Wednesday, April 11, 2012

My 'Single' dilemma (Part 1)


Wala naman talaga akong matinding dilemma sa buhay ko ngayon. Sa katunayan, kasalukuyan akong stress-free kasi, single ako ngayon. Tama. Sa edad na 31,  single pa ako. Nakailang relasyon na rin pero palaging palpak. Naranasan ko na ring magkaroon ng unrequited love at beterena na rin ako sa pagiging brokenhearted. Kung hanggang kailan magiging ganito kamalas ang lovelife ko, e hindi ko alam. Panahon na lang ang makakapagsabi kung makakapag-asawa pa ako o hindi.

Napasulat ako ng blog ng wala sa oras matapos kong mabalitaan na engaged to be married na ang lalaking dati kong minahal. Sa totoo lang, may nakanti sa kamalayan ko ang balita tungkol sa kanyang relationship status sa Facebook (FB). Inatake ako ng lungkot at inis.
Sa inis ko, gusto ko siyang paringgan. Iyon nga lang, hindi naman siya nagbabasa ng blog ko kaya parang gusto ko na lang mag-rant. Gusto ko sana siyang sulatan o i-chat para sabihing "Ang tanga-tanga mo. Hindi ka na nadala."

Bukod doon, eto pa ang ilan sa mga bagay na gusto kong sabihin sa kanya--

Dear ___________,
Hindi ko inakalang katulad din pala kita, tanga lang pagdating sa pakikipagrelasyon. Nakakaloka ka. Hindi mo pa nga nakikita ng personal 'yung babae, nag-propose ka na kaagad ng kasal.  Nakakatawa ka. Saang planeta ka ba galing? Kunsabagay, hindi ka nag-iisa. Kaya nga nauso noon ang mail-order brides e.

Naiinis lang ako sa sarili ko kasi kahit i-hide ko ang post mo sa FB, nakita ko pa rin kaya tumanim sa utak ko kung ano ang updates sa relationship status mo.

Hindi na kita mahal pero nakaramdam ako ng kirot kagabi dahil sa nabalitaan ko. Naisip ko tuloy, baka inggit lang ito. Inggit kasi, buti ka pa, nakahanap na ng bagong mamahalin, ako, wala. Hindi na rin kasi kita mahal kaya ayun, talagang zero balance ako ngayon sa Love Department. Ang isa pa sigurong nakakainis e 'yung itsura ng "fiancé" mo. Itsurang menor de edad lang, payatot at tisay. In fairness, complete contrast ng itsura ko at edad. Nakakainis ang pagiging superficial mo.

Pero maituturing ko rin pala itong blessing in disguise kasi naisip ko rin, kung nagkatuluyan pala tayo, putsa, baka ilang buwan o taon lang, kapag nakakita ka ng bebot e malamang, kakaliwain mo lang ako. Sige, huwag na lang talaga. Hindi-hindi ko na aambisyuning o hahayaang magkaroon ng possibilities na maging tayo kasi you are not worth it.

Di bale, sa mga susunod na araw, siguro, mawawala rin ang pagkainis ko sa'yo.  Mababawasan na rin ang inggit. Hindi ko na lang papansinin ang mga post mo kasi baka mabigyan ng ibang kulay ng mga taong nakakaalam kung ano ang sitwasyon natin. Or worst, baka kung ano pa ang isipin mo. Deadma na lang. Pero sa ngayon, hindi pa rin talaga maalis-alis sa akin ang urge na sabihan kang T-A-N-G-A.  Sana na lang hindi ka perahan lang nung bago mong girlfriend (na fiancé mo na ngayon) para may silbi naman iyang ginawa mong kabaliwan. Hinding-hindi ko ila-like ang status message mo kasi kaplastikan 'yun on my part kapag ginawa ko 'yun.

At sa akin naman, in fairness, na-realize ko na hindi na talaga kita gusto. Hindi na kita mahal. Ang problema lang, naiinggit yata ako sa'yo at sa bago mong gf. Kasi, putsa! Ilang araw na lang, 2012 na. Pero eto ako ngayon, nangangapa pa rin ako sa dilim. Mga ilang buwan na rin akong nage-enjoy sa pagiging single pero matapos kong mabasa ang updates tungkol sa'yo, bigla akong nag-panic. Next year, mawawala na sa kalendaryo ang edad ko pero hanggang ngayon, wala pa ring ibinibigay na Groom sa akin si Lord. Nakaka-panic din pala talaga. Halos lahat ng kamaganak at ilan sa mga kakilala ko, nakatutok sa Civil Status ko sa FB ang atensiyon. Tipong kapag may slight changes siguro akong gagawin sa relationship status ko, baka pagpiyestahan kaagad nila o pag-uusapan. Parang showbiz tsismis lang na tila apoy kung kumalat.

Kaya naiinggit ako sa'yo. Sana ako naman ang suwertihin. Buti ka pa, kahit medyo katangahan ang pinaiiral mo ngayon, sooner or later, hindi mo na mararanasan ang dilemma ng mga tulad kong single.

Bad trip ka.

Ako lang,

Dapithapon

Alam kong madaling isulat ang mensaheng ito sa blog kasi hindi naman niya mababasa. Pero kapag totohanan na siguro, malamang, hindi ako makakaimik.

