Kamakailan lang habang naglilinis ako ng kuwarto ko, nakita ko ang aking lumang photo album. Napapangiti ako sa bawat buklat ko ng mga pahina nito. Bahagyang naninilaw na ang mga litratong nakadikit doon. Lampas isang dekada na kasi ang mga ito. Tahimik akong nagpasalamat sa hangin kasabay ng pagkipkip ko nito sa aking dibdib. Piling-pili lang ang mga litratong nakadikit doon na karamihan ay larawan ng mga naging kaibigan ko noong nasa kolehiyo palang ako. Kung tutuusin, kakaunti lang ang mga naroroon pero sapat na ang mga iyon para malaman ng mga makakakita kung gaano kakulay ang buhay-kolehiyo ko.
Nag-iisa na lamang ito dahil binaha kami ng maraming beses at halos wala na akong iba pang mga naisalba. May mga natira pa naman kaming mga photo album pero karamihan sa mga litrato na naroroon ay pag-aari na ng mga magulang at mga kapatid ko. Nakakalungkot din kasi halos wala akong souvenir photos noong mula kinder hanggang high school.
Napadako ang tingin ko sa litrato namin ng mga barkada ko sa UP noong kolehiyo. Mga neneng-nene at totoy na totoy pa ang dating namin noon. Lahat ay pawang mga nakangiti. Animo'y walang problemang bumabagabag sa bawat isa sa amin pero ang totoo'y marami na rin kami noong mga naranasang pagsubok sa buhay. Hindi nga lang halata kasi tulad ng mga tipikal na teenagers, dinadaan namin sa mumunting kasiyahan tulad ng inuman, daldalan o pamamasyal sa mga mall ang mga hinaing namin sa buhay.
Sumisikdo ang dibdib ko sa mga alaala ng mga masasayang araw na kasama ko ang mga kaibigan ko. Karamihan sa kanila, nakakausap at nakaka-chat ko pa rin sa tulong ng cellphone, Yahoo Messenger at Facebook. Kapag nagtutugma ang schedules namin, sinisikap pa rin namin ng mga kaibigan ko ang magkita-kita upang makibalita tungkol sa buhay-buhay ng bawat isa sa amin.
Iyong iba ko namang mga kaibigan, may kanya-kanya na ring pinagkakaabalahan kaya hindi ko na sila nakikita o nakakausap. Pero ayos lang. Ang mahalaga, maayos naman ang kalagayan nila sa buhay. Tutal, hindi naman masusukat ang pagkakaibigan sa daming beses ng pagkikita ninyo kundi sa trato pa rin ninyo sa isa't isa kapag nagkita na kayong muli.
Nakapako pa rin ang mga paningin ko sa pahina ng photo album kung saan naroroon ang litrato namin ng mga barkada ko. Habang patuloy na dumadaloy sa diwa ko ang nakaraan, sinalat nga mga daliri ko ang larawan ng matalik kong kaibigan na si Ronald. Nakakaloko ang kanyang ngiti roon na animo'y may balak siyang gawing kalokohan. Maging ang mga mata niyang may malalantik na pilik na akala mo'y pilik-mata ng babae ay nakangiti rin. Makulit ang tabas ng kanyang mukha sa larawan. Labas pa nga ang kanyang dimples na parang butil lang ng bigas sa liit. Sinungayan pa niya roon ang isa sa mga kaibigan naming babae na nasa harapan niya ng hindi nito namamalayan.
Bawat anggulo ng mukha niya ay nagsasabing masayahin siyang tao. Pero tulad din ng iba, nakararanas din siya ng matitinding problema pero hindi niya ipinahahalata sa lahat.
Sa kabila ng pagiging makulit niya, alam kong mabuti at matulungin siyang kaibigan. Naging saksi pa nga ako kung paano niyang dinamayan ang isa sa mga barkada naming babae na inatake ng epilepsy. Pinagtulungan naming dalhin sa ospital ang kaibigan namin at binuhat pa ito pagpanhik ng hagdan patungong ikaapat na palapag ng building kung saan nakatira ang kaibigan namin. Ni hindi man lang siya nagreklamo. Ganyan siyang kaibigan. Basta't hangga't kaya niya, tutulungan ka niya.
