Matagal na pala akong hindi nakapagsusulat ng entry dito sa blog ko. Hindi dahil hindi ako brokenhearted o emo kaya kinalimutan ko na ang blog. Talaga lang yatang nakatakdang maging busy ako ngayong taong ito. Tila noong nagpasabog ng trabaho ang Diyos ngayong taong ito, e sinalo ko lahat. :D
Hindi naman masama kasi ayoko rin namang hindi maging busy para di ko maisip ang ilan sa mga bagay na nakakatakot isipin tuwing sasapit ang buwan ng Pebrero.
Tama. It's the time of the year again! Inaatake na naman ako ng kaunting alalahanin kasi nagtatanong na naman ang ilan sa mga tao sa paligid ko kung ano ang gagawin ko sa Valentine's Day. At pati yata mga kaibigan ko, naaawa sa akin at nagmamagandang loob na imi-meet nila ako sa Araw ng mga Puso at sa ibang araw na lang daw sila makikipag-date sa mga jowa nila. Ide-date raw nila ako para hindi ko maramdaman ang pag-iisa. Feeling ko tuloy, ang pathetic ko naman at kinaawaan ako ng mga kaibigan ko. Ngarks!
Pero sa totoo lang, hindi ko masyadong iniinda ang Valentine's Day kasi tuwing sumasapit ang araw na ito, may mga hindi inaasahang pangyayari sa buhay ko kaya hindi ko gaanong iniisip ang pagsapit ng araw na iyon. Halimbawa, noong 2009, nagkasakit ako. Limang araw akong bed rest kasi down talaga. Taong 2008, busy ako sa raket. Taong 2006, duty ako sa office bilang call center agent. May boyfriend ako noong mga panahon na 'yun kaso nag-away naman kasi dahil sa masama niyang ugali kaya ayun, di ko rin talaga na-enjoy ang celebration naming dalawa kasi kulang na lang, isumpa ko siya sa inis e.
Ganyan madalas ang nangyayari sa akin. Hindi ko malaman kung kelan nagsimulang malasin ang Valentine's day ko pero ang masasabi ko lang, sana naman ngayong taon na ito o sa mga susunod pang taon e ma-reverse naman ang kamalasan ko.
Ayoko rin namang makipagsiksikan sa mga taong magse-celebrate sa araw na iyon. May mga pagkakataon lang talaga na hindi ko maiwasang isipin kung kelan ko ba ise-celebrate ng maayos ang Araw ng mga Puso. Nakakasawa na rin talagang maging emo tuwing araw na ito. O kung hindi man naiinggit sa mga magsing-irog, nagpapaka-busy naman para hindi malungkot.
Kapag naranasan ko sigurong suwertihin naman sa Valentine's Day, magsisimba talaga ako para magpasalamat sa Panginoon. Nakakatawa di ba? Pero, tototohanin ko talaga 'yan kapag nagkataon. Hindi biro ang maging malungkot sa Araw ng mga Puso 'no. :-p
No comments:
Post a Comment