Monday, July 23, 2012

Alamat ng Bantakay Falls: Unedited Version (imbento ko lang. hehe)


Photo credit: http://www.pinoymountaineer.com/2009/07/mt-pinagbanderahan-bantakay-falls-and.html
Noong unang panahon, tinamaan ng matinding tagtuyot ang bayan ng Atimonan, Quezon.Ilang buwang hindi pumatak ang ulan at lubhang matindi ang sikat ng araw. Katunayan, maaari nang magprito ng itlog sa batuhan sa tindi ng alinsangan ng paligid.

Dahil doo'y nagsimulang magbitak-bitak ang lupa, natuyo ang mga ilog at umurong ang dagat, at nangamatay ang mga pananim maging ang mga hayop na naninirahan doon. Apektado rin ang pangkabuhayan ng mga taga-Atimonan sapagkat  kinakailangan na nilang umangkat ng gulay o palay sa kabilang bayan upang may maitinda sa palengke lalo't nasira ang kanilang mga pananim.

Ang dati'y luntiang bundok naman ay unti-unting naging kulay lupa sa pagkatuyot  dahil ang mga puno at ligaw na bulaklak na nakatanim doo'y unti-unti na ring nalagas ang mga dahon. Ang mga ibon at ibang mga hayop na dati'y malayang naninirahan sa  kagubatan ay nagsilikas sa ibang lugar.

Kapansin-pansin din ang katahimikan ng paligid dahil bihira nang lumabas ang mamamayan ng Atimonan sa init ng panahon. Tanging pagaspas ng pakpak ng mga ibong lumilipad patungong ibang bayan at mga natapakang tuyong dahon lamang ang maririnig sa paligid sapagkat maging ang hanging amihan ay tila nahiyang dumalaw sa Atimonan.

Saksi si Anitong Tabo, ang Bathala ng ulan, sa malungkot na kalagayan ng Atimonan. Ngunit, wala rin siyang ginagawang hakbang upang tulungan ang mga ito sapagkat malaki ang galit niya kay Bantakay, ang binatang pinuno ng mga taga-Atimonan. Kilala si Bantakay hindi lang sa Atimonan kundi maging sa ibang bayan ng Quezon dahil sa angking katapangan nito at sa husay sa pangangangaso. Tanging ang pinakamamahal nitong kasintahan na si Talona, na kabilang sa mga babaylan, ang nakapagpapalambot ng puso nito.

Nalaman ni Anitong Tabo na pinatay ni Bantakay ang alaga niyang usa nang minsang mangaso ito sa paborito niyang bundok. Dahil doon ay nagalit siya rito kung kaya't buong bayan ng pinamumunuan nito ang nakatikim ng kanyang poot.

Lubhang nabahala ang mga babaylan, na ikalawa sa pinakamakapangyarihang mamamayan ng Atimonan, sa sinapit ng kanilang bayan. Umakyat sila sa paboritong bundok ni Anitong Tabo at doo'y sinubukang tawagin ang Bathala.

"Mahal na Anitong Tabo, tulungan n'yo kami. Nawa'y bigyan mo kami ng biyaya ng tubig upang mabuhay muli ang aming mga pananim at bumalik sa karagatan ang mga isda at sa mga kabundukan naman ang mga nagsilikas na hayop. Nakikiusap kami na sana ay dinggin ninyo ang aming panalangin!"

Ilang sandali pa'y dumagundong sa paligid ang boses ng Bathala ng ulan. Galit na sinabi nito ang dahilan kung bakit pinarurusahan niya ang bayan ng Atimonan. Sinabi rin nito na tanging ang dugo ni Bantakay lamang ang magpapawala ng kanyang galit.

Nabahala si Talona para sa kasintahan. Tahimik na humiwalay siya sa kanyang mga kapwa babaylan upang bigyang babala si Bantakay na nakasalubong niya habang pababa siya sa bundok. Agad niyang sinabi rito ang hinihinging kapalit ni Anitong Tabo upang manumbalik ang ulan sa kanilang bayan.