At paminsan-minsan, lumalabas din ang kaseryosohan niya sa buhay. Marunong din siyang malungkot. At higit sa lahat, marunong siyang magmahal at naranasan na rin niyang masaktan. Nakita ko ang bahaging ito ng kanyang pagkatao lalong-lalo na noong nakipaghiwalay sa kanya ang una at huli niyang naging girlfriend matapos ang anim na taon nilang relasyon. Kahit pinipilit ko siyang paaminin kung sino ang may kasalanan sa relasyon nila, pinanindigan niya ang pagiging gentleman at wala siyang sinabi sa aking masama tungkol sa kanyang ex-girlfriend. Personal kong nakita kung paano siyang nalungkot at halos maiyak nang ibalita niya sa akin iyon, kasabay ng pagkain ng mais sa paborito naming tambayan sa dati naming pinapasukang unibersidad.
Ilang buwan bago sumapit ang Enero 2010, nagkita pa kaming dalawa sa SM Megamall. Nalaman ko na balak niyang maghanap ng trabaho sa ibang bansa at plano niyang subukang mag-apply sa Singapore. Naging interesado ako sa plano niya at kako, sasama ako para makipagsapalaran din doon. Matapos magkasundong gawin ang mga planong iyon, sinabi niya sa akin na libre siyang makipagkita sa ikatlong linggo ng Enero 2010 para pag-usapan ang pagpunta namin sa Singapore.
Kaya noong hatinggabi ng Enero 10, 2010, hindi ko lubos maisip at nahirapan akong paniwalaan kaagad ang hatid na balita mula sa text message ng kabarkada naming si Yamee na nagsasabing patay na si Ronald. Namatay daw ito ng madaling araw ng Enero 10 mismo. Paano kakong mangyayari 'yun e may usapan pa kami na magkikita sa ikatlong linggo ng Enero? Sinabi ko kay Yamee na huwag siya kakong magbiro ng gano'n. Pero ayon sa kanya, tingnan ko raw ang Facebook account ni Ronald kasi nag-post daw doon ang Kuya nito at sinabi ang masamang balita. Imbes na mag-log in sa Facebook, tinext ko ang number ni Ronald at pabiro pa itong tinarayan at sinabing huwag kako siyang magbiro at sabihin sa akin kung may problema siya kesa ipagkalat niyang patay na siya.
Noong mga panahon na iyon, siguro mga treinta minutos kong hinintay bago maka-receive ng reply. Ang sumagot sa akin, 'yung kuya niya. Sabi sa text, "I'm sorry. But, I'm afraid that what you've heard is true. My brother, Ronald, died in his sleep..."
Nanlambot ang mga tuhod ko matapos mabasa iyung text. Tandang-tanda ko pa na para akong naubusan ng hangin at napaupo ako sa sahig. Tumulo ang mga luha ko ng walang babala hanggang sa mauwi iyon sa hagulgol. Putsa! Bakit gano'n? Kung sino pa 'yung mabait, siya pa iyong maagang namatay? Sa isang iglap, nawalan ng buhay ang kaibigan ko. Sa isang iglap, hindi na namin makikitang muli ang kanyang mga ngiti. At lalong hindi na rin namin maririnig ang kanyang mga korning jokes, mataginting na mga halakhak at mga pang-aasar na walang humpay.
Hanggang ngayon, tuwing bumibisita ako sa Facebook page ni Ronald (na buhay pa hanggang ngayon dahil hindi ito dineactivate ng kapatid niya), pakiramdam ko ay nasa paligid lang siya at pagala-gala lang sa iba't ibang panig ng Pilipinas o di kaya'y patuloy pa ring naghahasik ng kakulitan, katatawanan at kasiyahan sa aming mga kabarkada niya.
Kaya paminsan-minsan, katulad ng iba pa niyang mga kaibigan, dinadalaw ko pa rin ang Facebook account niya at nagpo-post pa rin ako ng comments doon lalo na kapag ako'y malungkot o masaya. Feeling ko kasi ay nasa paligid lang siya at binabasa ang mga mensahe namin.
Kaya para sa iyo Ronald, maraming salamat sa masasayang alaala at sa iyong kabutihan. Rakenrol sa langit, bro! Siguradong masaya ka diyan kasama si Lord, San Pedro at ang mga nagse-seksihang anghel sa langit. Hanggang sa muli nating pagkikita...
sa langit.
Note: Long overdue na ito, bro. Dapat noong 2010 ko pa ginawa kaya lang... A e, teka lang, hindi na ako magpapaliwanag. Basta eto na ang bunga ng paglilinis ko ng kuwarto ko.
No comments:
Post a Comment