Wednesday, April 11, 2012

My 'Single' dilemma (Part 2)


Sabi nga nila, nakararanas din ng dilemma ang mga single na katulad ko. Humahaba ang listahan ng mga iyon sa aking isipan habang tinitingnan kanina ang pictures ng mga kaibigan ko sa Facebook. Agad kong naisip na napag-iiwanan na pala ako. Kung kelan 31 years old na ako at malapit na ang Araw ng mga Puso, tsaka pa ako nawalan ng boyfriend.

Hindi ko maiwasang bahagyang malungkot kasi kahit alam kong mahal naman ako ng mga kaibigan ko, na-realize ko na alikabok na lang ako ngayon sa mundo nila. May mga gawain na silang hindi na ako basta-basta puwedeng mag-participate at may mga lakad din sila na hindi na ako puwedeng sumama kahit yayain pa nila ako. Unti-unti ko nang nararamdaman ang mga pagbabago sa samahan namin. Naroroon pa rin ang friendship namin pero alam kong unti-unti nang nagbabago ang priorities nila sa buhay.     Kaya kahit nagrereklamo sila kung bakit parang dumidistansiya ako sa kanila ngayon, hindi ko maipaliwanag sa kanila kung ano ang dahilan ko. Baka kasi ma-misinterpret nila. Kung alam lang nila, tahimik akong lumalayo  dahil sa awkward moments na posible kong maranasan kapag pinilit ko ang sarili kong makibahagi sa bago nilang mundo at sa posibilidad na maging sagabal ako sa relasyon nila. Masaya ako na may mga kasama na sila sa buhay and I don't wanna ruin it with my presence. Kelangan nila ng intimate moments and quality time with their new boyfriends o asawa to make their relationship work. It's not really a heroic sacrifice on my part pero isa iyon sa mga desisyon na dapat kong gawin bilang kaibigan. In fact, ito ang ilan sa mga listahan ng mga lakad na hindi muna ako sasama sa kanila kapag kasama rin ang mga jowa nila:
  1.  Amusement Parks--Hindi na ako puwedeng sumama sa mga lakad nila sa ganitong mga lugar na lahat sila ay may partners tapos ako, wala, kasi awkward na para sa akin 'yun. Para na nila akong alalay kapag ginawa ko 'yun. Ano na lang ang mararamdaman ko habang lahat sila nag-HHWW or hugging while walking tapos ako e mag-isang nakasunod lang sa likuran nila at umaasang may makikita akong ibang kakilala para hindi naman ako magmukhang tanga? Sa pagsakay sa rides? Saan ako kukuha ng kasama kung wala akong partner? Buti kung may estranghero na basta na lang papayag na makapartner ko sa pagsakay sa rides. Alangan namang magrelyebo sila sa pagsama sa akin para lang hindi ako ma-out of place? E di naging parang pasanin pa nila ako imbes na mag-enjoy kami sa lakad namin?
  2. Sinehan--Siguro naman, obvious na kung bakit hindi ako pupuwedeng sumama rito. Ano ang gagawin ko sakaling habang nanonood kami, for example, ng Horror movie tapos wala akong partner? Kapag may nakakatakot na scenes, lahat sila, may puwedeng yakapin, ako, bag ko lang. Or pag romantic films, baka magsimula silang maghalikan ng mga jowa nila at ako naman, magpe-pretend na walang nakikita para hindi ako mainggit o maging uncomfortable.
  3. Swimming--Makakasama lang siguro ako kung hindi nila kasama mga boypren nila sa ganitong lakad. Pero kung kasama, hala, magmimistula siguro akong sirenang walang syokoy kapag nagkataon. Chances are, baka magmukmok na lang ako sa isang sulok at makikinig ng mga kanta sa MP3 player ko habang nagbabasa ng pocketbook.
  4. Valentine's Day gimik--Ano ang mapapala ko sa pagsabit sa lakad nila with their boyfriends on Valentine's Day? Wala. Ano ako, scorer kung sino'ng boyfriend ang may pinakamaraming humalik, ang pinaka-sweet o pinakamagaling magbitaw ng cheesy lines?
  5. Romantic Concerts--Okay, concert naman ito, maraming tao. Pero naman, kapag nagsimula na siguro naming sabayan ang kanta ng nagko-concert at nagyapusan na silang magkakasintahan, I may end up crying while singing kasi maiisip ko, bakit sila lang ang may kayakap?
At marami pang iba... Inggitera mode lang siguro ako sa paningin ng iba pero sa totoo lang, alam kong maraming single na katulad ko ang nakaka-relate sa ganitong feeling. Walang halong kaplastikan ito. Nagsasabi lang ako ng totoo. Noong mga panahon siguro na wala pa silang karelasyon ulit, sa tingin ko, medyo ganito rin ang nararamdaman nila. Kaya sana, maintindihan nila ako. Hindi ko naman puwedeng sabihin sa mga kaibigan ko na sasama lang ako sa inyo pag nagkaroon na ulit ako ng boyfriend. Para naman akong sira no'n.

Kaya ang solusyon ko rito, sasama na lang ako sa mga kaibigan ko sa galaan kapag may lakaran na marami ring single na katulad ko ang kasama sa grupo para hindi ako ma-out of place, girls' night out , gala sa mall, rock concerts o adventure trip. Sa ganoong paraan, hindi ko mararamdaman na nag-iisa ako kahit kasama ko naman sila. At higit sa lahat, hindi ko mararamdaman ang mumunting inggit na posibleng maging dahilan ng kalungkutan ko.

At sa nararamdaman ko naman ngayon, sa tingin ko, lilipas din kaagad ito kapag natapos na ang love month. Siguro kaya ako nagkakaganito ngayon dahil sa love bug na naglipana sa paligid. Pero kapag nairaos na ng mga tao ang Valentine's Day, I'm sure, back to normal na ulit kaming lahat. :)

No comments:

Post a Comment

Followers