Sunday, October 21, 2012

Judo experience


Noong nasa kolehiyo pa ako, parang agawan-base lang ang pagkuha ng P.E. (Physical Education) subjects sa unibersidad namin. Kelangan pa man din ng apat na P.E. ang bawat estudyante kada-semestre para maka-gradweyt kaya hindi na ako nagtataka kung bakit wagas ang pila sa pagkuha nito lalo na noong hindi pa uso ang Computerized Registration System o  CRS.

Ang kahalagan kasi ng P.E. ay katumbas ng pagkuha ng ROTC at National Service Training Program (NSTP).

Kabilang ako sa mga estudyanteng minamalas sa pagkuha ng P.E. Katunayan, kinailangan ko pa nga dating pumunta sa iskul ng eksaktong alas-singko y media ng umaga para mauna ako sa pila kaya lang, pagdating ko, marami ng mas nauna pa sa aking dumating. Kaya ang siste, naabutan ko palagi 'yung registration assistant (RA) na ginagawang parang Lotto ang pagpili ng mga estudyante na ie-enlist nila sa P.E. subjects.

Ganito ang ginawa niya: pinasulat kaming mga naroroon ng pangalan namin sa kapirasong papel tapos nilupi namin iyon para siguradong hindi makikita ang mga nakasulat sa papel. Pagkatapos, iniligay ang papel sa fish bowl na hawak ng RA. Inalog niya ang fish bowl at hinalukay ang mga papel para siguradong walang daya, tsaka siya bumunot siya ng isa at isinigaw ng malakas ang pangalan ng estudyanteng mapalad na napili niya. At oo, isinigaw lang niya kasi wala silang hawak na mikropono o megaphone man lang para mag-announce ng mga pangalan. Nakakaaliw lang. :-D

Awa ng Diyos, nabunot ang pangalan ko. Kaya lang, ang P.E. na naibigay sa akin e Judo Karate. Nakow. Siyempre, noong una, talagang kinabahan ako. Wala naman akong alam sa Judo. Medyo may konti akong alam sa Karate at Arnis pero sa Judo, wala. Napapanood ko lang sa TV ang mga laban sa Judo at ang alam ko, parang wrestling naman 'yun. Naisip ko tuloy noong mga oras na 'yun, "Patay kang bata ka. Baka gawin kang sumo wrestler na chubby lang!" 

A e, hindi ako payat. Pero in fairness naman, hindi pang sumo wrestler ang katawan ko 'no. :-P

At iyon nga, doon na nagsimula ang interes ko sa Judo. Iyon nga lang, hindi ko masyadong kinarir kasi marami akong gawain sa iskul lalo't nasa ikatlong taon na ako sa Kolehiyo noon at panay major subjects na ang ini-enroll ko tsaka nagta-trabaho rin ako noon bilang student assistant. Kung wala lang siguro akong masyadong ginagawa, baka naging miyembro na ako ng varsity ng Judo.

Sa klase namin, beinte singko kaming lahat pero apat lang kaming mga babae. At bago nangalahati ang semestre, dalawa na lang kaming natira sa klase. Iyong isa, nag-drop at 'yung isa naman, nagkaroon ng injury at kinailangan niyang gumamit ng neckbrace kaya hindi na rin pumasok. Iyong kasama kong natira, hindi palaging pumapasok kaya ayun, madalas, ako lang ang babae sa klase. May mga panahon tuloy na ang ka-sparring ko e black belter brown belter na miyembro ng varsity team. Walang pakialam si Sensei Ramas kung lalake man o babae ang ipapa-sparring niya sa akin basta may libreng oras na kayang mag-participate sa klase namin, walang problema. Ayaw kasi ng mga kaklase kong lalaki na makipag-sparring sa akin kasi natatakot daw sila na masaktan ako o mahipuan ng hindi sinasadya. Pero may mga oras din na sinasabihan sila ng sensei namin na labanan ako at itrato ako kaparehas ng pagtrato nila sa iba pa naming mga kaklaseng lalake.

