Wednesday, June 20, 2012

Binatog


Dalawang taon na akong hindi nakakakain ng binatog. Kasing tagal ng panahon na wala akong karelasyon.

Ang binatog nga pala 'yung mga butil ng mais Tagalog (puting mais) na bahagyang dinurog matapos ilaga para lumapot tsaka binudburan ng niyog at tinaktakan ng asin. :) Hmmm! Tsalap! 

Tuwing nakaririnig ako ng kleng-kleng, naiisip ko kaagad iyung Manong na nagba-bike at may dalang asul na timba na katamtaman ang laki tapos ang laman ng dala niyang timba ay 'yung malapot, maputi, mabango at manamis-namis na maalat-alat na BINATOG. Yummy!

Hindi na mabilang sa daliri ng mga paa at kamay ko ang daming beses na inasam-asam kong bumili ng binatog. Kada naririnig ko ang kleng-kleng mula sa kutsarang pinupukpok ni Manong sa maliit na batingaw na nakasabit sa kanyang bike ay tila musika sa aking pandinig. Nariyang napapatayo ako sa pagkakaupo o pagkakahiga sabay takbo palabas ng pintuan ng bahay para lang habulin si Manong, o di kaya'y agad akong sumisilip sa bintana para makita kung talagang 'yung nagtitinda ng binatog ang parating, at madalas, sumisigaw talaga ako mula sa gate namin para tawagin ang Manong na tila yata mahina ang pandinig. Ni hindi man lang lumingon kahit labas-litid na ang lakas ng sigaw ko.

Pero, sa ilang insidente ng pag-aabang ko para makabili ng binatog ay palagi akong bigo. Sadya nga lang yatang hindi sinusuwerte o nakakatiyempong bumili ng pinakaaasam-asam kong merienda. Basta sa mahirap ipaliwanag na dahilan, hindi ako nakakabili. Wala namang kongkreto o mahiwagang dahilan. Basta lumalampas lang talaga sa aking mga palad ang mga pagkakataon na bilhin ang paborito kong binatog.

Katulad lang 'yan ng pagkakaroon ng boyfriend. Wala lang talagang pagkakataon o oportunidad na magkaroong muli ng panibagong boyfriend at talagang tinatamad akong makipag-date kaya ayun, wala akong boyfriend (Magulo ba? He-he.). At pag walang ka-date, siyempre, paano magkaka-boyfriend? At pag wala kang karelasyon, siyempre, paano makakapagplanong mag-asawa? Ganoon lang kasimple ang paliwanag doon.

At ganito rin ang lohika ng pagkabigo kong makabili ng binatog. Hindi ko mahabol 'yung Manong na nagtitinda. Hindi ko rin madalas naaabutan ang kanyang pagdating. Wala rin namang dumadaang nagtitinda sa aming opisina. I therefore conclude na wala talaga akong mabibili. :-P

Pero noong nakaraang Sabado, narinig kong muli ang kleng-kleng. Tila isang malamyos na musika sa aking pandinig at nagsasabing nariyan na si Manong, may dalang binatog, inaakit akong bumili. Patakbo akong lumabas ng bahay, binuksan ang gate, sabay tawag sa Manong na naka-bike at may dalang asul na timba katulad ng timba na iginuhit ko sa aking imahinasyon, "Saglit lang po, Manong! Pabili ng binatog!"

"Damihan n'yo rin po ang niyog at taktakan pa ng asin."

Sarap!

No comments:

Post a Comment

Followers