Tuesday, June 12, 2012

Ang Tatay kong Kalbo...pero pogi pa rin


Manipis na ang buhok sa tuktok ng ulo ng tatay ko.  Katunayan, may airport landing na siya sa ulo kaya mukha na siyang prayle. Mataas na rin ang kanyang hairline kaya halata na ang malapad at makintab niyang noo. Malaki na rin ang kanyang tiyan na parang kay Santa Claus. At higit sa lahat, mabagal na ring kumilos ang Tatay ko. Hindi tulad noon na isinasama niya pa kaming umakyat tuwing Sabado sa maliliit na bundok sa Benguet noong nakatira pa kami roon.

Ngayong senior citizen na siya, marami na rin siyang nararamdaman. Nariyan
na makirot na raw ang kanyang mga inuugat na kamay, nanghihina na ang kanyang mga tuhod at nananakit na ang kanyang balakang kapag yumuyukod. Paminsan-minsan din, parang see-saw  na rin ang kanyang blood pressure kaya may maintenance na siyang gamot para hindi siya gaanong atakihin ng high blood.
Pero kahit marami nang nararamdaman ang Tatay ko at nakakalbo na rin siya, hindi pa rin nababawasan ang talas ng kanyang pag-iisip, tatag ng kanyang prinsipyo at husay sa pag-handle ng tao.  Mataas din ang respeto at paghanga sa kanya ng kanyang subordinates at maging ng kanyang boss. Tinitingala rin siya ng kanyang mga kaibigan at kababayan dahil sa mga narating niya sa buhay nang walang tinatapakang ibang tao.

Bagama't hindi kami mayaman, taas-noo kong ipinagmamalaki na anak ako ng Tatay ko. Para sa akin, daig ko pa ang mga bilyonaryo kasi mapalad ako at nagkaroon ako ng ama na mapagmahal, mabait, responsable, malambing, maprinsipyo, matalino at higit sa lahat matatag ang paniniwala sa Poong Maykapal.

Tungkol sa tatag ng prinsipyo, naalala ko, maski noong nasa elementarya palang ako, madalas niyang idikdik sa utak namin na masamang tumanggap ng pera mula sa ibang tao nang hindi namin pinagpaguran o kung iyon ang nanggaling sa masama. Hindi raw namin kailangang mamalimos. Magbanat daw kami ng buto kung kinakailangan para kumita at huwag mamihasang umasa sa ibang tao kung kaya rin lang namin.
Bihirang mamalo si Tatay. Mabibilang yata sa isang kamay ang mga panahon na napalo niya kami. Pero may isang insidenteng hinding-hindi ko makakalimutan kung saan pinalo niya kaming magkakapatid dahil may isang kaopisina si Tatay na binigyan kami ng pera bilang Pamasko. Akala ng Tatay ko ay nanghingi kami sa kaopisina niyang iyon ng pera kaya pinalo niya kami. Sinermunan niya rin mula ulo hanggang paa kasi hindi na raw namin siya binigyan ng kahihiyan. Hindi naman daw kami pulubi para mamalimos sa ibang tao.  Masama ang loob ko noon kasi hindi ko maintindihan kung bakit pumutok ang butse ni Tatay dahil lang doon. Masakit yatang mapalo ng sinturon nang hindi napaghandaan. He-he-he. :D

Pero noong sumapit na ako sa hustong edad, tsaka ko lang naunawaan ang reaksiyon ng Tatay ko. Ayaw niyang sa murang edad ay mamihasa kaming manghingi ng pera sa ibang tao. Ayaw rin niyang lumaki kaming palaasa sa kapwa at iyung walang kinikilalang prinsipyo para lang makamit ang gusto namin sa buhay.

Malambing din ang Tatay ko. Hanggang ngayon kung kaya rin lang niya, pag nilambing namin siyang sunduin kami halimbawa sa boarding house ng Ate ko, kahit pagod siya sa trabaho, susunduin niya kami tapos sabay-sabay kaming uuwi. Minsan pa nga, pag may lakad si Tatay, nag-uuwi pa siya sa amin ng mga pasalubong kahit nasa 30s na ang mga edad naming magkakapatid. :)

At kahit pareho na silang senior citizen ng Nanay ko, nakikita ko pa rin kung paano'ng silang maglambingan. Pag may okasyon nga tulad ng kanilang wedding anniversary o di kaya'y birthday ni Nanay, nireregaluhan pa rin siya ng mga bulaklak ni Tatay o di kaya'y dine-date at sinasamang manood ng sine kahit hindi masyadong gusto ni Nanay ang pelikula.

