Wednesday, April 11, 2012

Misyon: Akyatin ang Mt. Pulag


Photo Credits: http://asias-world.com/en/national-parks/mt-pulag-national-park/index.cfm
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maipinta sa utak ko na darating ang oras at muli ko na namang masusubukan ang tatag ng baga, tuhod, kalamnan at mga buto-buto ko sa napipintong pag-akyat namin ng mga barkada ko, dalawang buwan mula ngayon, sa Mt. Pulag.

Pinaghalong kaba at kasiyahan ang nararamdaman ko habang papalapit na ang araw ng aming pag-akyat . Sino ba naman kasi ang hindi kakabahan sa bundok na 2,922 meters above sea level ang taas? E mahigit dalawampung taon na ang nakalilipas noong huli kong naranasang umakyat ng bundok kasama ang tatay at mga kapatid ko. Bukod sa hindi na ganoon kalakas ang pangangatawan ko sa ngayon, hindi na rin ako kasing-payat tulad ng dati. At, wala na rin akong masyadong ehersisyo simula noong nagta-trabaho na ako sa opisina. Kaya pakiramdam ko, may pressure sa aking magtagtag ng katawan at ayusin (kahit pansamantala man lang) ang lifestyle ko. Malay natin, baka pumayat ako bilang resulta ng jogging at tamang diet. :-p

Kada naririnig ko tuloy ang mga salitang "Mt. Pulag, bundok at pag-akyat" ay napapasinghap ako sa kaba at bumibilis ang pintig ng puso ko. Sa totoo lang, excited ako pero natatakot din sa isang banda kasi, ayon sa isa naming kasamahan noong umattend ako ng pre-climb meeting namin sa Trinoma Mall sa Quezon City, ang talagang magiging kalaban namin sa pag-akyat sa Mt. Pulag ay ang pagod, lamig, pag-ulan at pati na rin ang mga supernatural being na  nakatira doon.

Ayon sa organizer namin na boyfriend ng kaibigan ko, ang tatahakin daw namin ay ang Ambangeg Trail dahil ito ang pinakamadaling daanan papunta sa Mt. Pulag summit. Kahit daw physically challenged ay kakayanin ang daang ito. Katunayan, pinabasa pa niya sa amin ang kuwento ng mga amputee na nakaakyat na sa tuktok ng Mt. Pulag sa tulong ng isang fraternity organization mula sa UP College of Medicine. Huwag daw kaming matakot o panghinaan ng loob. Kelangan lang ng kaunting paghahanda o preparasyon para lumakas ang aming pangangatawan sa araw ng pag-akyat namin. Ika nga niya, "Do your morning run."

Kaya ayan, pagkalipas ng tatlong taong pamamahinga sa pagtakbo, muli na naman akong ginanahang mag-jogging  sa palibot ng Academic Oval sa UP Diliman. Simula ng pagpasok ng Marso 2012, dalawang beses kada isang linggo ko nang nakakasalubong ang ibang joggers sa UP at kabilang na rin ako sa mga babaeng jogger na nakikipag-apir kay Zorro, ang resident hero ng aming Unibersidad.
Bukod sa paghahandang pisikal, kailangan ko ring paghandaan ang mga dapat dalhin sa Mt. Pulag. Eto ang checklist ng mga dapat daw naming dalhin o isuot:
  1. Hiking/Trekking shoes
  2. Water proof jacket
  3. Raincoat
  4. Trekking Pants
  5. Thermal Leggings
  6. Socks
  7. Gloves
  8. Bonnet/Cap
  9. Scarf
  10. Extra T-shirts with sleeves (kung may long sleeves, better)
  11. Blanket
  12. Head lamp
  13. Flashlight
  14. Camera
  15. Extra Batteries
  16. Trekking pole
  17. Citronella/Lemon Grass bug spray
  18. Rubbing alcohol
  19. Tissue /Wet wipes
  20. Basahan
  21. Shovel
  22. Lighter
  23. Garbage bag
  24. Whistle
  25. Petroleum jelly or lip balm
  26. Sunblock lotion
  27. Drinking water (at least 2 liters)
  28. Cellphone (fully charged)
  29. Food (ex: chocolate, candy, canned goods, bread, pwede ring cup noodles kung may magdadala ng portable kalan, fruits—basta mga pagkain na di nagpapa-jebs)
  30. Mess kit (plates o baunan, cup, spoon and fork)
  31.  First aid kit (medicines such as Biogesic, Imodium, Bonamine, Kremil-S and oresol—pwedeng salt +sugar+water; betadine, Efficascent Oil or Sanitary Balm, Aceite de Manzanilla or baby oil, band aid, bandage, masking tape, scissor)
  32. Sleeping bag (kung kaya pang dalhin)
  33. Extra cash, ID card and extra foot ware like sandals
  34. Absorbent towels
Sana lang madala ko ang lahat ng mga gamit na ito. Kaya ngayon palang, unti-unti ko nang binibili ang mga dapat kong dalhin doon sa bundok. Magastos pala ang adventure na ito. Pero ayos lang. Siguro naman, magagamit ko pa ang mga bibilhin ko sa mga susunod ko pang mga lakad. Hindi ko naman ambisyon na karirin ang pag-akyat ng mga bundok. Pero sakaling magkaroon ulit ng oportunidad (ito ay kung magtatagumpay din ako sa pag-akyat sa Mt. Pulag), sasama pa rin ako. Sayang e. Pagkakataon ko na rin iyon para masubukan ang mga ganitong adventure habang hindi pa ako nagkakarayuma. :D

Naisip ko lang, sino kaya ang makakasama ko sa pagtulog sa tent kapag nag-camping na kami roon? Makayanan ko kaya ang pag-akyat sa bundok? Makayanan kaya ng katawan ko ang lamig? Hindi kaya ako maging problema sa grupo? Sana naman hindi. Gusto ko rin talagang subukan ang gawaing ito. Kaya sa ngayon, todo handa ako. Bawal magkasakit!

Pag narating ko ang tuktok ng Mt. Pulag, promise ko sa sarili ko, magpapakatino na talaga ako. :D

No comments:

Post a Comment

Followers