Ayun, nasanay akong makipag-sparring sa mga lalake. Napagkakamalan tuloy akong tibo noong kolehiyo. Pero pasintabi lang, hindi ako tibo. Babaeng-babae po ako. Medyo boyish lang talaga akong kumilos. :-D

Pero ansarap pala ng feeling kapag natatalo ko sa sparring ang mga lalake. Hindi ko kasi inakalang kaya ko pala. Hindi naman dahil may lihim akong galit sa mga lalake. Nakakatuwa lang na kaya ko palang tapatan ang lakas nila. May isang beses pa nga na nagawa kong ibalibag ang mismong sensei namin! Siyempre, noong grappling na,  nakawala agad si Sensei  sa pag-ipit ko sa ulo at katawan niya gamit ang mga braso ko at hita. Pero wagi pa rin ang pakiramdam ko kasi siyempre, si Sensei yata iyon! He-he-he!

Halong isang taon din ako nag-Judo kasi nagpa-incomplete ako noong unang semestre dahil hindi ako nakarating sa final tournament namin na ginanap sa gym ng Ateneo de Manila University. Para makumpleto ko ang P.E. kong iyon, sinabihan ako ng sensei namin na kailangang sumali ako sa tournament para sa ikalawang semestre. At kapag nanalo raw ako, bibigyan niya pa rin ako ng 1.0 (uno) na grado kahit completion lang iyon.

Sa kagustuhan kong makaranas ng mataas na grado sa P.E., dumalo ako ng klase  noong ikalawang semestre sabay praktis na rin para sa tournament. 

Iyon ang talagang hindi ko makakalimutan sa Judo. Iyong tournament. Nag-organisa ang sensei namin ng Judo Tournament para sa  lahat ng estudyante niya sa UP at Ateneo.

Dahil medyo mabigat ako, isinali ako ni Sensei  sa pinakamataas na dibisyon. Kahit di ako ganoon kabigat, isinali niya raw ako doon kasi walang representative ang section namin para sa pinakamataas na dibisyon. Sa tingin naman daw niya ay kakayanin ko.

Natatandaan ko na pagkakita ko sa makakalaban ko e talagang kumabog ang dibdib ko sa kaba. E paano naman kasi, ke tatangkad ng mga makakalaban ko! Mukha nga silang mabigat pero, Diyos ko po! Pinakamaliit yata sa kanila e 5'6 samantalang 5'1" lang ang tangkad ko!

Eto pa ang malupet, para makarating ka sa final round, kailangang manalo ako sa dalawang elimination round. Bale, kung sino ang makakarating sa final round, iyon ang ikatlong beses kang lalaban.

Tapos ang mga kalaban ko, sobrang seryoso ng mga mukha. Talagang balak akong sindakin sa tingin palang. Samantalang ako, di mapigilan ang ngiti. Iniwasan ko lang na lumabas ang ngipin ko sa pagngiti kasi bawal 'yun.  Kapag talagang kinakabahan ako, minsan, dinadaan ko na lang sa ngiti para itago ang kaba ko.

Awa ng Diyos, nanalo ako! As in hanggang final round! Hindi ko mai-detalye kung papaano ako nakipaglaban kasi parang nasa state of trance ako noong mga oras na nakikipag-sparring ako.  Ang natatandaan ko lang, sabi ng kaibigan kong varsity player  na nanonood noong mga panahong iyon, para raw akong sinaniban ng ibang tao kasi parang wala lang sa akin noong hinagis ko mga kalaban kong mas matatangkad pa sa akin. Muntik ko na rin daw i-knock out 'yung nakalaban ko sa final round. Ayayay! Hindi ko sinasadya.

Anlaki talaga ng pasasalamat ko sa propesor/sensei ko kasi natuto ako ng Judo Karate. Kahit papaano, ang mga disiplinang natutunan ko sa sports na 'yun ay nagagamit ko sa pang-araw-araw kong buhay o di kaya'y tuwing umaakyat ako ng bundok. Lalo na ang stretching exercises na ginagawa namin noon.  

Napagtanto ko rin na, kaya ko pala kung gugustuhin ko. Kelangan ko lang talaga ng disiplina sa sarili, tiyaga, lakas ng pangangatawan at talas ng isip.  Hindi kasi pupuwedeng malakas ka lang, dapat marunong ka rin gumamit ng estratehiya para matalo mo ang kalaban mo. Iyon ang mga natutunan ko sa Judoka. :-)

Basta ang alam ko, eto yata ang salitang nagta-transform sa akin  kada nakikipag-sparring ako sa mga kalaban ko sa Judo--

Hajime!



P.S. Ang post na ito ay alay ko kay Sensei Roberto RamasRest in peaceSensei! Salamat po sa mga naituro ninyo sa akin sa Judo. :-)

No comments:

Post a Comment

Followers