Bahid
Mabigat ang mga hakbang ni Maureen habang naglalakad sa gilid ng Quiapo Church. Kasing bigat nito ang pakay n’ya sa lugar na ‘yun. Pinagpapawisan s’ya ng malamig mula ulo hanggang paa. Paiwas ang tingin n’ya sa mga tao. Parang isang pipitsuging mandurukot na takot mabisto sa kanyang masamang gawain.
Balak n’yang pumasok sa simbahan saglit para magdasal pero hindi n’ya tinuloy. Sa pintuan palang, para s’yang napaso lalo na nang tingnan n’ya ang mga rebulto ng mga santo. Pakiramdam n’ya kinakastigo s’ya ng mga rebulto kada titig n’ya sa mga mata nito.
Mahilo-hilong naglakad s’ya palayo sa simbahan na para bang asong buntis na malapit nang manganak. Wala s’yang pakialam kung nakabangga man s’ya o hindi. Nanlalagkit na ultimo kilikili n’ya sa pawis.
Sinadya n’ya ‘yung puwesto ng mga sidewalk vendor na nagtitinda sa may gilid ng Quiapo Church. Partikular n’yang pinuntahan ‘yung mga nagtitinda ng mga gamot na gawa sa mga ugat ng halaman o herbal medicines. Rekomendasyon ito sa kanya ng kumare n’yang deboto ng Black Nazarene.
Mabisa raw talaga ang mga gamot na ‘yun. Dapat kasi ay pito na ang anak ng kumare n’ya, pero dahil doon ay nanatiling anim lang ang anak nito.
Sa may bangketa sa likod ng Quiapo Church, nakita ni Maureen ang mga nagtitinda ng herbal medicines. Animo’y hinahalukay ang tiyan n’ya sa kaba nang sinipat n’ya ang hilera ng mga boteng ang laman ay kulay tsaang likido. Nakababad sa likidong ito ang putol-putol na ugat. Halatang Tanduay at Ginebra ang dating laman ng ilan sa mga bote. Meron ding maliliit na kulay lupa na bote na dating lalagyan ng cough syrup. Bawat bote ay may label. Mayroong gamot pamparegla, pang-alis sa sakit ng t’yan, pampahid para sa galis, pampalakas ng libido at kung anu-ano pang gamot panlaban sa sari-saring sakit.
Binili n’ya ‘yung gamot na pamparegla. Binigyan s’ya ng instruksiyon ng tindera tungkol sa tamang dosage ng pag-inom nito. Sinabi rin ng tinderang lalabas na ang regla ni Maureen sa loob lang ng isang linggo.
Tatlong beses sa isang araw kung inumin ni Maureen ang biniling gamot. Pero isang linggo ang lumipas, wala ni isang patak ng dugo ang bumahid sa kanyang puting panty.
Sa sobrang pagka-balisa, may mga oras na naglalakad s’ya nang wala sa sarili, ‘yung tipong tulala dahil sa lalim nang iniisip. Ilang beses na s’yang muntik masagasaan dahil doon. Mabilis na rin s’yang mairita ngayon. Dati kahit ano’ng gawing pang-aalaska sa kanya ng mga katrabaho, di s’ya napipikon. Pero ngayon, nagsusungit kaagad s’ya sa konting biro lang.
Desperada na si Maureen. Ilang linggo na lang lolobo na ang impis n’yang puson. Bilang na rin ang araw ng pagtatatrabaho n’ya sa Jaloux Club bilang waitress.
Walang patawad ang kanyang bading na boss. Palibhasa’y kasing-sama ng hilatsa ng pagmumukha nito ang ugali. Wala itong kunsiderasyon lalo na kapag imbiyernang-imbiyerna ito. Pinapaliguan nito ng mura mula ulo hanggang paa ang mga nakakaaway. At kapag mas maliit ang kaaway, ganado itong mamigay ng matinding sabunot, sampal at kalmot.
