Wednesday, April 11, 2012

Trip to Manghuhula


Pagpasok palang ng Disyembre, pinag-uusapan na namin ni Liv (dati kong classmate at housemate noong College) na pupunta kami sa Quiapo para magpahula. Gusto kasi niyang magpahula bago man lang  daw siya mag-treinta anyos. Ako naman, trip-trip lang pero nasa boundary na rin ng matinding kuryosidad.
Tipong kelangan kong gawin ito kasi limang beses na akong nag-attempt magpahula simula pa noong College ako at palagi akong bigo. Kadalasan, kung kailan malapit na ako sa unahan ng pila, sasabihin sa akin ng "manghuhula" o di kaya ng tarot at palm readers na pagod na raw sila at di na nila ako kayang hulaan. Limang beses nang nangyari 'yun. Walang palyang pagkabigo...parang kabiguan lang sa pag-ibig. :-p Kaya isa itong unfinished business na kelangan kong gawin. Tipong matter-of-life-and-death in a sarcastic tone. :D

Pagsapit ng Disyembre 18, nagkita kaming magkaibigan sa MRT Taft Avenue Station  kung saan pupunta kaming LRT Terminal para doon sumakay papuntang Quiapo. Habang nasa daan palang, hindi ko na inaasahang mahuhulaan ako. Bukod kasi sa alas-dos ng hapon na kaming umalis papunta roon, inaasahan ko na rin na mauulit ang kabiguang dinanas ko noong tinangka kong magpahula sa UP Fair noong year 2006. Sabi ko sa sarili ko, ihanda ang de ja vu kind of feeling.

Pagdating namin sa Quiapo, nagtanong-tanong agad kami kung saan ang puwesto ng mga manghuhula. Madali naming natunton ang tinuro sa aming direksiyon. Sabi ng mga nakausap namin, sa bandang Plaza Miranda raw, sa ilalim ng Mercury Drug building kung saan makikita ang LCD Billboard na ginagamit na public pay-per-view tuwing laban ni Manny Pacquiao.

Ang mga manghuhula sa Quiapo ay hindi mga tipikal na manghuhula. Inaasahan ko pa man din na makikita ko in person ang mga kamukha ni Madam Auring o Madam Rosa. Nagkamali ako. Pawang mga ordinary-looking lang ang mga manghuhula ng Quiapo. Nakasuot sila ng pantalon, t-shirt o blouse at pulseras na ayon sa kanila ay lucky charms daw. 'Yung iba naman sa kanila, may kulay pa ang buhok na animo'y hiphop na jologs lang sa riles. Paumanhin sa deskripsyon pero ganoon talaga ang itsura ng iba sa kanila.

Iginala namin ang aming mga paningin para sipatin kung sino ang manghuhula na maganda ang vibes namin. Pinili naming magpahula sa may edad na babae na simpleng-simple lang ang ayos. Nakasuot ng long sleeves na bulaklaking blusa at kupas na pantalon. May suot na dalawang bracelet na tanso at Buddha beads na dilaw sa braso, mahaba ang buhok na nakatali ng goma at may bahid lang na manipis na pulbos at lipstick sa mukha. Naglalaro sa edad 50 o 60 ang hilatsa ng mukha ni Manang Manghuhula.

Pumuwesto si Liv sa harap ni Manang at umupo sa pinagamit nitong maliit na crate ng kalapati na nagsilbing upuan nito. Tumabi naman ako sa bandang kaliwa. Akala ko ay si Liv ang unang huhulaan ni Manang pero nakita kong panay ang tingin niya sa akin. Tapos sinabi ni Manang pagkaupo namin na ako ang gustong niyang unahin na hulaan kasi may magandang nababasa raw siya sa mukha ko. Siyempre, ayoko nung una kasi gusto ko sanang si Liv na lang muna para makita ko kung paano manghula si Manang. Pero pinilit ni Manang na ako na raw ang mauna.

Pumayag na rin ako at sinimulan ngang basahan ako ni Manang ng Tarot cards at sumunod naman ay binasa niya ang palad ko. Aliw na aliw ako sa ginagawa ni Manang kasi may mga tumama siyang hinula sa akin. May mga mintis din si Manang bagama't hindi na masyadong mapapansin kasi excited kaming ng kaibigan ko na malaman ang "kapalaran" namin kahit hindi buong-buo ang paniniwala namin noong pumunta kami sa Quiapo. Ang mahalaga sa amin ay ma-satisfy ang kuryosidad naming ito.

Sa totoo lang,  hindi ko man lahat pinaniwalaan ang mga hula sa akin ni Manang pero masasabi kong maraming bagay siyang sinabi na talagang tumugma sa mga impormasyon na ako lang ang nakakaalam. Ibig sabihin nito, medyo napabilib ako ng konti kay Manang Manghuhula kahit siningil niya kami ng tig-isandaang piso para sa panghuhula niya (anak ng pating). May dagdag singil pa nga siya sa akin kasi binigyan niya ako ng kuwadradong pulang tela na may laman na matigas na bagay (buto yata o bigas) na hindi ko mawari. Pinerdible ko sa strap ng aking bra ang "anting-anting" na ito sang-ayon sa instruksiyon ni Manang para hindi na niya ako kulitin.

Iisa na lang ang naisip at hiniling ko habang papaalis na kami sa Quiapo--sana na lang ay magkatotoo ang magagandang bagay na hinula sa akin ni Manang at magsilbing isang paalala ang mga hindi naman kagandahang hula sa akin.

Ngayon ay napagpasyahan kong  hindi na ako ulit magpapahula sa Quiapo. Pero...sa oras na magkatotoo ang mga hinula sa akin ni Manang, babalik ako doon, hindi para magpahula ulit kundi para magpasalamat sa kanya.

Tapos sasabihin ko sa kanya, "Jumakpot ka sa mga hinula mo sa akin, Manang!"  Sabay ngiti ng ubod ng tamis, bilang pasasalamat. :D

Note: This entry was published at the Definitely Filipino website. See URL at--> <http://definitelyfilipino.com/blog/2011/12/11/trip-to-manghuhula/>

No comments:

Post a Comment

Followers