Friday, June 29, 2012

Babaeng Torpedo


Photo credit: http://simplybroken.tumblr.com
Aaminin ko, isa akong torpedo. At oo, babae po ako.

Hindi ko kayang tumingin ng diresto sa mga mata ng bago kong crush. At sa edad kong ito, kahit naka-ilang karelasyon na ako, marunong pa rin akong mag-blush. Nag-iinit ang mga pisngi ko kapag nginingitian ako ng crush ko na noong nagsabog yata ng kaguwapuhan at sex appeal ang Diyos, isang drum ang sinalo niya. Tinatamaan ako ng matinding hiya sabay umiiwas ng tingin tuwing nagkakasabay kami sa dyip at di sinasadyang napapatingin siya sa gawi ko.

Eto pa ang malupet, alam ng mga kakilala ko kung gaano ako kadaldal, pero kapag kaharap ko na ang crush ko, bigla akong nananahimik. Mistulang may dumaan na anghel sa sistema ko at hindi ko makuhang magsalita maski isang kataga. Sinusubukan ko naman siyang suklian ng ngiti, pero nagagawa ko lang 'yun kapag sa ibang direksiyon siya nakatingin.

Hindi ako mahinhin, pero para akong sinasaniban ni Maria Clara kapag nasa paligid si crush.  Umaayos ang pagkakaupo ko sa dyip (Oo, madalas ko siyang nakakasabay sa sinasakyan kong dyip lalo na tuwing Huwebes. He-he-he!), iyung tipong dikit na dikit ang mga hita ko sa isa't isa kahit gustong-gusto kong bumukaka sa pagkakaupo dahil naka-pantalon naman ako. Bigla rin akong napapadukot ng panyo sa bag ko para takpan ang bibig ko. Baka kasi mapanganga ako mula sa pagkakatingin sa kanya. Siguradong nakakahiya kapag napasukan ang bibig ko ng umaaligid na langaw.

Higit sa lahat, marami akong gustong itanong sa crush ko, pero kinikimkim ko na lang. Maski ang pangalan niya ay hindi ko magawang itanong. Tinatamaan kasi talaga ako ng katorpehan.

May mga kaibigan akong madalas akong udyukan na ako na raw ang unang makipag-usap sa crush ko.  Kapag nakasabay ko raw siya ulit  sa dyip, lakasan ko na raw ang loob ko at subukang tanungin o batiin man lang ng "Hi!" "Hello!"

Pero, hindi ko talaga kaya. Natatakot akong mapahiya. Baka kapag binati ko siya, e isnabin pa ako. Wala raw basehan ang takot ko, sabi ng mga hitad kong kaibigan. Masyado ko raw pinangungunahan ang mga pangyayari. Sa puntong ito, ang hirap maging babae sa Pilipinas, sa totoo lang.  Siguro kailangan ko munang uminom ng Gin bago ko simulan ang hindi ko talaga nakasanayang gawin.

Meron din naman akong kaibigan na nagsasabing, hindi ko kailangang gawin iyon. Sabi nga niya, "If you're torpe, you're excused. Babae ka naman e. Lalaki dapat ang maunang lumapit sa babae and not the other way around." 

Naiintindihan ko ang pinanggagalingan ng komentong ito ng kaibigan ko. Bagama't masyadong makaluma ang kanyang paniniwala, marami sigurong sasang-ayon sa kanya. Hindi pa kasi gaanong uso sa Pilipinas na babae ang unang gumagawa ng hakbang para makipaglapit sa lalake.

Sa isang banda, naisip ko rin, papaano kung ang lumalapit sa'yong lalake e hindi mo naman gusto? Nakakairita, di ba? Paano kung hindi ka pinapansin ng taong gustong-gusto mong maging boyfriend? Hanggang kailan ka maghihintay na lapitan ka ng tinatangi mo? Talaga nga bang nakakahiya kapag ikaw ang unang gumawa ng hakbang? Ano ang pakiramdam kapag ikaw ang unang nagtapat na may gusto ka sa isang lalake?

Sa totoo lang, eight years ago, nasubukan ko ng gumawa ng unang hakbang para makipaglapit sa dati kong crush na dentista. Pinadalhan ko siya ng isang kahon ng pulvoron at nag-iwan ako roon ng note kung saan niyaya ko siyang mag-kape. Kaya  lang, dahil tinamaan ako ng hiya kasi first time kong gawin iyon, pinaabot ko lang sa mensahero ng opisina namin 'yung kahon ng pulvoron at sulat na ginawa ko para sa tinatangi kong dentista. Hindi ko magawang ibigay sa kanya 'yun ng personal kasi hindi ko mapanindigan ang pinaka-agresibong hakbang na nagawa ko sa tanang buhay ko.

Noong nalaman ko sa mensahero namin na tuwang-tuwa si crush sa natanggap niyang mumunting regalo at note mula sa akin, kinilig ako ng todo at hanggang batok ang ngiti ko. Pero, nagpasya akong HINDI MAGPAKITA NG TATLONG BUWAN SA KANYA. Kashungahan lang di ba??

Ang dahilan? Inatake ako ng nerbiyos at sobrang katorpehan.

Natatandaan ko pa noon na natakot ako sa magiging resulta ng ginawa kong "kagagahan" kasi iniisip ko na baka na-turn off siya sa akin. Tumakbo ng milya-milya ang mga naisip kong posibleng reaksiyon niya sa ginawa ko. Inisip kong baka ayaw niya sa babaeng agresibo, o baka hindi masarap 'yung pinadala kong pulvoron, o di kaya'y baka pinagtatawanan ako ng mga kasamahan niya sa dental clinic kasi masyadong malakas ang loob kong gawin iyon. Ilang linggo rin akong hindi nakatulog ng maayos kasi pakiramdam ko'y wala na akong mukhang ihaharap sa kanya dahil sa ginawa ko.

Dahil sa mga ganitong bagay na lumaro sa isipan ko, ayun, huli na ang lahat. Hindi ko na siya nakikita ngayon. Nabalitaan ko na lang na sabay kaming nag-resign sa trabaho noong taong 2006 dahil nagtayo raw ito ng sariling dental clinic. Malamang may asawa na siya o girlfriend ngayon, o baka nasa malayong lugar na siya. Hindi ko na rin masasagot ang mga katanungan sa isipan ko. Pakiramdam ko'y dadalhin ko ang mga katanungang iyon hanggang sa kabilang buhay.

At hanggang ngayon, torpe pa rin ako. Malala na ito. Hanggang tingin na lang ako sa bago kong crush. Buti na lang, malayo pa naman ito sa sintomas ng pag-ibig.

Kung kelan ako magkakaroong muli ng lakas ng loob na tanungin man lang ang pangalan ng bago kong crush, panahon na lang siguro ang makapagsasabi. Sa ngayon, tama na sa akin ang masilayan ang kanyang kaguwapuhan at kuntento na rin akong tapunan siya ng sinserong ngiti. :-D

No comments:

Post a Comment

Followers