Thursday, September 06, 2012

Ironiya ng Suicide sa istasyon sa LRT: Sablay na lab istori


Huwebes, alas siete ng umaga, ika-30 ng Agosto, tulad ng mga ordinaryong araw sa buhay ko, sumakay ako ng dyip papuntang MRT Taft Station para mabilis makarating sa opisina.

Pagbaba ko sa tapat ng Mercury Drug, agad kong napansin ang karagatan ng tao sa kalsada. Parang may mali, sa isip-isip ko. Karamihan sa mga taong nag-aabang ng dyip, mga estudyante na pawang mga naka-uniporme at papuntang Maynila.

Tumawid ako ng kalsada para bagtasin ang daan patungong istasyon. Ang dami ng tao ay umabot hanggang paakyat ng hagdan papunta sa platform ng istasyon. Lahat ng makasalubong ko, aligaga. Halatang takot ma-late sa opisina man o sa klase.

Sa dami ng tao, habang paakyat na ako ng hagdan patungong platform, di maiwasang mabangga ang bag at mga braso ko sa dami ng mga kasabay ko.  Ramdam ko ang alingasaw ng init sa katawan ng mga tao na nasa harap, likod at tagiliran ko. Kulang na lang ay magpalit-palit na kami ng mga mukha dahil mistula na kaming mga pinitpit na tinapay na sa sobrang siksikan.

Sa kabilang panig ng hagdan, bumaba ang isang security guard at pulis na may
Photo credit: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/
Metro/Babae,_nagpatiwakal
_sa_LRT_EDSA.html
hawak na megaphone. Ibinalita nila na pansamantalang itinigil ang operasyon ng LRT 1 dahil may babaeng nagpakamatay, tumalon sa riles at nagpasagasa sa tren!

Nakakaloka! Umagang-umaga, may nagpakamatay! Di ko tuloy alam kung maaawa ako sa nagpakamatay na babae o mabi-buwisit dahil sa laki ng ginawa niyang perwisyo sa kapwa. Naisip ko tuloy ang laki ng abala sa mga taong kelangang makarating ng maaga sa kanilang paroroonan. Pero sa isang banda, tinatanong ko rin sa sarili ko kung ano ang matinding problema ng babae at nagpakamatay ito. Habang abala ako sa pagmumuni-muni, patuloy akong sumunod sa agos ng pila paakyat sa istasyon.

Hanggang sa...

Mabangga ang kanang braso ko sa isang matipunong braso.  Tumangos ang ilong ko nang maamoy ang halimuyak ng pabango niya. Amoy HUGO BOSS (For Men). Syet. Ambango.

Lumingon ako.

Namilog ang mga mata ko sabay labas biloy na napangiti at kinipit sa magkabilang tainga ang ilang hibla ng buhok ko na tumabing sa mga pisngi ko. Kasabay kong umaakyat ng hagdan ang crush ko. Anak ng Teteng. Sa MRT Taft Station din pala siya sumasakay! Siyempre, kinilig ako. Agad kong binilang sa isip ko ang mga posibleng pagkakataon na puwede ko siyang makitang muli. As usual,  dahil sa katorpehan, pagpasok namin sa istasyon, dumistansya ako sa kanya. Pero, nang binilisan ko ang lakad ko, natukso akong lumingon sa gawi niya at...

Napatalon yata ang puso ko at muntik nang lumabas sa rib cage. Nasa tabi ko pala siya at sinasabayan ang mga hakbang ko. Kaya lang, hindi ko siya sinabayang pumasok sa cart kung saan puwede ang mga lalake. Umupo ako sa seksiyon na para sa mga babae, matanda, bata at may mga kapansanan. Umiral ang praktikalidad sa utak ko. Mas mainam umupo roon at hindi pa amoy pawis kapag napupuno na ng mga pasahero.

Laking suwerte ko nang bumaba kami sa Quezon Avenue Station. Kasabay kong naglakad papuntang terminal ng dyip si Pogi. At nang mauna siyang sumakay ng dyip, umurong siya. Nagbigay siya ng sapat na espasyo na swak na swak sa lapad ng balakang at puwet ko.  Siyempre, hindi ko pinalagpas ang pagkakataon, tumabi ako sa kanya.

At muli, habang magkatabi kami sa dyip, dumikit ang kanang braso ko sa matipuno niyang braso. Kada preno ni Manong Drayber, nagsasalpukan ang mga braso namin sabay tingin sa bawat isa. Ako siyempre ang umiiwas agad ng tingin. Baka kasi ipagkanulo ako ng mga mata ko.

Kung malakas lang ang loob ko noong mga oras na 'yun, gusto kong sabihin sa kanya na "Oo. Crush kita. Wa ko care kung para akong teenager pero type talaga kita. Syet ka."

Kaso, hanggang sa utak ko na lang ang mga katagang iyon.

Pero bago siya bumaba sa destinasyon niya, tumagilid ako ng upo paharap kay crushTapos, tinitigan ko siya. Nang maramdaman niyang nakatitig ako sa kanya, humarap siya ng bahagya sa akin.

Nginitian ko siya ng pagkatamis-tamis tipong puwede na akong gapangan ng langgam. Keber na kung para akong timang.

At epektibo yata ang pagngiti ko sa kanya. Tila huminto ng isang milyong milliseconds ang oras. Nginitian niya rin ako.

Sabay bumaba siya ng dyip. Nakarating na siya sa kanyang destinasyon.

At ako naman, naiwan akong nakatanga na abot tainga ang ngiti tsaka ko siya sinundan ng tingin.

Buo na naman ang araw ko.

No comments:

Post a Comment

Followers