Putik. Makapal, malagkit at madulas na putik. Iyan daw ang sasagupain namin paakyat sa Bantakay Falls sa Atimonan, Quezon. Ilang araw na raw kasing umuulan sa Atimonan. Siyempre, medyo kinabahan ako pero naroroon pa rin ang matinding pagkasabik kasi mukha itong nakatagong paraiso batay na rin sa mga nakita kong larawan ng Bantakay na pinost ng mga blogger.
Sinabi ko sa sarili ko na hindi ko palalampasin ang pagkakataong marating ang lugar na iyon, gumapang man ako sa putik! :-D
At noong ika-9 nga Setyembre, araw ng Linggo, ay talaga nga namang literal kaming lumublob at gumapang sa putik ng mga kasama ko sa pag-akyat.
Eto ang sinunod naming Itinerary:
3:30-4:00 am - Leave Manila 6:00 - Arrive Lucena @ Jolibee Diversion
------>Breakfast @ Jolibee
6:30 - Leave for Bantakay jump off point
8:00 - 8:30 - Arrive Bantakay jump off point ; start hike
10:00 - Bantakay Falls- swim, eat, photo shoot, coffee, laze around, socials
3:00 Pack up; hike to jump off point
4:30 - Jump Off Point ; wash, freshen up
5:30 - Bound for Lucena
7:00 - Dinner, bound for Manila
|
Lahat ng nasa itinerary namin ay nasunod maliban sa oras. Na-late kasi kaming dumating ng kapatid ko.
Matapos maglakbay ng mahigit tatlong oras mula Alabang, Muntinlupa patungong Lucena, Quezon, nagkita-kita kaming magkakaibigan sa Jollibee Diversion Road sa Lucena ng halos alas-otso na ng umaga e samantalang alas-sais y media ng umaga ang usapan namin.
Powtek! Buti na lang at hindi kami iniwan ng mga kasama namin lalo na at kami ng Ate ko ang pinakahuling dumating. Mali kasi kami ng desisyon. Dapat pala kasi ay sa Turbina sa Calamba, Laguna na lang kami nagpahatid sa kuya ko para mas madali kaming nakasakay. Bukod sa hindi na aircon bus ang nasakyan namin e wagas sa paghahakot ng mga pasahero ang drayber ng bus! Kada yata may nakikitang tao na kumakaway, hinihintuan at inalok sumakay.
Awa ng Diyos, nakarating din kami sa destinasyon namin. Buti na lang at mababait ang mga kasama namin at matiyaga kaming hinintay.
Maaliwalas ang asul na langit at kasing-puti ng bulak ang mga buntis na ulap. Nakakatuwa! Nakisama sa amin ang panahon.
Nang marating namin ang jump off point sakay ng dalawang van na nirentahan namin, naglakad pa kami ng halos limang kilometro para marating ang kubo ng caretaker nito. Pagdating namin sa kubo, nakinig kami sa maikling orientation ng caretaker at pinaalalahanan niya kami ng mga dapat at hindi dapat gawin habang nasa nagte-trek kami sa trail. Ayon nga sa mountaineers' motto: "Take nothing but photographs."
Pagkatapos ng orientation, sinimulan na namin ang trek. Dalawang tour guide ang kasama namin. Habang di pa kami dumadaan sa maputik na trail, nagtatawanan pa kami ng mga kasama ko at panay kuha ng mga litrato. Paminsan-minsan, nagpo-pose kami pag may kumukuha ng group shot. Ngiti dito, ngiti doon. Posing dito, posing doon. Hanggang sa makarating kami sa muddy trail.
Tama ang balita. Totoong-totoo na hindi mo na makikilala ang itsura ng mga paa mo pagtapak sa maputik na trail patungong Bantakay Falls.
Madulas. Napakadulas ng daan. Ilang beses yata akong nadulas. Katunayan, hindi kinaya ng sandalyas ko ang putik kaya napilitan akong hubarin ang mga ito at naglakad akong nakayapak. Buti na lang at nagmagandang-loob ang guide namin at siya ang nagbitbit ng sandalyas ko pati ng ibang mga kasama ko na nagyapak na rin.
Matatalas din ang mga dahon ng iba't ibang halaman na sumayad sa mga balat namin tuwing paahon kami sa mga makikitid na daanan. Tuwing napapatakan ng pawis ang mga gasgas sa braso ko, ramdam na ramdam ko ang hapdi. Hindi kasi ako nagsuot ng long sleeves na t-shirt kaya ayun, nahiwa ako ng mga dahon. Wala rin akong suot na guwantes kaya pati mga palad ko, hindi pinatawad ng mga dahon kaya nagkasugat-sugat din.
Ang nakakatuwa nito, nakapulot kami ng ate ko ng mga mahahabang kahoy at iyon ang ginawa naming mga tungkod. Anlaking tulong ng tungkod para mapanatili ang balanse ng katawan namin habang tinatahak ang madulas at maputik na daan.
Sa totoo lang, nahirapan talaga ako sa pag-akyat naming ito papuntang Bantakay Falls. Napakalaking hamon para sa tatag ng pangangatawan ko ang muddy trail. Kulang din kasi ako sa pisikal na paghahanda. Dapat talaga sa susunod na pag-akyat namin, kelangang mag-jogging ako kahit dalawa o tatlong beses kada isang linggo para maging matatag ang baga, puso, mga tuhod, binti at paa ko.