Binalewala ni Bantakay ang babala ni Talona. Gayunpaman, para matahimik ang kasintahan, nagpasya siyang kausapin ang mga babaylan.

Ngunit, bago pa nangyari iyon, nakasalubong nila ang mga babaylan. Ang iba'y may hawak na sulo at ang iba naman ay may mga hawak na buslo at pana. Hinabol nila si Bantakay at Talona.

Doon lang nakaramdam ng kaunting kaba si Bantakay. Maaari niyang harapin ang mga babaylan ngunit, baka madamay sa gulo ang kasintahan kaya hinawakan niya ang kamay nito at sabay silang tumakbo palayo. Tinugis sila ng mga ito.

Walang patumanggang tumakbo ang magkasintahan hanggang sa mapadpad sila sa bangin. Nahabol sila ng mga tumutugis na babaylan. Hinarang ni Bantakay ang matipunong katawan sa kasintahan.
"Ako lang ang pakay ninyo. Huwag ninyong idamay si Talona!"

Hindi na nagdalawang-isip ang isa sa mga babaylan na may hawak na buslo at pana. Tinutok nito ang buslo at inasinta ng  pana ang puso ni Bantakay.  Pagbitaw ng daliri nito sa pana, saglit na tumigil ang paghinga ng lahat at animo'y simbilis ng paglalaglag ng patak ng hamog mula sa dahon na tumama sa puso ni Bantakay ang dulo ng nito.

Hawak ang dibdib na napaluhod ang matapang na pinuno. Mula sa mga ulap kung saan siya kanina pa nakatayo, nasaksihan ni Anitong Tabo ang lahat. Nakita rin niya kung papaanong niyapos ni Talona ang naghihingalong si Bantakay.

Nanangis ang mayuming babaylan sa sinapit ng kasintahan. Samantala, unti-unting lumayo sa magkasintahan ang iba pang mga babaylan. Nilisan ng mga ito ang bundok na may mabigat na dalahin sa dibdib. Nagsisisi sila sa kanilang kapusukan at sa ginawa nilang pagpatay kay Bantakay.

Napabuntung-hininga si Anitong Tabo ngunit, ang pangako ay pangako. Inutusan niya ang hangin na lukuban ang katawan ni Talona upang gawing bukal ng tubig ang luha nito.

Pagdampi ng hangin sa mga mata ni Talona, bumukal mula rito ang luha. Tuluyan ng umiyak si Talona. Ang kanyang hikbi ay nauwi sa hagulgol. Nagmistulang balon ng luha ang kanyang mga mata. Bawat butil nito ay pumapatak sa dugo ni Bantakay. Naghalo ang luha at dugo na unti-unting pumatak sa mga bato patungong bangin. Sa isang mahiwagang pangyayari, nagiging sing-linaw ng tubig ang dugong humahalo sa luha ni Talona.

Sinubukang supilin ni Talona ang pag-iyak ngunit, sa isang mahiwagang dahilan, patuloy na pumatak ang kanyang mga luha hanggang sa lumakas ang lagaslas nito kasabay ng pagdaloy ng dugo mula sa dibdib ni Bantakay.

Ang  pinagsamang luha at dugo ng magkasintahan ay naging tubig na dumaloy sa bangin.
Sa kumpas ng mga kamay ni Anitong Tabo, ginawa niyang bato ang magkasintahan ngunit hinayaan niyang dumaloy ang tubig mula roon.

Simula noon, hindi na muling nakita pa ang magkasintahan.

Ngunit, ang tubig mula sa paboritong bundok ni Anitong Tabo ay patuloy na dumaloy hanggang sa makarating ito sa ilog at  sa dagat. At sa pagdaan pa ng ilang araw, dumating na rin ang pinakaaasam ng mga babaylan at ng mamamayan ng Atimonan. Bumuhos na rin sa wakas ang ulan.

At bilang alaala sa nasawing magkasintahan, tinawag ng mga babaylan ang lugar kung saan huling nakita ang mga ito na Talon ng Bantakay o sa Ingles ay BANTAKAY FALLS.

###

No comments:

Post a Comment

Followers