Eto yata ang dahilan kung bakit ayokong magpadalos-dalos sa pag-aasawa e. Wala pa kasi akong nakikilalang lalaki na kasing-bait, kasing-responsable at kasing-lambing ng Tatay ko.

Cool din ang Tatay ko. Bilang bunso, malapit ako sa Tatay ko. I'm the typical Daddy's girl. Minsan nga, nagba-bonding kaming mag-ama. Nanonood kami ng pelikula ni Vilma Santos, Vic Sotto, John Lloyd Cruz o di kaya'y action movies. Sabay pa nga kaming umiiyak kapag drama ang pelikulang pinapanood namin e. :D

Marami na rin silang pinagdaanang unos at pagsubok ni Nanay, pero dahil mahal nila ang isa't isa at gumagawa sila ng paraan para ayusin ang gusot sa pagitan nilang mag-asawa,  nanatiling buo ang pamilya namin.

Andami nilang isinakripisyo at pinagdaanang hirap ng Nanay ko para lang maitaguyod kaming magkakapatid. Nariyang  naisisingit nilang magtinda ng Nanay ko ng sandwich o pigurin sa mga ka-opisina nila kahit marami silang ginagawa sa opisina. Hindi nila ikinakahiya 'yun kahit may mataas silang posisyon sa kumpanyang pinagta-trabahuhan nila. Ilang beses na rin silang nakapagsanla ng ilang alahas para lang may pambayad kami ng tuition fee lalo na noong nasa kolehiyo na kaming magkakapatid. May mga pagkakataon din na bukod sa kanyang permanenteng trabaho, nagko-conduct din ang Tatay ko ng workshop at lectures para lang may dagdag siyang kita para pantustos sa pag-aaral namin at sa mga araw-araw na gastusin sa bahay.

Halos wala rin siyang kapaguran sa pagta-trabaho. Madalas nga, pati pagtulog ay naisasakripisyo ni Tatay para lang kumita ng ekstra o di kaya'y masiguradong hindi papalpak ang kanyang trabaho sa opisina. Kaya siguro kahit may mga oras na numinipis ang kanyang pasensiya kapag pumapalpak ang mga tao niya sa opisina, naiintindihan siya ng mga ito dahil para rin sa kapakanan nila at ng kumpanya ang iniisip ni Tatay.

May mga oras tuloy na nag-aalala ako para sa kalusugan ng Tatay ko kasi nga workaholic siya. Ngayong matatanda na kaming mga anak niya, gusto sana naming magpahinga na lang siya sa bahay at makipaglaro sa kanyang mga apo. Kaya lang, mas manghihina raw siya kapag hindi namin siya pinayagang magtrabaho. Kunsabagay, totoo rin naman. Nanatiling matalas ang utak ng Tatay ko dahil active pa siya sa kanyang trabaho.

Malaki rin ang puso ng Tatay ko para sa mga taong nangangailangan ng tulong. Sa kanyang sariling pamamaraan, malaki man o maliit 'yun, kapag nilapitan siya ng kanyang mga kaibigan o kamaganak, tinutulungan niya. Kahit walang kapalit, basta nangailangan ng tulong, hindi niya tinatalikuran. Kapag may nagpapahanap ng trabaho, hindi siya nagdadamot sa rekomendasyon. Naniniwala siyang ang pinakamagandang maitutulong mo sa nangangailangan ay ang pagbibigay dito o ang pagtulong dito para makahanap ng trabaho.

Idol ko talaga ang Tatay ko. Kaya nahihiya ako sa kanya kapag may mga panahong binibigyan ko siya ng sama ng loob.

Ngayong darating na Father's Day, plano kong i-treat ng dinner at sine ang Tatay ko. At kung swak pa sa budget, isasama ko na rin ang buong pamilya namin. Sa ganito man lang na kasimpleng paraan sana mapasaya ko siya at maparating ang taos-puso kong pasasalamat.

Kung wala ka Tatay, wala kaming mga anak mo ngayon. Mahal na mahal ka namin! :D


Photo credit: http://www.zazzle.com/fathers_day_cartoon_ice_cream_cones_greeting_card-137761487689601232

No comments:

Post a Comment

Followers