Kinastigo s’ya nito nang malamang buntis s’ya. Matagal na raw itong nagsususpetsa sa kalagayan n’ya palibhasa’y ilang beses na s’yang nahuli nitong nagduduwal at kumakain ng manggang hilaw. Pinaliguan s’ya nito ng sampal at ng malulutong na punyeta, putang-ina, gaga, boba at kung anu-ano pang mga mura. Binalaan din s’ya na tatanggalin sa klab pag di n’ya nalusutan ang kagagahan raw n’ya.
Matindi ang pangangailangan ni Maureen sa pera. Baka mapalayas s’ya sa inuupahang apartment kapag nawalan s’ya ng trabaho. Ayaw rin n’yang mamatay ng dilat dahil sa gutom. Naisip n’yang tutal wala naman s’yang ipambubuhay na matino sa magiging anak n’ya kaya nagpasya s’yang ipatanggal ito habang dugo palang.
Pinuntahan n’ya ang bahay ni Aling Ising, ang inirekomendang komadrona ng kanyang kumareng relihiyosa. Mukhang pera raw ang komadronang ito, pero mahusay kaya walang magiging problema.
Matapos ang sunud-sunod na katok, pinagbuksan s’ya ng isang matandang babae. Kasunod nito ang pusang puti ang balahibo.
Luma na ang bahay ng komadrona. Meron itong dalawang palapag. Gawa sa semento ang unang palapag na may bahid na mantsa ng tubig at lumot. Samantala, gawa naman sa kahoy ang ikalawang palapag ng bahay. Tuklap na at nangingitim ang puting pintura nito.
Halos kasing tanda na ng bahay nito ang itsura ni Aling Ising. Medyo nagdalawang-isip si Maureen kung tutuloy ba s’ya o hindi. Mukha kasing pinaglihi sa sama ng loob ang komadrona. Hanggang baywang ang nakataling buhok nito na magkahalong puti at itim ang mga hibla, nanlalalim ang mga mata, matangos ang ilong nito na bahagyang nakabaluktot, kulubot na ang balat, mga nasa limang talampakan at apat na pulgada ang tangkad, at may kapayatan ang diretso nitong katawan. Nakasuot ito ng kupasing daster na may disenyong maliliit na bulaklak.
Kahit duda sa pagmumukha ng komadrona, naisip n’yang rekomendado ito ng kumare n’ya kaya sinabi na rin n’ya rito ang pakay. Ayaw nitong pumayag nung una. Tinanong pa sa kanya kung buo ba ang loob n’ya sa kanyang balak gawin. Binigay n’ya sa komadrona ang paunang bayad para patunayang desidido talaga s’yang ipatanggal ang kanyang mabigat na problema. Hindi na itinuloy ng kumadrona ang balak sanang pagtanggi kay Maureen.
Sinabi ng komadrona kay Maureen na makaluma ang pamamaraan nito sa pag-a-abort. Ibig sabihin, paiinumin muna s’ya nito ng gamot para pahinain ang kapit ng bata tapos patatalunin s’ya nito ng paulit-ulit sa bawat baitang ng hagdan. Hihilutin din nito nang madiin ang kanyang puson hanggang sa magtuloy-tuloy ang agos ng dugo.
Nakaramdam ng takot si Maureen sa posibilidad na maaari niyang ikamatay ang gagawing pagpapalaglag. Naisip n’yang kaya pala mura ang bayad. Pero pinili n’yang patayin ang kaba sa dibdib. Talagang desidido na s’yang tapusin ang problema n’yang ito.
Sinimulan na ng komadrona ang makalumang ritwal sa pag-a-abort. Naglabas ito ng alkohol, bulak, puting palangganang may lamang tubig, tatlong malilinis na tuwalya, at boteng may lamang kulay tsaang likido na may nakababad na halamang ugat. Pinainom muna nito si Maureen ng mapait na likido. Sa sobrang pait ng gamot na pinainom sa kanya, muntik na s’yang masuka. Tiniis lang n’yang lunukin ang gamot.
