Wednesday, April 11, 2012

Isang oras na Catatonia


♥ Posted by me on April 23, 2009 at 4:30pm

Pinagmamasdan ko ang keyboard ng pc namin. Naisip ko lang, ano kaya kung may telekinesis ako? Subukan ko kayang pagtipahin ng kanya ang keyboard namin? Pinokus ko ulit ang aking paningin sa itim na keyboard. Tinitigan ko ito ng husto. 'Yung tipong naka-glue dito ang mga mata ko at paulit-ulit na dinidikta sa utak ko na "mag-type ka!"

Gusto kong malaman kung kusa itong titipa ng mga salitang hindi ko maisalin sa computer monitor ko. Titig. Titig. Titig. Unti-unti nang naluluha ang mga mata ko. Pero sige lang. Patigasan kami ng keyboard. Titig ulit. 

.Titig...

Isa...dalawa...tatlong minuto...walang ibang nakikita ang mga mata ko kundi ang itim na keyboard. Sumulyap ako saglit sa monitor. Blangko pa rin! Titig ulit. Titig...

Wala talaga...Sinabunutan ko ang buhok ko. Nang mukha na akong bruha at sumakit na ang anit ko, sinulyapan ko ulit ang monitor. Potek! Blangko pa rin! Hilam na ang mga mata ko ng luha katititig sa keyboard pero wala pa rin. Talo ako sa lihim naming paligsahan!

Apat...lima...anim...pito....sampung minuto. In a split second, sumulyap ulit ako sa monitor. Kasing-puti pa rin ng ngipin ni Count Dracula ang nasa Word Document ko! Arrggghhh! I give up!

Tiktak-tiktak-tiktak. Isang oras na lang alas-singko na ng hapon. Napapagod na ko sa mga sumusulpot na ideya sa utak ko pero di ko pa rin mautusan ang sarili kong itipa iyon sa computer.

Mental block ba ito? Bakit? Bakit inatake ako ng mental block? Pati keyboard pinagdiskitahan ko. Pero teka lang. Hindi ito mental block kasi may mga sumusulpot na ideya sa utak ko. Kung gayon, ano ito? Na-ativan ba ako?

Aha! Alam ko na! Huminto na kasi sa pagbuhos ang ulan. Tungkol pa man din sa baha ang tinatangka kong isulat na kuwento. Nawala ang inspirasyon ko...

Paano ko kaya ibabalik ang gana ko sa sinusulat kong kuwento? Kelangan kong makaisip ng paraan. Uhmmm, alam ko na! Tama. Ano kaya kung magdilig ako ng halaman? O di kaya'y manood ako ng palabas na may mga eksenang umuulan? Ano kaya kung buksan ko ang shower namin at titigan ang dutsa ng tubig mula roon? Tama. Tama. Magpo-produce na lang ako ng artificial rain. Hahaha.

Ano ba itong iniisip ko?

Sumulyap ulit ako sa computer monitor. Blurred ang tingin ko sa monitor. Kinusot ko ang aking mga mata. Nang matanggal ko na ang imaginary na dumi sa mga mata ko, tiningnan ko ulit ang monitor. Ang kanina'y blangkong word document ay unti-unting namantsahan ng itim na letra. Pumikit-dumilat ako. Sa aking pagdilat, ang mga letra'y naging salita at ang mga nabuong salita'y naging pangungusap. Isa pang round ulit. Pumikit-dumilat ulit ako. At sa aking muling pagdilat, ang mga pangungusap ay naging taludtod.

Mula sa computer monitor, tinapunan ko ng tingin ang keyboard. Pagkakita ko sa mga daliri kong tumitipa sa keyboard, umalpas ang ngiti sa mga labi ko. Ayos! Handa na ulit akong magsulat.

Habang patuloy na tumitipa ang mga daliri ko sa keyboard, tatawa-tawa kong i-tinype ang mga pangungusap na ito: Wala akong telekinetic power. Inatake lang ako ng "katam."

Period. Hehehe! :-)

No comments:

Post a Comment

Followers