Alam mo 'yung pakiramdam na may nakita kang "crushable" sa MRT tapos gusto mong piktyuran kasi nakyutan ka talaga? Ganoon ang nangyari sa akin kagabi nang makita kita.
Pagkagaling namin ng mga kaibigan ko sa Trinoma Mall, naghiwa-hiwalay na kami pauwi. Sila ay sumakay ng dyip pa-Northbound. Ako naman, sumakay ng tren sa North Edsa MRT Station kasi pa-Southbound ako. At dahil gusto kong makauwi agad kasi rush hour na pagsapit ng alas-otso na ng gabi, napadpad ako sa co-ed cart ng tren. Pag normal na araw, mas gusto kong sumakay sa cart na pambabae, pero ng gabing iyon, ayos lang naman sa co-ed cart kasi maluwag at nakaupo ako.
Inayos ko ang pagkakakandong sa mabigat kong shoulder bag kaya napayuko ako ng bahagya. Pag-angat ko ng tingin, nakita kita. Umupo ka sa tapat ko. Tatlo o limang pulgada lang ang layo ko sa'yo. Napasinghap ako. Saglit na huminto ang oras ng mga sandaling iyon. Syet. Ang cute mo.
Alon-alon ang buhok mong hanggang batok na sing-itim ng uling, matangos ang ilong mo, almond shape ang mga mata, hindi kalakihan ang built ng katawan pero sexy ka sa paningin ko, maputi ka at siguro, mga 5'8" ang tangkad mo. Nakasuot ka ng itim na hikaw na singlaki lang ng monggo sa magkabila mong tainga, itim din ang polo shirt mo, slim fit ang pantalon, pati ang sneakers mo ay itim rin at may dala kang body bag na itim at pula ang kulay. Buti na lang nakapikit ka habang pinagmamasdan kita.
Rakista ka ba? Miyembro ng banda? O sadyang maporma ka lang? Kamukha mo kasi 'yung bokalista ng paborito kong Japanese rock band na One OK Rock.
Hindi ako mapakali. Sayang ang oportunidad. Kaya hindi na ako nagdalawang-isip. Kinuha ko ang cellphone ko at pinindot ang camera setting. Nilagay ko sa silent mode ang shutter para hindi mo marinig ang balak kong gawin. Oo, balak kitang piktyuran at walang makakapigil sa akin ng mga sandaling iyon. Kaya inianggulo ko ang camera ng cellphone ko sa puwesto mo. Zinoom in ko para mas malinaw kong mapagmasdan ang mukha mo. At pasimple kong pinindot ang shutter. Walang tumunog na click kasi nga naka-silent mode iyon. Napangiti ako sa kalokohan ko. Sinilip ko ang photo gallery at tsinek kung maayos ang pagkakakuha ko sa'yo.
Peste! Blurred! Maalog kasi ang tren kaya inulit ko ang pagkuha ko ng litrato sa maamo mong mukha. One, two, three! Tatlong beses! Pakshet! Fail! Wagas sa pagka-blur ang mga kuha ko sa'yo! Malas! Ha-ha-ha!
At huminto sa Guadalupe Station ang tren. Maraming bumababa sa istasyon na ito kaya may ilang minuto ako para kunan ka. Ayos! Feeling ko, makukuhanan na kita ng matino. Siguro naman ay hindi na maalog ang mga kamay ko at malinaw na ang lalabas na litrato mo sa cellphone ko.
Inihanda ko ang pagpindot sa shutter. Pero bago ko nagawa 'yun, may hayop na pasaherong humarang sa harap mo! Ansarap itulak ng malaking harang na 'yun! Hay.
Kinapalan ko ng konti ang mukha ko. Keber na kung mahuli mo ang ginagawa kong kalokohan. Tiniyempuhan ko ang pag-urong ng malaking harang sa harap mo kada aalog ang tren. Sinubukan ko talagang i-capture sa camera ko ang mukha mo. Pero tinatangka ko palang e may kumontra na sa balak ko. May tumabi sa akin na pasaherong lalake na may pagka-usisero. Tama ba namang usisain ng tingin ang ginagawa ko sa cellphone ko? At hanep! Humagikgik pa ang bruho! Para bang sinasabi sa akin na "Alam ko ang binabalak mo. Huli ka balbon!"
Tinaasan ko ng kilay ang katabi ko na sana pala ay dineadma ko na lang kasi, nakawala ka sa paningin ko. Nalaman ko na lang, huli na ang lahat. Ayala Station na. Tumayo ka at lumabas na ng tren.
Sayang! Nyahahaha!
Nahiya na ako ng tuluyan sa ginawa ko kaya tinago ko na lang ang cellphone ko sa bag. Mukhang hindi iyon ang tamang oras para palihim kang kuhanan ng piktyur!
Naisip ko tuloy, kung may kasama siguro akong kaibigan kagabi, malamang, tagumpay kong naisagawa ang balak ko. :-D
Pasensiya na sa mumunti kong kalokohan. Harmless naman ako kaya huwag kang mag-alala. At salamat sa panandaliang kilig. Kahit papaano, iniba mo ang boring na routine tuwing sumasakay ako sa MRT.
Kung sino ka man, guwapong estranghero sa tren, sana ay magkita tayong muli. Pramis, kukunan talaga kita ng piktyur. :-D
No comments:
Post a Comment