Wednesday, April 11, 2012

Takot ka ba sa sore eyes?


Naging factory yata ng muta ang kaliwang mata ko kaninang madaling araw. Pakiramdam ko'y puro buhangin ito kaya hirap akong magmulat. Makirot. Di ko malaman kung paanong punas ang gagawin ko para mawala ang mga muta ng hindi masusugatan ang mata ko. Nakakadiri pero dahil sarili ko naman itong muta, wala akong magagawa kundi punasan ito.
Alangan namang ipagawa ko pa sa iba. Natatakot akong pumunta sa banyo at tumingin sa salamin kasi pakiramdam ko, bubulaga sa akin ang katotohanang ilang araw ko nang kinatatakutan. Para lang akong nag-take ng medical exam at kinakabahan ako sa magiging resulta. Tipong anytime, bubulaga sa akin ang "mapulang" katotohanan tungkol sa kaliwang mata ko.

Eto na. Nilakasan ko ang loob ko at talagang bumulaga na nga! 1-2-3, bulaga! Kasing-pula ng bilasang isda ang kaliwang mata ko na nanlilimahid sa muta. Astig! Para akong  hardcore na adik. Sinumang makakakita siguro sa akin ay kakaripas ng takbo. Ha-ha-ha! Pero nakakaiyak pa rin kasi, ayoko ng sore eyes! Putek! Nagpanic ako. Madami pa man din akong trabahong iniwan sa opisina. Naisip ko kaagad? Paano akong papasok sa opisina nito? Baka sakalin ako ng boss ko. Argh! Bwiset! Wrong timing!

Ano nga ba ang conjunctivitis o mas kilala sa tawag na sore eyes? Ayon sa Wikipedia, ang sore eyes ay ang pamamaga ng conjunctiva o ang outer layer ng mga mata o inner surface ng eyelids na kadalasang dulot ng impeksiyon na viral at minsan ay bacterial maaaring sanhi ng allergic reaction.

Halos lahat ng sintomas ng taong may sore eyes ay nararanasan ko ngayon kaya tinext ko lahat ng mga tao sa opisina para sabihin ang masaklap kong kapalaran. Aba! Lahat sila (pati housemates ko), nag-react! Huwag ko na raw balaking pumasok sa opisina at nakakahawa raw ang sore eyes. Sisisihin lang daw nila ako pag nahawa sila. Naman! Okay lang sanang hindi pumasok pero nakakaburyong mag-isa sa boarding house e.

Bakit nga ba nakakatakot ang mga taong may sore eyes? Dahil ba nakakahawa talaga ito o napagkakamalan silang adik dahil sa pamumula ng mga mata? Kadalasan, nakakaloka 'yung ibang tao kung mag-react pag nalamang may sore eyes ka. Oo at nakakahawa nga ang iyon pero huwag naman sanang OA ang reaksiyon na akala mo'y parang alien na 'yung taong may sore eyes.

Eyedrops! Kelangan ko ng malupet na eyedrops! Iyong klase ng eyedrops na parang Dishwashing Liquid lang na isang patak, tanggal agad ang pamumula ng mata ko. Pati muta, washed out.

At bumili nga ako ng pampatak. Iyong Vigadexia. Ang mahal! Php 475.00! Putsa, pambiyahe ko na papuntang Subic 'yun!  Pero pikit-mata kong binili para lang matanggal na itong pesteng iritasyon sa mata ko. Nagbabakasakali pa rin kasi  akong hindi sore eyes ang dumali sa akin kundi simpleng iritasyon lang. At ayun na nga! Epektib! Ayos! Patay kang sore eyes ka. :D

Makalipas ang isang oras, dahil hindi na bumalik ang pamumula ng mata ko at natanggal lahat ng mutang tumambay rito, ayun, nagdesisyon na akong pumasok sa opisina. Siyempre, nagsuot ako ng shades para cool ang dating kahit ang totoo'y gusto ko lang itago ang malupit kong lihim at para proteksiyunan na rin ang mga mata ko sa alikabok at usok ng mga sasakyan. :D

Pagdating ko sa office, ayun, panic sila. Takot mahawa e. Pero promise, magaling na ako kako. Ayun, nang makumpirma nilang hindi talaga sore eyes ang tumama sa akin kundi simpleng iritasyon lang, sumabak agad ako sa trabaho pagkatapos akong chikahin ng aking mga opismeyt.

Lesson learned: Gumamit ng malinis na panyo para punasan ang mga mata o di kaya'y hugasan ng tubig para maiwasan ang iritasyon na maaaring maging sanhi ng sore eyes. Kung viral naman ito, kumunsulta sa doktor para mabigyan kayo ng payo kung paano ito gagamutin.

No comments:

Post a Comment

Followers