Tatlumpung minuto matapos inumin ang gamot, pinatalon-talon s’ya ng matanda sa bawat baitang ng kahoy na hagdan. Nakaramdam ng matinding sakit sa puson si Maureen. Para itong tinutusok ng malalaking karayom. Napaiyak s’ya sa matinding sakit. Ang iyak ay nauwi sa hagulgol. Naghalo na ang luha at sipon sa kanyang mukha. Katatalon, nag-cramps ang kanyang mga hita't binti.
"Ineng, malapit na. Konting tiis. Pasalamat ka at hindi na masyadong makapit ang bata," sabi ng komadrona. Madiin nitong pinisil-pisil ang puson ni Maureen kada hihinto ito sa pagtalon.
Ilang sandali pa, umagos ang dugo sa hita pababa sa binti ni Maureen. Dala ng matinding pagod, panghihina at sakit ng katawan, para s’yang naupos na kandilang hinimatay.
"Domeng! Domeng! Parine ka at nabuwal ang pasyente!"
Nagmamadaling umakyat sa hagdan ng lumang bahay ang tinawag na matandang lalaki. Si Mang Domeng ang asawa ng kumadrona.
Agad na binuhat ni Mang Domeng si Maureen. Dinala niya ito sa isang maliit na kwarto malapit sa sala. Plywood lang ang nagsisilbing divider ng sala at ng kwartong iyon na siyang ginagamit ni Aling Ising para sa pagpapaanak ng kanyang mga “pasyente.” Inihiga ni Mang Domeng si Maureen sa kamang nasasapinan ng malaking tuwalya para di mamantsahan ang puting kubrekama nito.
Pumasok si Aling Ising sa kuwarto dala ang palangganang may maligamgam na tubig. Pinunasan nito ang dugong umaagos sa hita't binti ni Maureen gamit ang tuwalya. Nang ibinuka n’ya ang hita ni Maureen, may mga buo-buong dugo ang lumabas sa pagkababae nito. Inutusan n’ya ang asawa na marahang itagilid si Maureen. Pagkatagilid dito, kinuha naman ni Aling Ising ang tuwalyang nakasapin sa kama at pinalitan ng bago. Punong-puno ng dugo ang tuwalya. Binalot niya ito sa diyaryo at ipinatapon kay Domeng sa basurahan sa may ilalim ng lababo sa may kusina.
Sa basurahan, saksi ang mga uod, pinagkaliskisan ng isda, balat ng mangga, bote, upos ng sigarilyo, plastik, karton, balat ng kendi at kung ano-ano pang nabubulok na basura sa sinapit ng dapat sana’y sanggol na buo-buong dugo pa lang.
Pagkaalis ni Mang Domeng, isang pares ng mata ang titig na titig sa basurahan. Tumatagos ang bawat titig nito sa loob.
Malakas ang pang-akit dito nang umaalingasaw na lansa ng dugong nakabalot sa diyaryo. Paglapit ng pusa sa basurahan, inapuhap ng mga mata nito ang pinanggalingan ng amoy. Kinalkal nito ang nakabuyangyang na basurahan. Nang makita ang pakay, kinutkot nito ang diyaryong mamasa-masa ng dugo.
Dinilaan ng pusa ang nakalantad na dugo.
Paglabas ni Aling Ising sa kuwarto, tarantang tinawag nito si Domeng, “Putragis na lalaking ‘to! Domeng! Domeng! Dali ka! Ilibing mo ang dugo bago ubusin ng pusa!”
Sa may kuwarto, nagkamalay na si Maureen. Tinangka n’yang bumangon pero di n’ya nagawa dahil pakiramdam n’ya ay pinaghiwalay ang balakang n’ya sa tindi ng sakit na naramdaman sa ibabang bahagi ng kanyang katawan. Nanginginig ang mga kamay na kinapa n’ya ang puson. Maya-maya’y kusang umagos ang luha sa mga mata n’ya hanggang sa mauwi ito sa hagulgol.
###
No comments:
Post a Comment