Dear DILG Sec. Jesse Robredo,
Una sa lahat, maraming salamat po sa mahahalagang kontribusyon ninyo sa bayan. Dahil sa matuwid ninyong pamamalakad bilang DILG secretary, sa inyong dedikasyon bilang opisyal ng pamahalaan at higit sa lahat sa inyong kahanga-hangang leadership, lumakas ang pananampalataya ko na may pag-asa pa talagang bumuti ang kalagayan ng Pilipinas.
Hindi ko po kayo personal na kilala. Wala po ako sa sirkulo ninyo kumbaga. Pero matagal ko ng nababasa sa mga pahayagan ang pangalan ninyo. Katunayan, unang beses ko po kayong nakilala noong nasa kolehiyo palang ako at nabalitaan namin ng mga kaklase ko na pinarangalan ka ng Ramon Magsaysay Award (for Good Governance). Noong mga panahon na 'yun, malaking balita 'yun para sa mga Filipino dahil ang lahat ay uhaw sa pagkakaroon ng isang matuwid na lider.
Sa simula'y pinagdudahan ko ang karangalang natanggap ninyo. Pakiramdam ko kasi noon ay wala namang matinong politiko sa bansa natin. Tsaka, good governance? Meron bang umiiral na ganoon sa Pilipinas? Parang hindi kapani-paniwala na posibleng mangyari 'yun lalo na sa klase ng sistema ng pulitika sa bansa. Ngunit, sa katauhan mo, Sec. Robredo, napagtanto ko na posible pala talaga. Sapat ng ebidensiya ang naging pag-unlad ng Naga City sa Bicol simula noong naging Mayor kayo ng siyudad noong 1998.
Agosto 18, 2012 nang yumanig ang balita sa buong Pilipinas na nag-crash sa dagat sa Masbate ang 4-seater Piper Seneca na sinakyan ninyo. Pauwi sana kayo noong araw na iyon sa Naga. Nang marinig ko ang balita sa DZBB, napausal ako ng dalangin para sa kaligtasan ninyo. Pero sa sulok ng isipan ko, alam kong suntok sa buwan ang dasal ko lalo na noong nalaman ko na nag-nose dive ang eroplano sa dagat. Kung pasadsad sana ang landing ng eroplano, alam kong may pag-asa pa kayong maligtas kaso, una ang nguso nito. Nasabi ko sa sarili ko, mukhang malabo. :-(
Martes, Agosto 21, ay ibinalita ngang kumpirmado kang nasawi kasama si Capt. Jessup Bahinting (ang piloto ng Piper Seneca). Ang aide ninyong si Sr. Inspt. June Abrazado, awa ng Diyos, nakaligtas.
Sa totoo lang po, nalungkot ako at para akong maiiyak sa balitang 'yun. Ngayon lang po akong nalungkot sa pagkamatay ng isang government official na hindi ko naman personal na kakilala. Nanghihinayan po ako na maaga kayong kinuha ng Panginoon. Pero sa isang banda, naniniwala ako na may importanteng dahilan kung bakit nangyari ang trahedyang iyon.
Bagamat isang beses ko palang kayong nakita ng malapitan nang parangalan po kayo ng UP Alumni Association bilang isa sa 2012 Distinguished Alumni, malaki na po ang paghanga ko sa inyo dahil sa mga kontribusyon ninyo bilang DILG secretary. Karapatdapat po kayo sa tungkuling iniatang sa inyo ni Presidente Noynoy Aquino.
Nakakatuwa na tahimik lang kayong nagta-trabaho pero napakalaki pala ng impact ng mga proyekto ninyo para sa pagpapabuti ng mga lokal na pamahalaan sa bansa natin.
Salamat sa inspirasyon, Sir Jesse. Dahil sa mga taong katulad ninyo, inspirado akong pagbutihan ang trabaho ko at sikaping maging isang mabuting mamamayan at kawani. Bilib ako sa inyong leadership, dedikasyon sa tungkulin at talino. Lalo pa ninyo akong pinahanga dahil sa gumawa kayo ng paraan upang luminis ang imahen ng mga kawani ng gobyerno sa mata ng mga Filipino. Hindi kayo katulad ng ibang mga politiko na panay lang mga salita at pangako ngunit wala namang aksiyon. Magpapakitang-gilas nga pero dapat kaharap palagi ang media para bumango sa mata ng publiko at dumami ang boto sa susunod na halalan.
Salamat din po sa pagpapatupad ng mga mabubuting reporma sa lokal na pamahalaan at sa Philippine National Police.
Nakapanghihinayang talaga na nabawasan na naman ang Pilipinas ng matinong lider. Samantalang iyung ang mga patapon na opisyal ng gobyerno ay nananatili sa puwesto at patuloy na nagpapasasa sa kapangyarihan at nangungupit sa kaban ng bayan.
Nakakalungkot pero panahon na para tanggapin ng mga Filipino na tapos na ang misyon ninyo sa mundong ito. Nasa mga kamay na naming lahat ang pagkakataon upang ipagpatuloy ang mga magagandang reporma na inyong sinimulan.
Sana po ay matino rin ang pumalit sa puwesto ninyo.
Muli, salamat po sa lahat. Alam kong masaya na kayo langit.
Rest in peace, Sir Jesse.
Lubos na gumagalang,
Dapithapon :-)
Agosto 25, 2012, Laguna
No comments:
Post a Comment