Katatapos ko lang basahin noong nakaraang Semana Santa ang Amapola sa 65 na Kabanata, nobelang akda ng batikang manunulat na at idol kong si Ricky Lee. Simula yata noong binuklat ko ang mga pahina nito ay halos hindi ko na ito tinantanan. Kahit nga madalas ay marami akong ginagawa sa bahay namin o sa opisina, tuwing may pagkakataon ako (halimbawa—habang nakasakay sa MRT, nagpi-prito ng ulam, kapag commercial break ng mga pinapanood kong palabas sa TV o jumejebs) sinisingit kong basahin ang bawat kabanata nito. Ang husay kasi ng pagkakasulat at talagang nag-enjoy ako! :D
Minsan nga, pakiramdam ko'y nawi-weirduhan na sa akin ang mga kapwa ko pasahero sa MRT tuwing binabasa ko 'yung libro. Hindi ko kasi mapigilang tumawa lalong-lalo na sa mga eksena kung saan kinausap ni Amapola (ang pangunahing tauhan sa nobela ) ang kanyang mga alter ego na sina Zaldy at Isaac tungkol sa pagiging manananggal niya.
Ninamnam ng utak ko ang mga donut na paboritong kainin ng lola ni Amapola na si Lola Sepa at di ko rin mapigilang makisimpatiya sa kanyang unrequited love sa Ama ng Katipunan na si Andres Bonifacio. Naramdaman ko ang autentikong paghanga ng pulis na si Emil kay Super Star Nora Aunor. At tulad ni Gisele na girlfriend ni Isaac na naging manananggal, nakuha rin ni Emil ang respeto ko sa kanyang ipinakitang loyalty bilang avid fan ni Nora Aunor. Nabuwisit din ako sa twisted idealism ng politikong si Trono.
Ganoon yata katindi ang epekto sa akin nitong libro kaya napahanga na naman ako ni Ricky Lee.
Isa pang nakakabilib doon sa nobela ni Ricky Lee ay napagsaliw niya ang panahon nila Andres Bonifacio sa panahon ng Martial Law at ng kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas.
Astig talaga! Sana naman gawan ng pelikula itong Amapola. Kung gagawin siguro itong pelikula, tiyak na papatok ito sa takilya.
May suggestion ako kung sino ang mga gaganap na artista sa mga sumusunod na karakter:
- Amapola—kung hindi puwede si Rustom Padilla (BB Gandanghari), bagay dito si Paolo Ballesteros o si Martin Escudero
- Lola Sepa— kering-keri ito ni Eugene Domingo. Siya lang at wala ng iba akong nakikitang gaganap na Lola Sepa. As in. :D
- Emil—si Marc Abaya ang nakikita kong nababagay dito
- Nanay Angie—aha! Si Cherry Pie Picache! Pwede! :D
- Homer—puwedeng gumanap dito si Ping Medina o si Coco Martin. Pero pwede na rin siguro si Zanjoe Marudo para yummy. Hahaha!
- Gisele—si Glaiza de Castro o si Toni Gonzaga
- Andres Bonifacio—bagay rito si Dennis Trillo! :D
- Trono—Marvin Agustin! Need I say more?
Para sa ibang mga karakter, kahit sino, pwedeng gumanap nun.
Grabe na ito. Bigla akong na-excite. Sana magkatotoo. :D
No comments:
Post a Comment