Kami: Sa UP po.
Madam Nora: Aba'y UP pala. Pero daig ko kayo, mga anak. Sa UD ako gradweyt.
Kami: UD po?? Ano po 'yun? University of Dumaguete?
At pumainlanlang sa ere ang hagalpak ng tawa ni Madam Nora. Animo'y pumapalakpak sa hangin ang timbre ng kanyang boses. Hindi niya alintana kung magtalsikan man sa aming mga mukha ang kanyang laway, laway na siyang naging puhunan niya noong mga panahong tindera pa lamang siya ng damit sa Divisoria na pag-aari ng isang mayamang Instik.
Aksidente namin siyang nakilala nang mapadpad kami sa kanyang restaurant, sa Nora's Beach Resort, habang naghahanap nang makakainan sa Pundaquit, Zambales.
Disyembre 10, 2011, kadarating lang namin noon ng Zambales mula sa Quezon City . Balak namin ng mga opismeyt ko na gumala sa Anawangin, Capones Island at Nagsasa Cove pantanggal ng stress dulot ng bakbakang trabaho simula pa noong isang linggo . Balitang-balita kasi ang malaparaisong kagandahan sa mga lugar na iyon lalong-lalo na ang Light House sa Capones at mala-New Zealand ang kagandahan ng Nagsasa Cove.
Matapos ang mahigit apat na oras na biyahe sakay ng Victory Liner Bus (ang pamasahe ay Php270.00 mula Cubao, Quezon City patungong San Antonio, Zambales) nang halos walang laman ang aming mga tiyan maliban sa kape at donut, dumating kami sa San Antonio sa Pundaquit bandang alas-onse ng umaga kaya kumakalam na talaga ang mga sikmura namin. Sumakay kami ng traysikel na ipinadala ng resort kung saan kami nagpa-reserba ng kuwarto. Pagpasok sa inupahan naming kuwarto, pinag-usapan kaagad kung saan kami kakain. Siyempre, akala namin ay may restaurant sa tinutuluyan naming resort sa SIR WILLIAMS COTTAGE. Kaso, wala. Ayon sa may-ari, tuwing Summer lang bukas ang restaurant nila. Ansaklap. Konsolasyon na lamang ang kuwarto naming airconditioned na may cable TV, maayos na CR at Php4,000.00 ang halaga ng renta for 2 days and 1 night good for 10 people. Mabait pa ang may-ari kasi noong Mayo 16 pa kami nagpa-reserba pero Disyembre na kami dumating. :-D
Krrrrrkk. Kumulo ulit ang tiyan namin dahil sa gutom.
Lumabas kami ng kuwarto at determinadong naghanap ng makakainan sa paligid ng resort. Lumakad kami sa buhanginan patungong dalampasigan kung saan matatagpuan ang iba pang beach resorts. Habang naglalakad sa mga mala-pamintang durog na buhangin, nagmumuni-muni na ako kung ano ang puwede kong kainin. Inisip ko, dahil malapit kami sa dagat, siguro naman, maraming mabibilhan na seafood doon. Matapos maglakad ng halos isang kilometro, huminto kami sa tapat ng mga bakod na yari sa kawayan. Na-ispatan kasi ng opisymeyt kong lalaki ang karatula ng NORA'S BEACH RESORT. Pulang-pula ang pinturang ginamit sa pagsusulat ng pangalan ng resort. Tumambad din sa amin ang restaurant nito na may mini-bar. Tamang-tama lang sa aming pangangailangan sa mga oras na 'yun.
Pumasok agad kami sa nakabukas na kawayang bakod ng resort at naghanap ng serbidora at menu. Sinalubong kami ng nakangiting serbidora na sa palagay ko ay lampas kuwarenta na ang edad, may chinitang mga mata at biloy sa pisngi. Suot ni Ate, berdeng body fit blouse na bumagay sa morena niyang kulay at voluptuous na katawan. Binigyan niya kami ng menu at parang mga batang halos sabay-sabay kaming umorder ng pagkain. Iniwan kami saglit ng serbidora para sabihin sa kanilang cook ang aming mga inorder.
Eto ang aming mga inorder: dalawang baso ng calamansi juice, dalawang order ng pinaputok na isda, dalawang order ng pritong tilapia, limang order ng bagong saing na kanin at isa't kalahating order ng sinangag, pritong itlog at hamsilog.
Sa kasamaang-palad, wala raw silang pinaputok na isda at iisa na lang ang pritong tilapia. Siyempre, nagpalit kami ng order. Kaso, halos kasasabi palang iyon ni ate, bumalik ulit siya sa amin para sabihing available pala pritong tilapia. Sa totoo lang, tatlong beses pa ulit siyang nagpabalik-balik sa amin para bawiin ang kanyang mga sinabi. :-p Halatang hindi kabisado ni Ate ang mga available na pagkain sa restaurant nila. Pero dahil dayo lang kami sa lugar na 'yun at hindi peak season kaya marahil maraming saradong kainan, mahaba ang pasensiya namin at hindi uminit ang mga ulo.
