Sinubukan ko dati na sumulat ng kuwentong pang-komiks. Iyung kuwento, pang-Liwayway Magazine ang daloy. Sabaw ang utak ko noong sinulat ko ito 7 years ago kaya kakaiba ang kinalabasan. Basta ang sigurado ko lang, hindi ito pang-Graphic Novel. Wala pa akong kakayahang gumawa ng gano'n. Pag-aaralan ko pa ng husto. Sampung sakong bigas pa siguro ang dapat kong kainin bago ako makagawa ng Graphic Novel a la Neil Gaiman, ang paborito kong awtor ng Sandman series. Sa ngayon, eto ang kinalabasan ng sinulat kong kuwentong pang-komiks. :D
“Ang Pangarap ni Esteban Paraiso”
Page 1
Frame 1- (I.G.) Isang rumaragasang pampasaherong dyip na may lulang pasahero. Malalim na ang gabi. Inaantok ang drayber. May makakasalubong na isang trak. Yuyugyugin ng pasahero ang drayber.
Pasahero: Mama! Gising! Baka mabangga tayo!
Frame 2- (I.G.) Naalimpungatan ang drayber pero huli na ang lahat. Bumunggo ang dyip sa trak.
Frame 3-(I.G.) Sa isang sementeryo nakatayo ang isang binata at isang matandang babae sa tapat ng dalawang puntod.
Caption: Pagkalipas ng isang taon ay dinalaw ni Esteban ang puntod ng magulang kasama ang kanyang Lola Trining.
Esteban: Pangako itay, inay, tutuparin ko ang pangarap niyo para sa akin.
Page 2
Frame 4- (I.G.) Isang lalaking may matipunong katawan, maamong mukha na binagayan ng matangos na ilong at malalam na matang may malalantik na pilik, alon-alon ang buhok at may morenong balat ay nakaupo habang nakasandal sa isang mataas na punong mangga. Nangingilid ang luha sa kaliwang mata na nakatanaw ang lalaki sa lawak ng bukirin. May kasama siyang kalabaw. Nakatali ang kalabaw sa puno.
Caption: Malungkot pinagmasdan ni Esteban ang lawak ng bukiring kanyang sinasaka.
Esteban: (Self Balloon) Kung buhay lang si inay at itay…
Frame 5- (I.G.) Same scene. Insert, isang matandang babaeng may bitbit na basket na may lamang pagkain. Nakapatong ang isang kamay ng matanda sa balikat ni Esteban. Lumingon si Esteban.
Lola Trining: Apo, kain muna. Tila malungkot ka na naman.
Esteban: Lola, gusto kong pumunta ng Maynila para mag-aral at yumaman.
Lola Trining: (Self balloon) Matupad sana pangarap mo apo.
Frame 6-(I.G.) Dapithapon sa bukid na may isang kubo.
Caption: Paglipas ng panahon, unti-unting nanghina ang katawan ni Lola Trining dahil na rin sa katandaan. Tuluyang naratay ito.
Frame 7-(I.G.) Nakahiga sa papag ang lola ni Esteban. Lumuluha habang hawak ni Esteban ang kamay ng matanda.
Lola: Tuparin mo ang iyong pangarap apo.
Esteban: Lola…huwag mo kong iwan. Huhuhu.
Frame 8-(I.G.) Burol ng lola ni Esteban sa kanilang kubo. Maraming tao. Itsurang nakikiramay. Si Esteban ay nakatingin sa kabaong ni Lola Trining.
Caption: Sa burol ni Lola Trining bumuo ng pasiya si Esteban.
Esteban: (Self Balloon) Lola, hahanapin ko ang kapalaran ko sa Maynila.
Page 3
Frame 9-(I.G.) Tanaw sa bintana ng kubo ang bukang-liwayway. Nakasilip sa bintana si Esteban. Me bitbit syang malaking bag.
Caption: Maaga pa lang ay nakagayak na patungong Maynila si Esteban.
Frame 10-(I.G.) Gabi na ng makarating sa Maynila si Esteban. Bumaba siya terminal ng bus. Sa di kalayuan, may anino ng dalawang lalaking nasa likod ng isang poste.
Anino: Tiba-tiba na naman tayo nito. Hehehe.
Frame 10-(I.G.) Lumapit ang dalawang anino kay Esteban at hinoldap ito.
