kabuuan at sa kabila ng mga kaeng-enganmoments ko, nag-enjoy ako ng husto ng mga kaibigan ko sa aming adventure trip sa Sagada.
Pero, eto ang malupit, kung kelan naman bumiyahe ako ng pagkalayo-layo at nakabalik ng buo sa Metro Manila e tsaka naman may nangyaring di kanais-nais sa akin. Matapos kaming bumiyahe ng mahigit labindalawang oras mula Sagada pabalik ng Cubao, Quezon City kung saan ang terminal ng Victory Liner Bus na sinakyan namin, dumiretso ako ng Cubao Farmers para sumakay ng bus pauwi ng bahay namin sa Laguna.
At leche, naholdap ako. Natatandaan ko na dumating ako Cubao Farmers ng 4:30 a.m. Pagkakita ko sa ordinary bus ng Cign Transport, sumakay kaagad ako kasi alam kong matagal pa bago dumating ang ibang bus na bumabiyahe papuntang Laguna. Ayoko pa sanang sumakay roon pero gusto ko na kasi talagang umuwi.
Kauupo ko palang noon. Matapos kong ibaba ang aking powder blue backpack sa sahig, naramdaman kong may malaking mama na tumayo sa gilid. Tumingala ako at nakita ko 'yung amoy alak na lalaki na mahigit kuwarenta anyos siguro ang edad. Naka-maong jacket siya at bull cap. Moreno ang balat at matipuno ang katawan at mukhang mamamatay-tao ang hilatsa ng mukha.
Hinding-hindi ko makakalimutan kung papaanong humalik sa noo ko ang butas ng baril na itinutok sa akin ng holdaper at kung papaano niyang pilit na kinukuha ang backpack ko. Imbes na matakot, nag-init ang ulo ko sa ginawa ng holdaper. Hindi ko inalintana kung iputok man niya ang baril o ano. Basta naramdaman ko na lang na sumulak ang dugo ko sa galit kaya sinigawan ko 'yung holdaper at sinabi kong, "Bakit mo kinukuha ang buong backpack ko?? Cellphone ko lang naman ang habol ninyo a?!"
Naisip ko talaga noong mga oras na iyon, "Mga walanghiya! Pagod na pagod ako sa biyahe tapos hoholdapin ninyo ako?!"
Kaya ko nga pala sinabing "ninyo" e dahil nakita kong anim silang magkakasabwat na nasa loob ng bus. Limang lalaki ang tumayo noong sinisimulan na akong holdapin ng amoy tsikong mama. So, bale pang-anim iyong hinayupak na holdaper. At hindi ko maipaliwanag ang tapang ko noong mga oras na iyon.
Ginaya ko si Robin Padilla at tinabig ko ang baril na itinutok ng holdaper sa noo ko. At sinigawan ko pa ulit siya at sinabing, "Sige! Iputok mo! Bakit di mo pa pinuputok?! Sige lang!" Alam kong nagulat ang mga holdaper sa paninigaw ko sa kanila. Sasamantalahin ko sana 'yun para kunin ang flashlight kong gawa sa metal at sing-haba ng ruler sa loob ng isa ko pang bag para pukpukin 'yung holdaper. Natunugan yata ng takot na takot kong katabing lalaki ang balak kong gawin kaya sinabi niya sa akin, "Utang na loob 'ne. Ibigay mo na ang hinihingi nila at huwag ka nang lumaban."
Sumunod din naman ako sa payo ng katabi ko kaya dinukot ko na lang sa bag ko ang second hand kong cellphone at padabog na inabot sa holdaper. Nagulat ulit 'yung holdaper sa kamalditahan ko. Dahil nagmamadali sila ng mga kasamahan niya, wala siyang nagawa kundi ang bitawan ang backpack ko at bumaba ng bus bago pa sila matiktikan ng mga pulis sa EDSA pero para naman may mapala sila sa akin, hinablot na lang niya ang maliit kong sling bag na nakasabit sa leeg ko. Buti na lang at napigtal ang tali ng sling bag or else, baka nasugatan pa ang leeg ko o masakal ako. At buti na rin lang, Php250.00 lang ang laman ng sling bag.
Ligtas ang ibang mga pasahero, buhay pa ako hanggang ngayon, naligtas din ang backpack ko maging ang digital camera ng tatay ko at ang isa ko pang wallet kung saan nakatago ang mga ID at iba ko pang mga pera. In short, nakauwi ako ng Laguna na walang gasgas, tama ng bala o anumang sugat.
Hindi ko na tinandaan kung ano ang sinabi ng katabi ko sa bus matapos siyang ma-shock sa pangyayari. Basta ang natatandaan ko lang, pagdating ko sa bahay namin ay mayabang kong ikinuwento sa tatay ko kung paano ko tinaboy 'yung mga holdaper a la Robin Padilla. Nagalit siyempre ang tatay ko at sinermunan ako mula ulo hanggang paa. Doon ako umiyak sa sermon ng tatay ko at hindi sa panunutok ng baril sa akin ng holdaper.
Hindi ako natakot sa mga holdaper. Ni hindi ako umiyak. At lalong hindi ako natakot sa mga posibleng nangyari sa akin noong araw na iyon. Pero napaiyak ako sa sermon ng Tatay ko. Humagulgol talaga ako noon na parang inaaping paslit kasi feeling ko noon, pagod na pagod na nga ako sa biyahe at naholdap pa ako tapos sabay sinermunan pa niya ako. Sa isip-isip ko, that's unfair! Hindi man lang sila naawa sa akin. Ha-ha-ha! Natauhan din siyempre ako sa kagagahan ko kaya tumigil ako sa pag-iyak at niyapos ang mga magulang ko. Alam ko namang nag-alala lang talaga ng husto sa akin 'yung tatay ko kaya ganoon na lang ang panenermon niya.
Kaya nitong Enero 2012, nagpapasalamat ako at naging mas maganda ang experience ko sa muling pagbabalik ko sa Sagada kasama ang Ate ko at ang mga opismeyt ko. Hindi na ako lampa at nakapag-side trip pa kami sa Banaue at nagpa-picture sa Banaue Rice Terraces. Hindi ulit ako nakaakyat sa Mt. Ampacao, pero ayos lang. Marami pa namang ibang pagkakataon. Ang mahalaga, hindi ako naholdap pauwi kasi sinundo kami ng tatay ko. :D
Sana makabalik ulit ako ng Sagada. Gusto ko ulit maranasan ang mag-spelunking sa Sumaging Cave at maligo sa Bumod-ok Falls, magpa-picture sa Lake Danum, umakyat sa Mt. Ampacao at kung saan-saan pa pwedeng makarating. Gusto ko ring malanghap muli ang sariwang hangin at amoy ng Pine Trees pati ng iba't ibang mga puno sa lugar na 'yun. Gusto ko ring humigop ng Mountain Tea at kumain ulit sa Salt & Pepper Diner at Yoghurt House. Gusto kong tumira sa Sagada! Waah! Gusto kong bumalik doon!
Kapag nagkaroon ulit ako ng tsansa na bumalik doon, promise, isasama ko na ang buong pamilya ko para maranasan naman nila ang mga naranasan ko roon at makita ang buong kagandahan ng Sagada.
Pahabol: Eto ang ilan sa mga larawan na kinunan ko sa Banaue at Sagada nitong Enero 2012. Eto ang mga tanawing naging dahilan kung bakit ako naadik sa lugar na iyon. :) May Part 2 pa ang kuwento ko tungkol sa 2nd trip ko sa Sagada. Iyon ay kung sisipagin ulit akong magsulat. :D
No comments:
Post a Comment