Doon kami napansin ng isang may edad na babaeng may kulay ang buhok, naka-lipstick na sing-pula ng dugo, nakasuot ng bulaklaking t-shirt, blue capri pants na maong at relo. Si Madam Nora.
Lumapit siya sa amin sa ikaapat na beses na paghingi ng paumanhin ng serbidora dahil nga hindi available ang ilan sa mga pagkain na inorder namin. Kinumusta niya kami at humingi rin ng paumanhin sa kakulangan ng kanilang restaurant. Ipinaliwanag niya na kung pumunta kami sa resort ng Summer, malamang daw ay available ang lahat ng mga inorder namin.
Maaliwalas ang bukas ng mukha ni Madam Nora. Bagama't bahagyang kulubot na ang kanyang balat dahil senior citizen na siya, maamo ang dating ng kanyang mukha dala ng kanyang mapupungay na mga mata na may bahid ng white glittering eye shadow ang mga talukap. Malapad na ngiti rin ang kanyang isinalubong sa amin noong kinausap niya kami.
Siguro dahil sa mukha kaming mga estudyante bagama't naglalaro na sa mid-20s at 30s ang aming mga edad (ehem! hehe!), ginanahang makipaghuntahan sa amin si Madam Nora. Hindi ko na matandaan kung paanong dumako sa kanyang mga korni ngunit mabentang jokes ang usapan, pero namalayan ko na lang na walang humpay kaming tumatawa kada humihirit si Madam Nora. Another example ng kanyang banat--
Madam Nora: Ang mga anak ko napagtapos ko lahat ng College! May dentista, midwife at attorney. Kaya lang, dentistang ni ngipin ng aso e wala pang nabubunutan, midwife na hindi pa nagpapaanak kahit kelan at attorney no case!
Ako: Hala, bakit naman po?
Madam Nora: 'Yung dentista at midwife, nagtrabaho sa Spain bilang OFW. 'Yung attorney, siya nag-manage ng restaurant namin sa San Antonio malapit sa munisipyo.
Kami: Iyun naman pala e. Naksss!
Sobrang kalog ni Madam Nora. Bukod sa kanyang jokes, ikinuwento rin niya sa amin na dati niyang nakasama at naging kaibigan sa Divisoria si Senator Manny Villar. Tindero rin daw ng RTW goods si Villar. Sayang nga raw at wala silang litratong dalawa gayong hindi niya akalaing magiging sikat ito.
Sinabi rin niya na noong bata palang daw siya, pangarap na raw niyang maging amo. At ngayon nga, isa na siya sa mga nagmamay-ari ng mga sikat na resort sa Pundaquit. Sa katunayan, ang resort niya ang pinakamatandang resort sa lugar na 'yun nang itinayo iyon noong 1997. Take note: hindi siya gumamit ng internet o advertisements para sumikat ang kanyang resort kundi through word of mouth lang daw.
Bawat dumadalaw raw sa resort nila ay inaasikaso nila ng maayos at tinitiyak na masarap ang kanilang inihahaing pagkain para hindi raw magsisi ang mga ito na napadpad sila roon. At talaga nga namang maski kami mismo, mapapatunayan namin na masarap ang pagkain nila lalo na ang timpla ng sinigang na tilapia (sa halagang Php200.00 pero bandehado sa dami ang sabaw at gulay kaya sulit) at ultimo ang kanilang sinangag na nilagyan ng butter.
Ayon na rin kay Madam Nora, minsan, nagkaroon siya ng bisitang Amerikano sa resort nila. Nakakuwentuhan din niya 'yung dayuhan. Nagulat na lang daw siya ilang buwan mula noon nang mabalitaan niya mula sa kanyang mga anak na napasama ang NORA'S BEACH RESORT sa pamosong travel magazine na Lonely Planet (http://www.lonelyplanet.com/magazine/). At bukod pa roon, na-feature din ang kanyang resort isang magazine show ng ABS-CBN.
Sinong mag-aakala na ang dating tindera sa Divisoria ay malayo ang mararating? Kaya sa maikling sandali na naka-kuwentuhan namin siya, napabilib kami ng mga opismeyt ko kay Madam Nora.
Sabi nga ng kalog at butihing may-ari ng NORA'S BEACH RESORT, patuloy lang daw kaming mangarap at baka isang araw ay matupad din namin iyon katulad nang nangyari sa kanya. Sipag, tiyaga at kabutihan ng loob lang daw ang mga sikreto niya sa pag-unlad.
Sa kabaitan niya at sa tuwa na rin niya sa amin dahil sa magiliw naming pakikipagkuwentuhan sa kanya, nilibre niya kami ng pagkasarap-sarap na dalawang mangkok ng ginisang munggo na may ampalaya.
At bago kami umalis sa kanyang restaurant matapos bayaran ang mga kinain namin, nagpa-picture muna kami kasama si Madam Nora bilang souvenir. :-)
No comments:
Post a Comment