Holdaper: (Shout) Holdap ‘to!
Frame 12-(I.G.) Bago tumakas binugbog ng dalawang lalaki si Esteban. May isang bading na palapit at nakita ang pangyayari. Tumili ito.
Godofredo: (Shout) Eeee! Pulis! Pulis!
Frame 13-(I.G.) Sa isang apartment nagkamalay si Esteban. Nakahiga siya sa isang sofa habang pinagmamasdan ng isang lalaking naka-make-up.
Esteban: Sino ka?
Godofredo: Ako si Godofredo. Godofredo by day, Goddess by night.
Page 4
Frame 14-(I.G.) Sa isang hapagkainan, sabay na kumakain si Godofredo at Esteban.
Caption: Tuluyang inampon ni Godofredo si Esteban. Hanggang isang araw…
Godofredo: Gusto mo bang kumita ng pera?
Esteban: Oo naman.
Godofredo: Ipapasok kitang macho dancer sa Gay Bar ko.
Frame 15-(I.G.) May isang stage kung saan may nagsasayaw na mga lalaking naka-trunks. Isa sa mga lalaki ay si Esteban. Nagpapalakpakan ang mga tao sa paligid. Me mga tumitili din.
Caption: Lumipas ang ilang buwan, isa ng ganap na macho dancer si Esteban.
Frame 16-(I.G.) Isang magandang babae, mga edad 45 ngunit maganda pa rin ang hubog ng katawan ang nakaupo sa isang sulok ng bar tanaw ang stage.
Caption: Tahimik na nakamasid ang isang babae sa mukha ni Esteban.
Bella: (Self Balloon) Napakagwapo niya…Gusto ko siya.
Frame 17-(I.G.) Kausap ni Bella si Godofredo. Nakangisi si Godofredo.
Bella: Ito ang P50,000.00 para sa isang buwang kaligayahan.
Godofredo: Mula ngayon sa’yo muna si Esteban.
Page 5
Frame 18-(I.G.) Silhoutte ng babae at lalaking nagtatalik.
Caption: Tatlong linggo ng nagsasama si Esteban at Bella.
Bella: Pinaligaya mo ako Esteban.
Esteban: Mahal na kita Bella. Aaaahhh…
Frame 19-(I.G.) Nagkikipag-usap si Bella kay Esteban habang nagsisigarilyo ito.
Bella: Mahal din kita pero dapat mong malaman, baog ako.
Esteban: Wala akong pakialam. Basta mahal kita.
Frame 20-(I.G.) Sa Gay Bar ni Godofredo, me inaabot na tseke sa kanya si Bella. Malutong na tumawa si Godofredo.
Caption: Nagpasya si Bella na tubusin si Esteban kay Godofredo.
Bella: Ito ang isang milyong piso kapalit ng paglaya ni Esteban.
Godofredo: Buweno, sa’yo na siya, Dahlin’! Hahaha!
Frame 21-(I.G.) Kinasal si Esteban at Bella sa simbahan. Madaming bisita.
Caption: At kinasal si Esteban at Bella.
Mga bisita: Mabuhay ang bagong kasal!
Page 6
Frame 22-(I.G.) Magkatabi sa kama si Bella at Esteban. Nakakumot sila habang nakasandal sa headboard ng kama.
Esteban: Nahihiya ako sa’yo babe. Ako ang lalaki dapat ako ang gumastos sa kasal natin.
Bella: Tsaka ka na bumawi love. Siyangapala, pag-aaralin kita. Huwag kang tatanggi.
Frame 23-(I.G.) Same scene, change angle.
Esteban: Sa isang kundisyon. Magtatrabaho ako sa kumpanya mo bilang messenger.
Bella: Hay…Ang love ko talaga…mapride. Sige na nga.
Frame 24-(I.G.) Graduation Day ni Esteban. Nakatoga ito. Yapos si Bella habang maluwang ang pagkakangiti.
Caption: Pagkalipas ng apat na taon…
Esteban: Sa wakas gradweyt na ako! Salamat babe.
Bella: Congrats love! Simula ngayon, ikaw na rin ang hahawak sa negosyo ko.
Esteban: Salamat, babe. Dahil sa tiwala mo natupad ang lahat ng mga pangarap ko. Mahal na mahal kita.
Wakas
No comments:
Post a Comment