Tuesday, April 17, 2012

Kemerloo: our resident cat


Kinutuban ako na lalaki nga talaga 'yung pusa ng kapitbahay namin. At balak pa nga yata niyang buntisin si Kemerloo, ang aming resident cat na sa totoo lang e hindi talaga namin opisyal na pagmamay-ari  at naki-iskwat lang sa bakuran namin. At ang diyaskeng pusa, malandi! May mga oras na hindi ako pinatulog kasi nakipaghabulan sa bubong at panay ang ungol at ngiyaw na parang nasasarapan habang ginagahasa ng kung sinong pusa.

Saan nga ba nanggaling si Kemerloo? Paano siya napadpad sa bahay namin? Ganito 'yun, anak siya ng pusa ng kababata ko. Noong lumipat na ng tirahan ang pamilya ng kababata ko, naiwan nila ang kuting palang noon na si Kemerloo kasi naglamyerda ang bagets at hindi na hinanap ng mga amo niyang nagmamadaling-umalis layasan ang subdibisyon namin. Ang siste, nangapitbahay lang pala si Kemerloo sa bakuran namin. Basta natulog na lang siya sa  ilalim ng bakal na patungan ng mga halaman ng nanay ko. Ayun, hindi siya nakita at binalikan ng kababata ko kaya inampon na lang namin. Naawa at na-kyutan 'yung panganay naming kapatid sa kanya kaya pinakain ito at hinayaang makitulog sa bakuran namin hanggang sa hindi na siya umalis. Kunsabagay, ang kyut nga namang talaga lalo na at mala-bulak sa puti at lambot ang balahibo ni Kemerloo na may halong itim na balahibo sa bandang tenga at bumbunan. At ang kanyang mga mata? Blue ang kulay. Antaray! Mukha siyang imported na pusa. Madali tuloy niyang nakuha ang loob namin nga mga ate ko dahil sa kanyang angking ka-kyutan. :D

Ako ang nagbigay sa kanya ng pangalan. Nakuha ko ang pangalang "Kemerloo" sa itinuro sa aking salita ng bestfriend kong beki na ang ibig sabihin ay joke.

Lumipas ang tatlong buwan at napamahal na sa amin si Kemerloo. Palagi siyang kinukuhanan ng litrato ng Ate ko.  Pero wala na yata kaming kopya kasi nasira ang hard disk namin kung saan naka-store ang mga litrato... (Oooppsss! Wait lang! May na-save palang  pictures ni Kemerloo ang Ate ko! Kagabi ko lang din nakita sa external HDD niya. Yey! :D)  At dahil nga napamahal na sa amin ang pusang ito, nalungkot kami nila Ate noong naglayas siya. Nagbakasyon lang kami sa Mindoro Oriental ng limang araw, pagbalik namin sa bahay, wala na si Kemerloo. Sabi nga ng bestfriend kong beki,"Nagfly-la-loo na si Kemerloo." Hindi namin alam kung bakit basta na lang niya kaming nilayasan samantalang nag-iwan naman kami ng pagkain at inumin para sa kanya bago kami umalis para magbakasyon. Inisip na lang namin na baka inakala niyang hindi na kami babalik kaya naghanap ng ibang lugar na puwedeng tirhan.

Mahigit isang taon ang lumipas, ni anino niya ay hindi na namin nakita. Ginulat n'ya na lang kami isang araw ng bigla siyang bumalik. Noong mga panahon na 'yun ay tatlong taong gulang na ang pamangkin naming babae.
Weird pero, natuwa ako sa pagbabalik niya kasi agad kong naisip na meron na naman kaming taga-taboy ng mga bubwit.

Anlaki ng ipinagbago ni Kemerloo. Hindi na siya kuting pero kyut pa rin siya. Iyon nga lang, mukha na siyang gusgusing pusa. Nanlilimahid sa dumi ang balahibo at parang matamlay. Sa tuwa namin sa kanyang pagbabalik, sinabi namin sa kasambahay namin na bigyan kaagad ito ng pagkain. Mistula siyang alibughang anak na pinakain ng bonggang-bongga bilang selebrasyon sa kanyang pagbabalik.

Sa kasalukuyan, hindi na mukhang gusgusing pusa si Kemerloo. Hindi man namin siya mapaliguan dahil tuwing umaga at hapon lang siya tumatambay sa bakuran namin at lumalayas kapag alam niyang balak namin siyang paliguan, e mukha pa rin siyang malinis. Kunsabagay, may sariling paraan ng paglilinis ng katawan ang mga pusa.

Maamo si Kemerloo at so farnever siyang nagsungit o nangalmot. Isang beses nga ay naaabutan kong kinakausap ito ng pamangkin ko. At sa wikang Ingles pa! Susme. Buti na lang at di sumasagot si Kemerloo or else, baka pati ako ay matakot.

Pero nitong nakaraang Sabado, napansin kong lumalaki ang tiyan ng malanding pusa. Hala! Magiging Tita na naman ba ulit ako?

Lagot. Kung buntis si Kemerloo, saan na niya itatago ang mga kuting niya? Hahayaan ba niyang tumira sa amin o ilalayo niya ng tirahan? Kung lalayo sila, saan sila titira? Kung sa amin namin sila maninirahan, naku. Lagot.  Hindi pa man din kami puwedeng mag-alaga ng maraming pusa kasi meron akong hika. Puwede ko lang silang pagmasdan sa malayo at yapusin sa panaginip dahil kapag nalanghap ko ang balahibo ng pusa, aatakihin ako ng hika. Sa totoo lang, bawal kaming magkaroon ng pet na pusa pero dahil nga natuwa lang kami kay Kemerloo, keber na sa hika at hinayaan nanamin siyang tumira sa bakuran namin.

Hay, Kemerloo. Binigyan mo pa kami ng problema. Siyempre, hindi naman namin siya puwedeng pabayaan sakaling mabuntis nga siya. (Para tuloy akong may  kapatid na babae na nabuntis at tinakbuhan ng boyfriend, ano? Hahaha! Pasensiya na, malandi kasi itong pusang ito e kawawa naman kapag pinabayaan. :-p)

Ewan. Bahala na nga. Pag totoo ngang buntis si Kemerloo, sesermunan ko siya. Hahaha!

No comments:

Post a Comment

Followers