Wednesday, April 11, 2012

Payback Time ni Inang Kalikasan



Ang hangin ay unti-unting dumadapyo sa mukha
Humahaplos sa balat, dala ang halimuyak ng
mga puno't mga bulaklak...


Taliwas sa malambing na haplos ng hangin tuwing kalmado ang panahon, mabagsik ang hagupit ng Bagyong Sendong sa Negros, Cagayan de Oro, Iligan City at sa ilan pang mga apektadong lugar sa Visayas at Mindanao. Sa isang iglap, ang mga lugar na hindi mo aakalaing tinatablan ng ganitong kalamidad ay nilamon ng alon mula sa dagat, nilunod ng baha dulot ng ulan, binayo ng malalakas na hangin at kinitil ang buhay ng mahigit 500 katao. Sa isang iglap, ang mga oras na dapat sana'y iuukol ng ating mga nasalantang kababayan  para paghahanda sa nalalapit na Kapaskuhan ay kailangang gugulin upang bumuong muli ng mga nasirang tahanan at mga pangarap.

Sadyang malupit ang kamandag ng Bagyong Sendong. Nakakakilabot, nakakalungkot. Habang nagsasaya ang lahat, habang ang iba'y kaliwa't kanang dumadalo sa mga Christmas party at tumatanggap ng mga regalo tulad ng mga opisyal ng ating pamahalaan, ang mga kababayan natin sa mga binanggit kong lugar ay kasalukuyang humihingi ng tulong upang may makain, maisuot na damit, matulugan at higit sa lahat ay mahanap ang mga nawawala pa nilang mga kamaganak na hindi nila alam kung buhay pa o ligtas na napadpad sa kung saan.

Ito na yata talaga iyung tinatawag na "payback time" ng Inang Kalikasan.

Dalawang taon na ang nakararaan pero sariwa pa rin sa ating mga Filipino ang mga nangyari noong panahon ng Bagyong Ondoy. Ngunit, hindi pa man ganap na nakababawi sa trauma tayong mga Filipino mula sa matinding pinsalang dinala ng Ondoy noong Setyembre 26, 2009, ay muli na namang sinubok ang ating katatagan.   Sinalanta ng Bagyong Pedring nitong nakaraang Setyembre 27, 2011 ang buong Metro Manila at Hilagang Luzon. Nanginginig pa rin ang kalamnan ko sa nerbiyos tuwing naaalala ko ang mga larawan o video footages na napanood ko sa YouTube sa  kung papaano'ng binugbog ng malakas ng hangin ang buong Metro Manila at tinibag ng alon at hangin ang Sea Wall sa Manila Bay na naging sanhi ng pagbaha ng hanggang baywang sa Sofitel, isang 5-star Hotel sa Roxas Blvd. pati na rin ang US Embassy. Hindi rin nito pinaligtas ang Gitnang Luzon lalong-lalo na ang Bulacan, Nueva Ecija at Pampanga at talaga nga namang nagmistulang water world dahil sa baha! Nagkaroon pa ng malawakang brownout sa iba't ibang panig ng Luzon.

Ayon nga sa balita ng lokal na Media ay umabot raw ng mahigit 20 talampakan ang lalim ng baha sa mga naturang lugar. Bagama't sanhi ang pagbahang ito ng pagpapalabas ng tubig sa anim na Dam sa Northern Luzon, hindi maitatangging epekto pa rin ito ng Bagyong Pedring. Kaya hanggang sa kasalukuyan, kaliwa't kanan ang humihingi ng saklolo sa mga nabanggit kong lugar at ang bawat tulong na maibibigay ng bawat isa sa atin ay napakahalaga.

Sayang, kung kaya lang sigurong linisin ng bagyo maging ang kabulukan ng gobyerno ng ating bansa, mas matutuwa pa siguro tayong mga Filipino. Ang siste, hindi naging epektibo ang ganitong klase ng sakuna upang mapatalsik sa puwesto ang mga kurakot na opisyal ng ating gobyerno.

Naisip ko tuloy, sadya lang talagang makapal ang balat ng mga buwayang iyon kaya sa halip na magbago sila, e lalo pang lumalala ang kabuktutan nila.

Siguro kaya nangyayari ang mga ganitong katinding sakuna sa Pilipinas ay para magsilbing paalala ito sa ating lahat na dapat nating pairaling muli ang espiritu ng Bayanihan sa puso nating mga Filipino at magtulungan para ibangong muli ang ating bansa mula sa sakunang dulot ng bagyo o anumang sakuna maging ang mga delubyong dulot ng kabulukan ng ating pamahalaan.

Higit sa lahat, sa tingin ko'y warning din ito hindi lang sa mga Filipino kundi sa lahat ng tao sa mundo na nakararanas din ng mga nakapanghihilakbot na kalamidad na hangga't sinisira natin ang ating Planeta at pinaiiral ang kasamaan sa paligid, paulit-ulit din tayong paaalalahanan ng Kalikasan sa pamamagitan ng bagyo, lindol, tsunami at ng mga iba't ibang klase ng sakuna.

Sa puntong ito, sana magtulungan tayo. Huwag din nating kalimutang tulungan at ipagdasal ang mga kababayan natin sa CDO, Negros, Iligan, atbp.

Marami pa tayong dapat ayusin.

**************************************************
(Photo credit: https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhTq00FywRl6T7h3kdMRORieiuzZWnWdP6AggzDqXhOH4FCAvGVDRMTzQ9suBhD9pIGgL5UElVpc-3tvGmHEO8xSuA1L0xyfHdByYvVh2lVSOQuO8fXGujqOG45CN6nRGf_xU49XPFIEDI/s640/typhoon%252520sendong.jpg)

Note: This entry was published at the Definitely Filipino website. See URL at--> http://definitelyfilipino.com/blog/2011/12/25/payback-time-ni-inang-kalikasan/

No comments:

Post a Comment

Followers