Para akong pasikwat (uppercut) na sinuntok sa pagkahilo matapos kong maamoy ang umaalingasaw na kilikili ng katabi kong babae sa dyip. Amoy bulok na sibuyas at paminta ang kilikili niya. Pasensiya na pero talagang nahilo ako at na-inspire tuloy akong isulat dito sa blog ko ang karanasan ko kani-kanina lamang bago ko makalimutan ang 'pamatay' niyang 'sikreto' na talaga nga namang kahit hindi niya ipagkalat ay kusang aalingasaw ang amoy.
Kumapit yata sa ilong ko ang body odor noong babae. Hanggang ngayon ay parang naamoy ko pa rin ang masangsang niyang kilikili na pakiramdam ko'y hindi ako lulubayan hanggang panaginip.
Hindi ko naman kasi maintindihan kung bakit hinayaan ni Ate na mangamoy ng ganoon ang kilikili niya samantalang mukha naman siyang disenteng tingnan sa suot niyang unipormeng pang-opisina. Sa tingin ko rin ay hindi pa naman siya ganoon katanda para kalimutan ang kanyang personal hygiene. Katunayan, mukha ngang wala pang kuwarenta ang edad niya dahil wala pa siyang pileges o wrinkles at itim na itim pa ang kanyang kulot na buhok. Maganda rin ang pagkakalagay niya ng make-up sa kanyang mukha. Ni hindi humulas ang kanyang cake foundation kahit tumutulo na ang pawis niya sa init ng panahon. Sadya nga lang yatang talaga na nakalimutan niya ang isa sa pinaka-importanteng aspeto ng kanyang hygiene, at iyon ay ang pagpapahid ng deodorant matapos maligo (mas mainam kung may antiperspirant ingredients para pasok sa banga).
Alam kong maalinsangan ang panahon ngayong summer at talagang tatagaktak ang pawis ninuman. Pero Diyos ko po naman, sana lang talaga ay gumamit siya ng matinding pangontra laban sa kanyang 'sikreto' nang hindi niya naaagrabdayo ang kapwa niya pasahero. Hindi naman masamang gumamit ng deodorant. Sa panahon ngayon, kakampi nating lahat ang deodorant sakaling mawala na ang epekto ng paliligo sa katawan natin.
Kung maldita lang siguro ako, baka inaway ko na 'yung babae. Buti na lang at nakapagtimpi pa ako. Sinikap ko na lang na hangga't maaari ay pigilan ang paghinga ko para hindi ko maamoy ang putok niya.
Hindi lang sa dyip ko nararanasan ang mga ganitong klase ng 'paputok.' Sa katunayan, mas matindi pa ang mga karanasan ko sa loob ng MRT lalong-lalo na tuwing rush hour at kinakailangan kong umuwi ng maaga-aga sa bahay. Bagama't hindi na halos mahulugang-karayom sa dami ang mga pasahero sa loob ng MRT, marami pa rin ang pilit na isinisiksik ang katawan nila sa loob ng tren kahit parang sirang plaka na sa pagsasabi ang piloto ng "Next train na lang po para sa ibang hindi makasasakay. Next train na lang po." Malas ang mapapatapat sa taong may putok at nagmamantika sa pawis at pagkatapos ay pinagduduldulan pa talaga sa pagmumukha mo ang kanilang pawisang kilikili. Anak ng bulok na patatas talaga kapag rush hour, oo. Kung hindi lang siguro magkakagulo ng husto sa MRT, malamang baka may nagkasuntukan na dahil doon.
Pagsapit ng dyip sa destinasyon ko, hinayaan ko na ang sarili kong huminga. Animo'y kumawala na sa pagkakagapos ang mga baga ko. Pagbaba ko talaga sa dyip, muntikan pa akong mabangga ng mga dumaraan na sasakyan kasi bumahing ako ng bonggang-bongga matapos makawala sa kilikili powers noong Ale. Pero, laking pasasalamat ko at nakalayo na rin ako sa kanyang kapangyarihan.
Ayan, makakatulog na ako ng maayos. Balik-normal na ulit ang pang-amoy ko! :-D
No comments:
Post a Comment