Anyway, nakakasuya. Ang hirap din talaga maging single sa edad na 31. So far, hindi nga ako malungkot kahit wala akong ka-partner pero lahat ng tao, iniisip na may kulang sa buhay ko. Minsan tuloy parang gusto ko nang maniwala na may kakulangan nga sa buhay ko. Katulad ngayon, mukhang ito 'yung isa sa moments na tinatablan ako sa persepsiyong ito. Oo nga at hindi ako nai-stress ngayon sa boyfriend kasi wala akong karelasyon ngayon, kaso, bigla kong na-miss ang pagkakaroon ng boyfriend.

Nami-miss ko ang may ka-HHWW (holding hands while walking), ka-exchange ng sweet nothings, kasama sa panonood ng sine, etc., etc. Kagabi tuloy, "laughing on the outside, crying on the inside" ang drama ko.  Naiyak talaga ako habang nasa CR ng boarding house namin at nagbibihis. Pero, let me reiterate na hindi ako naiiyak dahil may nararamdaman pa ako para sa lalaking tinutukoy ko at bitter ako na ikakasal na siya. Nalulungkot ako kasi mukhang napag-iiwanan na yata ako ng panahon. Lahat halos ng mga kakilala ko na kaedad ko e kasal na o ikakasal na, may bago ng bf o malapit nang magka-baby. Samantalang ako, laging bigo sa pakikipagrelasyon. Laging lumuluha dahil brokenhearted. Baka mabulok na ang matris ko bago pa matupad ang pangarap ko na ikasal at magka-baby rin balang-araw.

Lately, nape-pressure ako kasi kinukulit na ako ng mga magulang, ng mga kamaganak at ilan sa mga kaibigan ko. Kelan daw ba ako mag-aasawa?

Nadagdagan pa ang nararamdaman kong pressure noong nagkita kami ng dalawang matalik kong kaibigan noong high school. Iyong isa, buntis at malapit ng manganak. At iyong isa naman, binigyan ako ng wedding invitation. Noong nakaraang Martes ikinasal 'yung high school friend ko, sa edad na 32. Sa aming tatlo, ako na lang talaga ang bokya ang lovelife.

Don't get me wrong, masaya ako para sa kanila. Lalong-lalo na sa kaibigan naming ikinasal kasi first and last boyfriend niya ang napangasawa niya. She waited for so long to find the right one for her and she had succeeded. Bilib ako sa kaibigan kong iyon kasi nagbunga ang patience niya. Mabait ang napangasawa niya at mahal na mahal talaga siya.

Masaya rin ako tuwing nakakakita ng mga magsing-irog na nagmamahalan. Matchmaker din kasi ako kaya totoong masaya ako tuwing nakakakita ako nakakarinig ng mga kuwento tungkol sa mga nagtagumpay na relasyon. Wala ring halong biro, gusto ko na maging masaya ang lovelife ng mga tao sa paligid ko.

Iyon nga lang, bukod sa pressure, dinadalaw ako ng lungkot ngayon. Kasi iyung mga kaedad ko o mga kakilala kong mas bata pa sa akin ay may stable partners na. Maski mga beki kong kaibigan, stable ang lovelife. Ako, wala.  Olats. Hindi ko kelangan ng panandaliang boyfriend kasi ilang beses na rin akong nagkaroon ng ex. Ayoko rin namang basta kung sino na lang e patulan.  Ang kailangan ko, stable relationship. 

Bitter Ocampo na kung Bitter Ocampo pero talagang bigla akong tinamaan ng inggit. Alam kong lilipas din ito. Pero sa ngayon, hindi ko kayang pigilan ang nararamdaman ko.

Hindi ako desperadang magkaroon ng asawa. Naniniwala ako na patience is a virtue. Reasonable at simple rin lang ang standards ko kaya I refuse to settle for less kasi alam kong ako rin ang magsisisi sa bandang huli kung halimbawang mapupunta ako sa lalaking iresponsable at kampon ni Lucifer, di ba?? After all, I've worked so hard to make my life the way I want it to be and it would be extremely unfair to settle for someone who will just make me feel miserable.

Kaya lang, may moments talaga, tulad ngayon, na tinatablan pa rin ako ng mga ganitong alalahanin at lungkot.

Kagabi ko pa paulit-ulit na tinatanong sa sarili ko kung may pag-asa pa ba akong makahanap ng lifetime partner? Kung wala na talaga, ano kaya ang mangyayari sa akin 10 years from now? Paano na lang kapag matanda na ako? Pag umabot ba ako ng 60 years old, ako na lang ba sa high school batch namin ang matitirang single?

Nakakainis lang di ba? Andami kong mga tanong na hindi ko alam kung paano sasagutin. Madalas ko ring ipinagdarasal na sana gumanda naman ang takbo ng lovelife ko pero hanggang ngayon, wala pa ring linaw kung ano ang plano ni Lord sa para sa akin. Ayoko rin namang isipin na tinamaan ako ng jinx o sumpa. 

May mga oras tuloy na tinatanong ko sa hangin kung malas lang ba talaga ako o hindi nakaguhit sa kapalaran ko na magkaasawa? Kung oo, aray. Ansaklap naman. :(

Argh! Tama na nga. Ayoko na lang munang isipin. Maybe, this is just a phase I had to go through para sa year 2012, okay na ulit ako.

(Disclaimer: Nagse-senti ako noong isinulat ko ito kaya pasensiya na kung ganito ang kinalabasan.)

No comments:

Post a Comment

Followers