Aminado akong may mga oras na habang umaakyat kami ay parang gusto ko nang bumigay sa matinding pagod. Pero matindi ang pagkasabik ko na marating at makita ang Bantakay Falls kaya tuwing nakakapagpahinga kami ng kahit limang minuto lang, himalang nanunumbalik ang lakas ko.
Kahit maputik ang dinadaanan namin, nakaka-inlababo ang kagandahan ng mga paligid. May mga nadadaanan pa kaming ilog kaya napapawi talaga ang pagod namin. Doon na rin namin hinuhugasan ang putikan naming mga paa. Ayun nga lang, kailangan naming mag-ingat sa mga linta lalo na sa mga maliliit na sapa na hindi masyadong umaagos ang tubig.
Pero kahit ano palang ingat ko, dumikit ang makulit, malagkit, malambot at sugapa sa dugo na linta sa isang daliri ko sa paa. Di naman ako natakot pero, heller lang. Kadiri naman na sinisipsip niya ang dugo ko, di ba? Buti sana kung guwapong bampira siya e kaso, linta naman. Hahaha! :-P
Natanggal din naman ang linta at ipinagpatuloy ko lang ang paglalakad. Parang walang nangyari. Di bale, at least kumpleto ang karanasan ko sa climb na ito.
Kaya pagsapit namin sa Bantakay Falls, para akong kandilang naupos sa pagod at tuwa. Gusto kong halikan ang lupa. Sa wakas! Nakarating din kami. At kinain namin ang baon naming adobong manok na may kasamang kanin at itlog na maalat na binalot sa dahon ng saging. Yummy! Ansarap! Napawi ng husto ang gutom namin. :-D
At nang maubos ang mga dala naming tubig na inumin, ikinuha kami ng guide namin ng tubig sa talon. Malamig na masarap ang tubig galing sa Bantakay Falls. Buti na lang talaga at prinotektahan ng caretaker nito ang tubig sa talon kundi, siguradong masasaid ito at wala ng maiinom ang mga turistang katulad namin na umaakyat dito.
Sa simula, nag-alangan pa akong lapitan ang mismong maliit ngunit malalim na pool ng talon. Pakiramdam ko kasi madulas ang mga bato e. Kaya lang, nainggit ako sa mga kasama kong nagsimulang magtampisaw sa pool. Ayun, na-engganyo na rin akong sumali sa kanila. At hindi naman ako nagsisi! :-D
Anlamig ng tubig ng talon. Kahit halos isang oras na kaming nakababad sa tubig, hindi bumababa ang temperatura ng tubig. Pero ayos lang kasi kinaya naman namin ang lamig.
Pagsapit ng alas-dos y media ng hapon, kumulimlim ang langit. Kaya niyaya na kaming umahon ni Pastor Noel, ang aming napakabait na promotor sa ganitong mga lakad. Sinabi niyang kelangan na naming simulan agad ang trek pabalik bago kami abutan ng ulan.
Bitin! Gusto pa sana naming tagalan ang pagtatampisaw sa tubig kaso takot din kami siyempre na maabutan ng ulan sa bundok. Mahihirapan kaming umuwi kapag nagkataon.
Kaya humirit pa kami ng ilang mga larawan bago namin tuluyang lisanin ang mala-paraisong kagandahan ng Bantakay Falls. Pagkatapos ay tahimik kaming nagpaalam sa lugar na nagkanlong sa amin ng ilang oras.
At muli, sumabak ulit kami sa matinding paglalakad, akyat, baba, dulas, lublob sa putik at ilog hanggang sa marating namin ang jump off point. Eksaktong pagdating namin doon, tsaka umambon.
Naligo at nagbihis sa maliit na canteen kung saan naka-park ang mga van namin. Matapos magbihis, nagkaroon ang grupo ng post-climb meeting sa loob ng kantina. Doo'y pinag-usapan namin ang karanasan namin sa pag-akyat sa Bantakay Falls pati ang mga bagay na kailangan naming i-improve sa susunod naming mga pag-akyat.
Nang matapos ang meeting, muli kaming nagpaalam sa Atimonan, Quezon.
Ibinaba kami ng van sa Grand Central Terminal at sinuwerteng nakasakay kami ng van patungong Balibago, Laguna.
Bumaba kami sa Balibago at sumakay ulit ng dyip pauwi na sa amin.
Pagdating sa bahay, tiningnan ko ang relo ko. Alas-onse y media na ng gabi.
Umaapaw sa saya ang puso ko sa kaligayahan dahil sa karanasang ito. Umuwi kami ng Ate ko na pagod pero pawang mga nakangiti.
Alam kong hindi na kami makakabalik pang muli sa Bantakay Falls maliban na lang kung hanapin ulit ng katawan namin ang ganitong klaseng adventure.
Ngunit, sa puso ko, babaunin ko ang lahat ng alaala tungkol sa naging karanasan ko sa pag-akyat sa nakatagong paraisong ito.
Salamat, Bantakay Falls! :-D
**************************************
P.S. Ang pamagat ay hango sa pangalan ng Facebook Photo Album ng isang kaibigan. :-)
No comments:
Post a Comment