Thursday, October 04, 2012

Junk the Cybercrime Law!


At muling lumambong ang mga abuhing ulap sa Silangan
Nagbabadya ng unos sa bawat daraanan
Walang ligtas ang sinumang magtatangkang salagin
Ang bagsik ng mga buntis na ulap
Handang balutin ng kadiliman ang kapaligiran
Na sa pagkurap ng mga mata ay manganganak ng luha
At lulunurin ang buong kalupaan

Kapag pinukol mo ng bato
Hahampasin ka ng hanging habagat
At sa talim ng dampi ng hangin
Hihiwain ang balat hanggang sa magsugat
Hindi ka makakailag
Kahit gumamit ng sampung kalasag

*******************************

Dahil sa pagkapikon ng isang Senador
Ang malayang pamamahayag
Ay muling nanganganib
Sanhi ng batas na sadyang mapanupil
Sa kalayaang ginarantiya ng mismong Konstitusyon natin

Hindi na iginalang
At walang habas na tinirya
Gamit ang kapangyarihan
Na ang mga mamamayan mismo ang nagkaloob sa kanya

Wagas ang kanyang ganti
Sa mga taong diumano'y siya'y inapi
Nang mahuli siyang nagnakaw ng ideya
Sa bloggers na kanyang inalipusta

Walang pakundangang isiningit ang libel clause
Sa mapaniil na batas
Na dati'y nakatengga lang sa isang tabi
Sa mabilisang kumpas ng kamay ay agad naisa-batas
Selyado ng pirma ng pinaka makapangyarihang tao sa Pilipinas
Na akala ko'y tayo ang boss
Iyon pala'y numero unong bumusabos
Sa mga mamamayang naghihikahos

Ngunit, hindi kayang manahimik
Ng matitinik na netizens
Yaring mga makabagong aktibista
Gamit ang birtuwal na pluma
Handang labanan ang bagsik ng mapanganib na batas
Ng buong tapang at lakas
Sukdulang magmartsa hanggang sa Mendiola
Maipaglaban lang ang ating demokrasya

Buong tapang na haharapin
Harangan man ng sibat
Ang mahalaga'y maipagtanggol
Kalayaang gustong tapakan ni Wanbol!

Ibagsak ang Cybercrime Law!
Patalsikin ang kawatang Senador!
Huwag ninyong hintaying aniin
Ngitngit ng sambayanang Pilipino!

No comments:

Post a Comment

Followers