Nginingitian ko at binabati ng 'magandang umaga' ang pinakapaborito kong mag-asawang matanda na palagi kong nakakasalubong sa dinaraanan ko tuwing naglalakad ako papasok ng opisina. Magkasalikop ang kanilang mga palad. Kapit na kapit ang inuugat nilang mga kamay sa isa't isa na animo'y may lihim silang kasunduan na walang bibitiw sa kanilang dalawa sa hirap man o sa ginhawa, tamaan man sila ng rayuma o hindi o kahit manlambot na ang kanilang mga tuhod sa paglalakad.
Naglalaro sa edad 70 pataas ang kanilang edad pero mistula pa rin silang mga bagong kasal kung pagbabatayan ang sweetness nila sa isa't isa. Palaging magka-holding hands while walking o HHWW sina Lolo at Lola (Note: Hindi ko po sila kamag-anak. Ito lang ang tawag ko sa kanila bilang respeto.) kaya ang mga katulad kong regular nilang nakakakasalubong sa paglalakad ay hindi maiwasang ngumiti at kiligin. May mga panahon din na nakikita ko na pinupunasan ni Lolo ng bimpo ang pawis sa likod ni Lola o di kaya'y tinatapik ng marahan ang ibabaw ng palad nito na tila ba nagsasabing huwag itong mag-alala sa kung anuman ang bumabagabag dito.
Napakatamis talaga ng pagtitinginan ng mag-asawang ito. Sa panahon ngayon na uso na ang diborsyo o annulment, bibihira na ang ganitong klase ng pagsasama na pinatatag ng panahon. Ngayon kasi, kapag nag-away ang mag-asawa, naghahamunan kaagad ng hiwalayan. Ang iba nama'y kaliwa't kanan kung makiapid bilang ganti sa isa't isa o kaya'y bonggang-bonggang nagwo-walk out, iniiwan ang pamilya at pinababayaan ang mga anak.
Kaya tuwing naglalakad ako, excited akong makita ang mag-asawa kasi parang may mainit na palad na humahaplos sa puso habang pinagmamasdan ko ang kanilang pagmamahalan. Kahit hindi ko sila kakilala, masaya ako para kay Lolo at Lola kasi kabilang sila sa mga tao sa mundo na pinalad matagpuan ang nakatakda nilang mahalin hanggang kamatayan. Lihim ko nga ring ipinagdarasal na sana, katulad ni Lola, matagpuan ko rin 'yung lalaking nakalaan para sa akin.
Isang araw, tulad ng nakagawian, muli akong naglakad-lakad bago pumasok sa opisina. At nakasalubong ko ulit si Lolo. Pero, napansin ko na hindi niya kasama si Lola. Mag-isa lang siyang naglalakad. Hindi ko napigilan ang sarili kong tanungin sa kanya kung nasaan si Lola. Lumungkot ang mga mata ni Lolo at lalong kumulubot ang kanyang mataas na noo nang marinig ang tanong ko. Sinabi niya sa akin sa paos na tinig na nasa ospital ang kanyang butihing maybahay at kasalukuyang nagpapagaling sa sakit nito. Hindi na binanggit sa akin ni Lolo kung ano ang sakit ni Lola. Gayunpaman, sinabi ko sa kanya na sana ay gumaling na si Lola at binanggit ko na rin na kabilang silang mag-asawa sa mga inspirasyon ko sa buhay at masaya talaga ako tuwing nakikita ko sila.
Nginitian ako ni Lolo at nangakong ipararating kay Lola ang sinabi ko.
Pagkalipas ng araw na iyon, hindi ko na muling nakita pa si Lolo. Namalayan ko na lang na ang isang linggo ay naging dalawang linggo, ang dalawang linggo ay naging isang buwan, hanggang sa halos anim na buwan na ang lumipas, hindi ko na nakakasalubong maglakad ang mag-asawa.
Bahagya ako ng nalungkot pero inisip ko na lang na baka may iba silang pinagkakaabalahang mag-asawa o baka nagpunta sila sa ibang lugar kasama ang mga anak nila.
Ngunit, kamakailan lang, pagkalipas ng humigit-kumulang ay anim na buwan, nagkita kaming muli ni Lolo. Mag-isa lang ulit siyang naglalakad. Malungkot ang kanyang mga mata na parang anumang sandali ay iiyak ito. Halos walang kalutay-lutay siyang naglalakad. Nakatingin sa kawalan ngunit, mararamdaman mong nag-iisip ng malalim. Hindi nga niya napansin na pinagmamasdan ko ang bawat kilos niya habang papalapit siya sa akin. Panaka-naka'y tumitingala siya sa langit.
Hindi ako nakatiis at binati ng 'magandang umaga' si Lolo. Doon naputol ang malalim niyang pagmumuni-muni. Umaliwalas ang malambong niyang mga mata at ngumiti siya sa akin ng hindi umaabot sa kanyang mga mata ang kanyang ngiti, sabay binati niya rin ako ng 'magandang umaga.' Pagkatapos ay tinanong ko kung kumusta na si Lola. Sa isang iglap, na tila isang pitik sa hangin, ay nanumbalik ang lungkot sa mga mata ni Lolo. Sa paos niyang tinig, ani niya, "Kapiling na niya ang Panginoon, anak."
Nalungkot at bahagya akong nagulat sa ibinalita ni Lolo. Ngunit, hindi ko magawang itanong sa kanya ang dahilan ng pagkamatay ni Lola. Pakiramdam ko kasi, magiging napakasama kong nilalang kapag inungkat ko pa sa kanya iyon. Humingi na lang ako ng paumanhin; sinabi sa kanya na "Condolence, Lolo. Sa tingin ko po ay masaya na sa Langit si Lola;" at pagkatapos ay magalang na nagpaalam sa kanya.
Habang papalayo ako sa butihing matanda, umusal ako ng maikling panalangin para sa kaluluwa ni Lola.
Naisip ko tuloy, parang kailan lang, magkasama silang naglalakad, magka-HHWW... Ambilis talaga ng buhay. Ano na kaya ang mangyayari kay Lolo ngayong wala na si Lola? Panahon na lang siguro ang makakapagsabi kung kelan sila magkakapiling sa langit.
Simula noon, nag-iba na ako ng rutang dinaraanan. Baka kasi kapag maging si Lolo ay hindi ko na rin makasalubong sa paglalakad e lalo akong malungkot.
Ilang araw ko na ngayong hindi nakikita ang mga inspirasyon ko pero dito sa puso ko ay iisa lang ang sigurado, babaunin ko sa aking mga alaala ang dakilang pagmamahalan nina Lolo at Lola.
No comments:
Post a Comment